VIII: Blue Skies™

4 0 0
                                    


Umaagos sa katawan ng motorsiklo ang dugo na nagmumula sa paa ni Jeffrey. Halatang tinitiis niya lang ang kirot, habang ang kaniyang mga mata ay nagliliwaliw na animo'y may hinahanap. Sinampal ng malamig na hangin ang mukha niya, gayundin ang kaniyang paang may tama ng bala, dahilan upang kumirot itong muli. "Tangina!" Inis niyang sabi sa sarili. Unti-unti siyang nauubusan ng dugo, kaya binilisan niya pa ang takbo.

Humuhulas na ang malagkit na pawis mula sa kaniyang noo, at patuloy pa siyang paputla ng paputla. Nagdidilim na rin ang kaniyang paningin. Mawawalan siya ng malay. "Hindi," pagpilit niya sa sarili.

Puting ilaw. Puting pader. Puting sahig. Pulos puti lang ang naaninag ng mga ni Peter sa kaniyang paggising sa ospital. Agad niyang naramdaman ang sakit sa kaniyang bandang tadiyang. Tinignan niya ito, at tumambad sa harapan niya ang isang malaking gasa na nakabalot rito. Nagdudugo pa rin ng bahagya ang sugat. Masakit. Makirot. Mahapdi.

Iginala niya ang kaniyang mga mata—nakita niya ang isang telebisyon, isang basket ng prutas, isang mahabang upuan, at mga gamot na nasa kapsula at botelya. Nag-ipon siya sandali ng lakas sabay akmang tatayo.
Biglang kinapos siya ng hininga, at napasubsob na lamang si Peter sa kaniyang higaan. Ininda niya ang matinding kirot ng sugat, presko pa at malalim ang tama. Ipinikit ni Peter ang mga mata niya, at sandaling huminga ng malalim. Dahan-dahan. At tsaka dumilat—ang dugo ay umaagos mula sa kaniyang tagiliran.

Nasa bingit na ng posibleng kamatayan si Jeffrey, nawawalan na siya ng malay, at nawawala na rin ang kapit ng mga kamay niya sa manibela. Ngunit, pinipilit pa rin ni Jeffrey na magising at magmaneho. Sandali pa at natanaw niya sa malayo ang isang maliit na pharmacy.

Ika-ika siyang pumasok rito, ang dugo niya'y patuloy na lumalabas mula sa kaniyang paa. Lumingat naman ang kahero kay Jeffrey, at nadiskubre niya ang patak ng dugo sa sahig ng tindahan. Wala namang atubiling sinunggab ng kamay ni Jeffrey ang isang bag ng first-aid kit, sabay punta sa kahero upang bayaran ito.

Kitang-kita ng kahero ang kalagayan ni Jeffrey, na-alarma ito kung kaya't akmang tatawag ito ng agad siyang pinigilan ni Jeffrey upang gawin ito. "Huwag, huwag. Ayokong may makaalam nito, papatayin nila ako," sabi niya rito.
Tumigil saglit ang kahero upang tignan kung nagsasabi ba talaga siya ng totoo base sa kaniyang mukha. Nanginginig namang inabot ni Jeffrey ang lukot na limandaan mula sa kaniyang duguang kamay. Walang kaabog-abog ay kumuha ng upuan ang kahero at pinaupo si Jeffrey rito, nagsimula naman niyang gupitin ang pantalon nito, tinanggal ang medyas at sapatos. Nakita niyang umaagos ang dugo mula sa paa ni Jeffrey.

Sinubukan ulit ni Peter na tumayo sa kama ngunit napansin niyang may mistulang malamig na bagay ang nakabalot sa kaliwang kamay niya.

Posas.

Sabay naman pumasok ang isang nurse upang tingnan ang kaniyang dextrose at blood bag ng napansin nito ang dugo sa tagiliran ni Peter. Agad itong lumabas at bumalik rin naman na may dalang first-aid kit, at kasama rin nito ang isang pulis.

"Dahan-dahan lang, papalitan ko ang dressing ng sugat mo," malumanay na bigkas ng nurse kay Peter.

Agad namang umeksena ang pulis, "Ako si Chief Deputy Delfin Alvarez."

"Ba't ako nakaposas?"

"Isa ka kasi sa persons of interest na sumira sa mga kotse at sa isang tindahan ng baril. Patay ang may-ari ng lugar."

"Teka, nadamay lang ako roon! Wala akong kinalaman, napadaan lang ako tapos pinagbabaril ako noong isang lalaki, kaya dumampot ako ng baril sa counter at lumaban ako!" Ang bilis niyang makagawa ng kuwento. Maaaring maniwala sa kaniya ang pulis, pero mas maaaring hindi.

"Kahit na, person of interest ka," matigas na sabi nito sa sugatang si Jeffrey. Malamig ang ekspresiyon ng parak sa kaniya. Tumutulo ang pawis sa kalbo nitong ulunan kahit pa de-aircon ang kuwarto. Malaki rin ang kaniyang tiyan— halatang mahilig makipaginuman pagkatapos ng duty. Tapos, ang balbas niya ay may kakatwang haba— hindi bagay sa hitsura nito. Hindi naman umimik ang nurse na natapos na sa paggamot ng kaniyang sugat.

DuplexTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon