Hintayin mo ko sa Linggo

589 13 2
                                    

Nay, hintayin mo ko sa Linggo. Pasensya ka na, kung isang araw lang sa isang taon kita nabibisita. Hindi ko alam kung nagtatampo ka na. Lalo na pag birthday mo ay hindi rin ako nagagawang makasilip man lang. Iba talaga ang buhay, Nay, pag nagta-trabaho na ang isang tao. Parang paulit-ulit na lang ang mga gagawin mo.  Nakakasawa. Nakakapagod. Pero walang pagpipilian. Akala ko, Nay, masaya ang may trabaho nung bata pa ko. Kasi akala ko pag kumikita ka ng pera, solb na lahat ng problema mo. Pero bakit ganun, Nay? Parang mas lalong nadadagdagan ang mga problema. Bakit mas malungkot ngayon? Bakit hindi na tulad noong bata pa ko. Pag may maliit akong problema nun na akala ko malaking-malaki na, tulad ng pag may umaaway sakin na kalaro ko o kaya nahulugan ako ng paborito kong pagkain. Ikaw lang ang lalapitan ko at iiyakan. Tapos ikaw lang rin ang so-solb ng problema ko para sakin. Ikaw ang magpapatahan sa pag-iyak ko. Ikaw ang magpapasaya sakin. Ikaw lang ang bahala sa lahat. At alam kong hindi ka nagsasawa at napapagod. Kasi alam kong mahal na mahal mo ko, Nay. Pasensya ka na Nay. Kulang na kulang ang oras ko noon para suklian yung pagmamahal mo. Pasensya ka na ulit kasi kulang na kulang pa rin ang oras ko para sayo ngayon. Pero Nay, lagi kitang kasama dito sa puso ko. Pangako yan na hindi mapapako. Mahal na mahal rin kita Nay, kung alam mo lang. Basta Nay, hintayin mo ko sa Linggo. 

BABALA: BAWAL BASAHIN!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon