IV: Postman Pat

16 0 0
                                    

Tumigil si Peter sa harap ng isang hotel, sa bandang Tuguegarao, hindi gaanong kagandahan ang lugar, kalawangin na ang mga pundasyon, kupas na ang pintura ng mga pader, at may ilan-ilang ilaw na pakurap-kurap na lang, habang ang natitira naman, ay hindi na gumagana.

     Pinasok ni Peter ang hotel kuno, at napansin niyang maliwanag ang ilaw nito sa loob at maayos ang interyor na hitsura nito. Para bang sa labas ay mukhang abandonadong gusali ito, ngunit kapag pinasok mo ay akala mo'y bagong bukas.

     Bitbit ni Peter ang kaniyang shotgun, at dalawang pistol sa gilid, at sukbit niya naman ang magasin ng mga ito sa balikat. Napadilat na lang sa gulat ang resepsyonista ng hotel ng nakita niyang tadtad ng armas at bala ang buong katawan ng kaniyang potensiyal na kostumer sa gabing 'yon.

     "Isang kuwarto, malinis, may unan, may banyo, may bintana papuntang bubong sa main entrance," sabi ni Peter.

     Hindi na makaimik pa ang resepsyonista dahil sa takot na baka, barilin siya nito kapag nagsalita siya ng maaring hindi magustuhan ng kaniyang panauhin. Kaagad niyang inabot ang susi at sinabing, "Room 10, sa harap 'yan ng entrada ng hotel. Kung lalabas ka Sir ay, makikita mo sa pinakagitna ng gusaling 'to ang bintana mo."

     Lumabas ulit si Peter para tingnan ang sinasabing bintana sa kaniyang kuwarto, at hindi nga nagsisinungaling ang babae. Bumalik siya sa looban at sabay hinagis ang buong isanlibo sa istante nito. Pagbibiro niya rito, "Kasya naman na ang isanlibo sa isang gabing pamamalagi ko rito 'di ba?" Ngiti namang bawi ng babae, "Sobra-sobra pa nga po, Sir. Kasya na po ito sa tatlong araw na stay ninyo, kung tatlong araw nga kayo rito."

     "Malay natin," sagot naman ni Peter. Dagdag pa niya bago siya umakyat para hanapin ang kaniyang kuwarto, "Salamat, An...na," bigkas niya sa babae. Ngumiti lang ito pabalik sa kaniya, at may tumawag na sa kanilang telepono. Umakyat na papaitaas ng kuwarto si Peter, dinig ang kumakalansing na tunog ng mga balang nakatambay sa balikat niya.

      Maganda ang kuwartong ibinigay sa kaniya ni Anna. Maayos ang banyo, malinis ang higaan, liban na lang sa maliit lang ito. Dadalawa lang rin ang ilaw rito, at dilaw pa na makaluma.

     Agad pinuno ni Peter ng bala ang bariles ng shotgun at nilagyan ng laman ang magasin ng mga pistol. Binuksan niya ang telebisyon, nagulat siya at may cable channel ito. Inilipat niya ito sa istasyon ng balita.

     "This is the Daytime News with Don Michaels. It is a shocking day for rock and roll fans when the news came to them. Lead vocalist Bon Scott of AC/DC has passed away this 3:54 am at his house..."

     Napalingon si Peter sa kalendaryo sa kanan niya, "Tangina, 1978 pa 'tong kalendaryo na 'to. Dalawang taon nang nakalilipas. Wala yatang pambili ng bagong kalendaryo ang mga tao rito."

     Pagkatapos no'n ay natulog na siya katabi ang kaniyang baril. Natulog siyang nakabukas ang telebisyon.

     Isang malakas na yabag ang papalapit na sa kuwarto ni Peter. Agad niyang itinutok ang shotgun sa pinto. Tumigil ito sa harapan. Hindi na ito gumalaw. Waring may hinihintay na tiyempo. May pinapakiramdaman. Malalakas na paghinga ang pinakawalan ni Peter. Hindi maaaring nasundan siya agad ni Jeffrey. Pinatay na niya 'yon, ang pagkakaalam niya. Pero, paano kung buhay pa siya? Wala na siyang pakialam ro'n. Papatayin niya ang taong nasa harapan, magkamali lang ito ng galaw.

     Dahan-dahan niyang inabot ang remote controller at pinatay niya ang telebisyon. Nakatayo pa rin ang pigura sa harapan niya. Tumatagaktak na ang pawis sa mukha ni Peter, sa kabila na may bentilasyon naman ang kuwarto. Naririnig na niya ang tibok ng puso niya bawat segundo. Heto na. Gumalaw ka, patay ka.

     Binuksan ng tao ang pinto ni Peter.

     Agad namang ipinutok ni Peter ang shotgun, inubos niya ang apat na bala nito, tumagos lahat sa pintuan. Wasak ang pinto, nagkaroon ito ng malalaking butas. Kinuha naman ni Peter ang kaniyang pistol at dahan-dahang naglakad papalapit rito.

DuplexTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon