~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
~Grade Three~
Normal na estudyante lang ako na nag aaral sa isang private school, pero hindi elite school. Hindi namin first day ngayon actually nasa third quarter of the year na kami, November na at katatapos lang ng sembreak namin. Hindi ako katalinuhan pero hindi rin ako bobo. Di ako nerd o loner, may mga kaibigan naman ako kahit papano hindi nga lang sa school. Normal na bata lang ako, papasok ng school, uuwi, kakain, lalabas para maglaro, papasok sa bahy para manood ng TV, papagalitan ng magulang dahil ang dumi dumi ko, tapos tatakbo ako sa kapitbahay para magtago, at makinood ulit ng tv. Simple, pero hindi ko puwedeng kalimutan.
Di ako aktibo sa school, dahil ayaw ng magulang ko na magsasali ako sa mga contest, magastos daw kasi. Naiintinduhan ko naman ang desisyon nila, hindi makitid ang pag unawa ko sa tao.
Andito ako ngayon sa bahay na nasa tapat lang ng school na pinapasukan ko, kasama ko si Amy na kaibigan ko, mas matanda siya sa'kin ng isang taon, naglalaro kami ng stuff toys dito sa labas , ayaw nga sumali ng ate niya sa'min e, busy kasi yung pamilya nila amy sa loob ng bahay. Nagrerent lang kami dito kina Amy, at mabait talaga yung pamilya nila, minsan kaya kasabay ko sila magdinner sa bahay nila, pinapagalitan pa nga ko ni mama kasi nakakahiya raw 'yon may pagkain naman daw kami.
Napadako ulit ang tingin ko sa bahay nila Amy, nag liligpit ng gamit ang pamilya niya, para bang aalis sila? "Amy, san kayo pupunta? Aalis na ba kayo?" usisang tanong ko.
"Huh bakit naman?" inosenteng sagot niya.
"kasi oh, nag iimpake na kayo ng gamit..." sabay turo sa mga malalaking karton na selyadong selyado.
"ahh oo, sabi ni papa aalis daw kami, pero di ko alam kung saan kami pupunta.." at nagpatuloy lang siya sa paglalaro niya.
"ohh, babalik pa kayo di ba?" naniniguradong tanong ko, ayoko kasi mawalan ng kaibigan, sila kasi ang kauna-unahang naging kaibigan ko.
"Siguro,eto bahay namin e." Di na ko masiyado nagtanong kasi tinawag na ko ni mama para magtanghalian.
"Ma sabi ni Amy aalis daw sila, san daw sila pupunta? " tanong ko kay mama, "Oo pupunta na silang America" diretsong sagot ni mama at hinain ang pagkain sa harap ko, "eh? Di na ba sila babalik?"
"baka"
"kaya ba di na sila nag aaral?" Napansin ko kasi na huminto silang lahat sa pag aaral. Pero sabi ni Amy baka daw bumalik pa sila dito."Oo inaayos kasi nila yung papeles na kailangan, o siya kumain ka na"
"ee subuan mo ko," sabi ko at pinadyak padyak ang paa, "laki laki mo na nagpapasubo ka pa" sabi niya at kinuha na ang kubyertos,
"isda yan e, matinik" palusot ko pero ang totoo tinatamad lang talaga ako kumain.
"sige na "
Maarte ako pagdating sa pagkain kaya ang payat payat ko. Tamad akong kumain, gusto ko sinusubuan ako ni mama palagi, gusto ko rin pinapaliguan nya ko at binibihisan kasi ayoko ng kilos ng kilos, ayokong napapagod, tsaka sobrang bagal ko talaga kumilos. Di rin ako nagpo-po at opo sa mas nakakatanda sakin, pwera na lang sa school. Di naman tinuro sakin yun e, o kung tinuro man, di ko yun sinasabuhay hanggang sa nagyon kasi hindi ko alam kung anong mapapala ko sa pagsasabi ng po at opo, hindi naman ako yung tipo ng batang kanto na sagot ng sagot sa nakakatanda, yung mayayabang na akala mo alam na ang lahat. Pagpinapagalitan ako, nanahimik lang ako at iniisip kung bakit ganun ang nangyari hanggang sa makatulog ako. May kuya ako na mas matanda ng apat na taon sa'kin, di kami close pero lagi niya ko inaaway kaya ayaw ko siya kasama.
Di kami broken family. Hindi naman kasi pangtelenovela ang buhay ko, hindi ako nabubuhay sa imahinasyon lang ng tao, dahil totoo ako. Masaya kami kasi simple ang buhay. Hindi tulad ng iba, na walang ibang sinabi kundi ang; kung paano sila yumaman, umasenso, gaano kasaklap ang buhay na dinanas nila. Sa tingin ba nila may mapapala sila sa pagkikwento nila ng buhay nila, oo siguro magiging inspirasyon ng tao. Pero hindi sapat para magkaroon ng world peace masyadong pangmakasarili.
Ganito ako pag walang kinakausap, nakatulala at lagi lang akong nag iisip ng kung anu-ano. Iniisip kung paano nagsimula ang mga bagay bagay, bakit ganito, bakit ganiyan, pero sa huli wala namang sagot sa iniisip ko.
~~~~~
Sabado ng hapon ngayon at pinapatulog ako ni papa para daw tumaba at lumaki ako, kaso hindi ako makatulog kasi ang ingay sa labas. Di ko alam kung ano talagang nangyayari sa labas, kaya tinanong ko si papa, "Pa ano meron sa labas?"
"ah buti gising ka na, labas ka don, aalis na sila Ate Gab mo magbabye ka na" si Ate Gab? sila Amy? aalis na? Agad agad? Atsaka anong gising na e nagtulog-tulugan lang ako. Bumangon agad ako at lumabas, nakita ko si Ate Gab na umiiyak at si Amy na yakap yakap ung isang stuff toy na baboy, niyayakap ni mama sina ate Gab at amy, nung nakita ako ni mama tinawag niya ko. Si Are Gab, siya yung panganay na ate ni Amy.
"Des! halika," tawag sa'kin ni mama, tumakbo naman ako palapit.
"Aalis na po kayo?" parang ewan na tanong ko. Gusto ko sabihin sa sarili ko, di ba halata na aalis sila? "san po kayo titira?" tanong ko ulit, pero niisa sa tanong ko ay walang nagtangkang sumagot, baka dahil walang interesado sa mga tanong ko?
Lumapit sa'kin si amy at binigay yung stuff toy na hawak niya, isa itong pink na baboy. Hindi siya kagandahan pero cute naman, madadagdagan na naman ang collections ko ng stuff toys,m"Yan remembrance namin sayo, babye." Nakita ko ang iba pang kalaro namin na si Ryan at Gil na papalapit samin.
"Aalis na agad kayo?" Tanong ni Ryan. Pero tulad ng nangyari sa'kin, walang sumagot sa kaniya.
Yakap yakap ako ni mama at yakap yakap ko naman yung stuff toy na bigay sakin, habang nandito kami sa labas ng bahay na pinapanood sila na umalis. Hindi ko naiintindihan ang nangyayari.
~~~~~
Nang makaalis na sila, pumasok na kaming lahat, ang tahimik ng atmosphere kaya pumasok na lang ako sa kwarto na tinitirhan namin. Nandoon si kuya nanonood ng transformer. "Ba't di ka lumabas?" Tanong ko sa kaniya.
"Ang ganda kaya nito! manood ka kaya" sabi niya lang.
Lumabas ulit ako dahil ayokong manood ng transformer, masiyado kasing panlalaki, pumasok ako sa bahay nila Amy at nakita si auntie na nag aayos ng gamit. Si auntie di ko siya totoong auntie, aunt talaga siya nila Amy at ako nakiki auntie lang ako.
Tumulong ako sa paglilinis, pero pakiramdam ko kahit tumulong ako, parang wala rin akong natulong.
"Oh deshy, ito pala'y pinapabigay ni Ate Lorry mo para sa'yo, at eto naman ay pinapabigay ni Ate Gab mo para kay kuya mo" sabi ni auntie, sabay abot ng katulad ng baboy na bigay sakin ni Amy pero color red, tapos yung isa ay piggy bank. Alam kong kay Ate Gab mismo yung piggy bank na yun kasi kahit kailan di niya yun pinapahiram o pinapagalaw sa kahit na kanino, kaya nagulat ako na binigay niya yun. Sana bumalik na agad sila dito. Natatakot kasi ako. Ayoko maging mag isa.
===========================