II: Backyardigans

23 1 0
                                    


     "Salamat brad," sabi ni Jeffrey sa traysikel drayber. Abot tenga ang ngiti ng tsuper sa kaniyang natanggap: limandaang piso, at hindi na nanghingi pa ng sukli si Jeffrey. Ibinaba siya nito sa Palermo Compound: maganda ang mga nakahanay na apartment sa loob nito, pang-hacienda ang istilo, kumpleto sa doorbell ang harap ng gate, at puno ng halamang sunod sa sining ng Hapon, ang Ikebana.

     Humagibis paalis ang traysikel, kasabay ng pagpindot ni Jeffrey sa doorbell na may nakasulat na pangalan sa gilid nito: Mr. Baruchel.

     Ang tunog ng doorbell ay kakaiba, para bang tunog ng kuryente na may hindi makontrol na boltahe. Pinindot niya pa ito ng paulit-ulit, hanggang may sumagot mula sa looban. "Tangina neto, saglit lang!" sagot ng lalaki sa looban.

     Ilang sandali pa ay nakadungaw na ang lalaki sa harapan, nakasuot ito ng mamahaling bathrobe na gawa sa seda, at mabuhok ito, kitang-kita ang mga malalagong himulmol sa dibdib ng lalaki.

     "Isang pindot lang sa susunod, puwede?" galit na sabi ng lalaki. "Oo na, oo na. Akala ko tulog ka e," bawi naman ni Jeffrey.

     Pinagbuksan ng lalaki si Jeffrey, at pagkatapos nito, ay umakyat sila sa pangalawang palapag, na kung saan nakatira ito. Sa bungad pa lang ng bahay ng lalaki ay halata ng may kakaibang lahi siya, dahil may malaking nakasulat sa pinto nito sa salitang Russo, at puno ng basyo ng vodka ang labas ng bahay ng lalaki.

     Pagpasok ni Jeffrey sa bahay niya ay napasalampak na lamang si Jeffrey sa malambot na sofa nito. Maganda ang bahay, puno ng palamuti, mga kakaibang pigurinang babushka mula sa Russia, at mga pekeng garapon na naglalaman ng binurong mga prutas ang naglaro sa mga mata ni Jeffrey.

     Wari'y sanay na ang lalaki sa asal ni Jeffrey, halatang sarap na sarap ito sa pagtamasa sa lambot ng upuan niya. Inalok niya ito ng maiinom. "Jeffrey, imported o local?"

     Napalingon si Jeffrey, at sinabing, "Tangina Peter, ayoko niyang imported imported na 'yan, Pilsen lang kayang sikmurahin ng tiyan ko." Tumungo ng refrigerator si Peter, ang lalaki, at kumuha ng Pilsen para rito. Binuksan niya ang mga bote sa pambukas nito na nakadikit sa ref. Hinain niya ang alak kasama ng plato ng minatamis na prutas.

     "Kumusta kayo ni Lorna, Jeffrey? Matatag pa rin ba?" tanong ni Peter.

     "Malabo nga e, putangina, nahuli ko, nakikipagkantutan sa kapitbahay namin, 'yung sinabi ko sa'yong may-ari ng Mahjongan? Iniputan ako sa ulo pre!" sagot ni Jeffrey, na nanggagalaiti sa galit.

     "Huwag mong sabihin na may ginawa ka rin sa kanila?" tanong ni Peter.

     "Sinabi kong itinanan ng kumag na 'yon si Lorna, ang sabi ko, na sa may Zambales sila, sa bandang Subic. Pero alam mo naman kung saan ko sila dinala," buong loob na tugon ni Jeffrey.

     Napalagok na lang ng malalim si Peter na sinabi ni Jeffrey, hindi niya lubos mawari kung paanong natatagalan ng kaibigan niya ang pinagagawa niya sa pangaraw-araw. Para bang hindi siya mabubuhay kung hindi siya makakaisa sa isang linggo. Itinuring na ni Jeffrey itong higit pa sa trabaho lang, naging libangan niya na ito. At gustong-gusto niya pa ang kaniyang ginagawa. Batid ni Peter na kahit sino ay maaaring makapagpanting sa tenga ng kaniyang matalik na kaibigan. Ngunit hindi siya, alam niyang hindi siya kayang galawin ni Jeffrey. Pero, baka lang. Baka lang.

     "Saan mo idinispatsa ha?" tanong ni Peter. Ngumisi ito at sinabing, "Doon pa rin, sa dati kong pinagtatapunan."

     Binuksan ni Peter ang telebisyon upang makapanood. Ilang lipat rin ang ginawa ni Peter, dahil hindi niya tipo ang mga pinapalabas sa gabi, lalo na sa cable, dahil pulos replays at mumurahing pelikula na lang ang ipinapakita sa mga istasyong ito. Tahimik lang na kumakain si Jeffrey ng minatamis na tsesa.

DuplexTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon