Chapter 4

4.5K 123 5
                                    


"HINDI puwedeng hindi ka pumunta sa Great Wall! Highlight 'yon ng tour tapos hindi mo pupuntahan?" sabi kay Ria ni Ulan.

"Siyempre gusto ko. Pero masakit pa ang paa ko, eh. Magpapaiwan na lang ako dito sa hotel," ani Ria. "Hindi ko pa kayang maglakad ng malayo," giit pa niya.

"Hindi ka na nga kumain ng Peking duck, hindi ka pa pupunta ng Great Wall," dakdak nito. "Aalalayan kita kung hindi ka makalakad."

"May meeting ka ngayon kaya 'di ka makakasama, 'di ba?" paalala niya.

Inilabas nito ang cellphone nito at pumindot. Ilang sandali pa ay sinasabi na nito sa kausap na hindi na ito makakarating sa pinag-usapan.

"Hoy, Ulan, nakalimutan mo na yatang nandito ka para magtrabaho," aniya.

Tumawa ito. "You know what opportunity cost is?"

She frowned. "Ano naman ang pakialam ng economics sa pinag-uusapan natin?"

"'Yong bestfriend ko kasing si Liam, dating economics major. Actually, dati siyang Chemical Engineering student na nag-shift sa Econ tapos nakumbinsi kong mag-vet. Minsan kasi magaling ako mangkumbinsi, eh," kindat nito. "Anyway, kapag tinatamad pumasok, laging opportunity cost ang rason niya."

"Hmm... walang duda, bestfriends nga siguro kayo ng Liam na 'yan kaya pareho kayong tamad. Tinatamad ka lang ding pumunta sa meeting mo kaya opportunity cost ang pinapaandar mo 'no?"

Hinimas nito ang baba nito. Napansin niya ang mga day-old stubbles nito. "Sabihin na nating kunwari meron na lang akong ten yuan. 'Pag ibinili ko 'yong ten yuan na 'yon ng kape, hindi na ako makakabili ng ice cream. Eh, sa tingin ko naman mas gusto ko 'yong ice cream, kaya ice cream ang bibilhin ko."

Ipinilig niya ang ulo niya. "So, ang Great Wall ang ice cream?" tanong niya.

Humalakhak ito, pagkuwa'y nagkibit ng balikat. "Baka kasi sa susunod na pagbalik mo dito wala nang Great Wall. Seismic region kaya dito. Sayang ang opportunity."

She had hoped he would say she was the ice cream. Bahagya siyang nanlumo ngunit na-touch pa rin siya. Alam niyang importante ang lakad nito ngunit pinili nitong kanselahin iyon para lang masamahan siya.

Sa kapipilit nito, napahinuhuhod siya nito.

"OKAY ka lang?" nag-aalalang tanong ni Ria kay Ulan nang sumara ang pintuan ng cable car.

Nagkulay suka ang mukha nito. Hindi siya makapaniwala na sa laki nitong iyon ay marunong pala itong mamutla. "Okay ka lang?" tanong niya.

"O-oo naman, bakit naman ako hindi magiging okay?" anito ngunit napansin niyang huminga ito ng malalim. Pumikit pa ito nang mariin.

Hula niya ay naiilang ito sa matataas na lugar. Gusto sana niya itong asarin pero pinigilan niya ang sarili. Was he really afraid of heights? Pero ito ang nagpumilit na sumama sila kahit alam naman nitong walang ibang sasakyan paakyat ng Great Wall kundi cable car.

Hinawakan niya ang kamay nito. Bakasakaling maibsan ang dinadala nitong sama ng pakiramdam. Doon man lang ay makabawi siya sa thoughtfulness nito na samahan siya doon dahil alam nitong ito lang ang makakaalalay sa kanya papunta doon.

Nanlalamig ang kamay nito. Pinagsalikop niya ang mga palad nila upang mapisil niya ang palad nito bago niya ito sinulyapan. He smiled at her reassuringly but she knew better. Namumutla pati na ang mga labi nito.

Nag-isip siya kung paano mailalayo ang atensyon nito mula sa kinaroroonan nila. Bahagya lang niyang naigala ang kanyang mga mata dahil nag-aalala siya dito. The view was magnificent! Parang isang higanteng ahas na nakahandusay sa bundok ang nakikita niyang parte ng Great Wall.

When she looked at his eyes, her heart melted. She had a preview of the little boy in him. At nang mga oras na iyon, hindi maikakaila ang takot na nababasa niya doon. She wanted to erase the fear in those kind eyes. She wanted to kiss away his fears. Bago pa mawala ang kanyang tapang, inilapit na niya ang mukha niya sa mukha nito.

She felt him stiffen when her lips met his. Sabagay, siya man ay nagulat din sa kanyang ginawa. Pilit niyang binigyang katuwiran ang sarili na ginawa lang niya iyon dahil kapag hindi na-divert ang atensyon nito ay baka himatayin ito. She was in the process of convincing herself when he took over. Inangkin na nito ang mga labi niya. Buong puso siyang tumugon kahit hindi niya alam kung totoo ngang Ulan ang pangalan nito.

How could the kiss be so fierce and yet so tender at the same time? Hindi sila halos magkakilala ngunit tinutugon niya ng buong puso ang halik nito. She mentally corrected herself. Tinugon nito ang halik niya.

Sinong maniniwala kapag sinabi niya na gusto lang niyang ilayo ang atensyon nito sa parang pagbangga ng cable car sa gilid ng bundok kaya niya ito hinalikan? Malamang itatanong nito mamaya kung bakit niya ginawa iyon. Ngunit hindi siya makapag-isip ng matino. Not when his lips moved like that.

Nagmulat siya nang makarinig ng palakpakan sa paligid. Naramdaman niyang nag-init ang pisngi niya nang makita ang mga nakangiting mga kasamahan nila. Nakatigil na pala ang cable car at bukas na ang pintuan niyon. Hinihintay na lang silang bumaba ng mga ibang sasakay. Nangingiting inalalayan siya ni Ulan pababa.

"And now you're blushing," anito.

Tiningnan niya ito ng masama ngunit tumawa lang ito.

Inakbayan siya nito at iginiya na siya nito sa hanay ng mga taong paakyat sa makasaysayang pader na iyon. Naipagpasalamat niyang hindi na nito inungkat uli ang tungkol sa pinagsaluhan nilang halik. He just held her hand.

Naulit ang halik na iyon nang pababa na sila. This time, it was Ulan who initiated it.

"KUMUSTA na ang paa mo?" tanong kay Ria ng mga kasama niya nang bumaba siya kinabukasan. Nakahanda na ang mga ito para sa itinerary nila nang araw na iyon na Dragon Boat ride daw muna sa SummerPalace bago sila tumuloy sa bilihan ng jades at pearls.

"Okay na po," sagot niya. Laking pasasalamat niya na hindi siya nabalian. Maayos na siyang nakakalakad. Hindi na siya iika-ika.

Lihim siyang luminga-linga. Nagkakandahaba ang leeg niya sa tuwing bumubukas elevator ngunit wala ang hinahanap ng puso niya. Wala pa si Ulan. She fought the urge to go to the desk to place a call on his room. Hindi dahil nagsalo na sila sa ilang halik ay may karapatan na siyang tumawag-tawag sa kuwarto nito.

Nang iwagayway na ni Lucky ang dilaw na flaglet nito, mabigat ang mga paang sumakay siya ng bus. Nanlumo siya nang umusad na ang bus mula sa parking lot ng hotel at hindi niya nakita ni anino ni Ulan.

Hindi niya na-enjoy ang view sa SummerPalace. Wala sa sariling naki-join siya sa group pictures habang nagda-dragon boat ride sila.

Naa-attract ba siya kay Ulan? Siguro. After all, he really is quite good looking. And she really liked the way he kissed ker.

Nasaan ba ang lalaking iyon? Gustung-gusto na niyang tanungin si Lucky Chan kung nasaan ito ngunit naunahan siya ng hiya. Ano na lang ang sasabihin nito? Na kumekerengkeng siya? Na sumama lang siya sa tour dahil naghahanap siya ng lalaki?

Natapos ang araw na hindi niya nakita ni anino nito. Umuwi na ba ito ng Pilipinas? Bahagya siyang nanlamig sa realisasyon na hindi na niya ito muling makikita pa. 

My Fantasy, My Reality (PHR 2012)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon