Inilagay ni Peter ang katawan ni Anna sa ilalim ng kaniyang kama. Agad niyang binasa ng tubig ang sahig na puno ng dugo. Tinapalan niya ng diyaryo ang pintuang puno na ng butas, dulot ng pagbaril niya rito, na ang babasahin ay natagpuan niya sa counter ng hotel. Nakasulat sa Tsino ang diyaryo, sakto, walang sayang.
Bakas sa mukha ni Jeffrey ang gutom sa kaniyang mukha, at bahagyang naiinis ito sa kaniyang sarili, dahil hindi niya naisip na kuhanin ang mga pagkain sa refrigerator ni Peter sa bahay nito. Iginala niya ang mga mata sa lahat ng kaniyang nadadaan. "Tangina, alas tres na, wala pa ring bukas na kainan," hindi niya na nararamdaman ang sakit ng kaniyang sugat sa dibdib, kundi ang matinding garalgal ng kaniyang tiyan, na halatang galit na galit kay Jeffrey.
Isa-isang sinilip ni Peter ang nalalabing anim na kuwarto ng hotel, hindi siya sigurado kung may nakarinig ba sa ginawa niya kani-kanina lang. At sinusuwerte naman siya, dahil maliban sa kaniya, ay wala ng iba pang naka-check in noong mga gabing 'yon. Bumalik siya sa kuwarto, na kung saan ay nakatago ang katawan ni Anna. Tinitigan niya ito ng matagal, umaasa siyang buhay pa ito. Hindi niya sinadyang mapatay ito. Huminga ng malalim si Peter sabay baba sa unang palapag ng hotel.
Kanina pa binabagtas ni Jeffrey ang kahabaan ng daanan, at pulos puno at bahay lang ang nakikita niya. Matindi na ang pagkalam ng kaniyang sikmura, nagrerebelde na ito sa kaniya. Inilihis ni Jeffrey ang kaniyang isip na gutom siya, at nagpatuloy na nagmaneho.
Kinalkal ni Peter ang bawat maliliit na drawer ng hotel. Natagpuan niya ang mga susi ng ibang kuwarto. Patuloy niya pang hinalugad ang mga lalagyanan, at nakakita pa siya ng isang baril na may dadalawa lamang na bala, sa kabila no'n, ay kinuha niya pa rin ito. Napansin niyang may maliit na basket sa kaliwa niya na may lamang tinapay. Kumuha siya ng isa at kumain. "May bakante pa kayong kuwarto?" tanong ng isang boses. Naloko na, kailangan niyang magpanggap na tagapangasiwa ng hotel, kung hindi ay baka mabisto nito ang ginawa niya kanina lang. "Yes, yes, Sir, anong...kailangan ninyo?"
Tanaw na ni Jeffrey sa malayo pa lang, ang isang convienience store, maliwanag ito at halatang wala o kakaunti lang ang taong nasa looban nito. Binilisan niya ang takbo ng motorsiklo niya. At ilang sandali lang, narating na niya ito. Walang kaabog-abog na pumasok siya sa looban. Wala siyang pakundangan, agad niyang dinukot ang tinapay at hotdog na mainit-init pa sa lalagyan nito. Pinuno niya rin ng iced tea ang pinakamalaking basong kinuha niya. Kumuha rin ito ng pagkalaki-laking tsitsirya at dalawang tsokolate. Pagkatapos noon ay umupo na siya at nagsimulang kumain. Takang-taka naman ang kahero ng tindahan, dahil hindi pa ito nagbabayad, pero pinabayaan niya muna ito, at baka nakalimutan lang.
"Anong kuwarto ba ang gusto niyong tuluyan?" tanong ni Peter sa potensiyal na kostumer. Natanaw niya rin ang kotse nitong itim. Bukod sa halata ni Peter na mayaman ito, alam niyang may parang kababalaghan ang lalaking kaharap niya ngayon. Agad hinanap ni Peter ang panulat sa gilid at piraso ng papel na pinunit niya lang mula sa envelope para sa resibo ng kuryente, sa kabila na may resibong isyu ang mismong hotel, na hindi niya napansin na nasa ibaba lang niya't nahulog.
"Sir, excuse me lang, babayaran niyo ba 'yan?" tanong ng crew ng convienience store kay Jeffrey. Sandaling lumingat si Jeffrey sa kahero, pero dahil siya'y gutom, bumalik sa pagkain at hindi niya ito pinansin. Medyo nainis ang kahero sa kaniya, pero naging malumanay pa rin ang pagsabi niya rito, "Sir, babayaran niyo po ba 'yan?" Natigilan si Jeffrey sa pagnguya sa tumingin ng masama sa kahero, "Maghintay ka, tanga. Kanina pa ako gutom, at uunahin ko ang bayad?" Humugot si Jeffrey ng limandaan sa wallet niya, nilapirot niya ito at ibinato sa mukha ng kahero. "Tangina mo, sa'yo na ang sukli, gago," galit niyang sabi rito. Pawang nasindak naman ang kahero sa inasal ng lalaki, pinulot niya ang pera at pumasok sa personnel's office. Bumalik lang ulit si Jeffrey sa pagkain nito.
Tinanong ng lalaki ulit si Peter, "May bakante ba?" Sasagot na sana ng wala si Peter ng napansin ng lalaki ang mga susi ng kuwarto sa gilid nito. "Marami pang susi pala, gusto ko 'yung sa gitna, 'yung tanaw ko 'yung kotse sa labas," sabi nito kay Jeffrey. "Hindi pupuwede ang kuwarto dahil, sira ang flooring at lubog ang higaan nito, inatake kasi ng anay ang buong kuwarto. Kung gusto ninyo, sa Room 1 kayo, tanaw niyo pa rin naman ang kotse ninyo doon." Nakumbinsi rin naman sa huli ito, "Sige, doon na lang ako." Ibinigay ni Peter ang resibo na hindi naman talaga resibo, kundi isinulat niya lang ang transaksiyon sa isang pilas ng papel, na ikinainis ng lalaki. "Wala ba kayong resibong matino?" Depensa ni Peter, wala pa raw ang in-order nilang rolyo ng papel de resibo. Patuloy pang pinuna ng lalaki ang kasuotan ni Peter, na akala mo'y matutulog lang. "Wala ba kayong maayos na uniporme diyan? Mukha kang...kagigising mo lang," insulto nito kay Peter. Sumagot lang siya na dahil wala namang kostumer masyado kaya hindi na siya nag-abala pang manamit ng nakapostura.
"Sir Ricky, 'yung lalaking kumakain, binadtrip ako, sinisingil ko lang naman siya sa kinakain niya, galit pa," sumbong ng kahero sa manager ng store sa inasal ni Jeffrey sa kaniya. "Ako na ang kakausap," sagot naman ni Sir Ricky sa kaniyang crew. Lumabas si Ricky, at tinungo si Jeffrey, na abala lang sa paglamon ng kaniyang binili. Kinalabit ito ni Ricky, sabay sabing, "Sir, puwede ba kitang makausap?" Tumingin lang si Jeffrey rito. "Sir, nagreklamo kasi ang isang crew ko na binato niyo raw po siya sa mukha, pinagmumura niyo pa raw siya. Ano po bang problema?" Napuno na si Jeffrey. "Tangina, ba't mo kinukunsinte 'yang kabaklaan ng trabahador mo? Wala ba siyang nakikita? 'Di ba kumakain ako, tapos manggugulo siya bigla't maninigil? Ano bang tingin mo sa akin, hindi magbabayad?" Dumepensa ang manager, "Sir, kami kasi ang mapapagalitan ng kumpaniya e." Bumaon na lang ang silinyador sa leeg nito. Nagulat si Ricky sa nangyari, umaagos na ang dugo sa kaniyang leeg, sumisirit ito ng malakas. Nakita naman ito ng kaniyang crew sa looban, kung kaya't hinablot nito ang electric zapper na nakapatong sa lamesa ng kuwarto. "Nasaan ka, tangina mo! Sinaksak mo si Sir Ricky!" wika nito. Agad siyang bumalik sa personnel room upang tignan kung nasaan na si Jeffrey sa CCTV. Ngunit ang katawan lang ng kaniyang Sir Ricky na naghihingalo ang nakita niya roon, at gumagapang.
Inalalayan ni Peter ang lalaki sa kaniyang kuwarto, ng napansin nito ang mga tapal ng diyaryo sa gitnang kuwarto at basang-basa pa ang sahig nito. Bigla niyang ibinaba ang kaniyang bitbit na briefcase at hinablot ang susi mula kay Peter. Binuksan niya agad ito, at nagulat siya sa kaniyang nakita. "May bangkay!" sigaw niya. Nakita niya ang bangkay ni Anna sa ilalim ng higaan, at ang mga baril at bala ni Peter na nasa ibabaw. "Asan na ang telepono ninyo? Tatawagan ko ang mga pulis!" Paglabas na paglabas niya sa kuwarto ay dalawang bala ang tumagos sa kaniyang mata at noo. Bumagsak ang lalaki sa lapag na walang buhay.
Patuloy pang hinanap ng crew si Jeffrey, ngunit pagbalik niya ay tinalon siya ni Jeffrey at pinagsasaksak siya sa kaniyang mukha. Sa mata, sa ilong, sa pisngi. Inilusot niya ang silinyador sa butas ng ilong nito at ibinaon. Dumugo na lamang ang ilong nito, at agad na namatay.
BINABASA MO ANG
Duplex
Mystery / ThrillerDalawang lalaking kumuwestiyon sa kung ano talaga ang masama at mabuti.