"HIJA, birthday na ni Jun- I mean Ulan in two weeks," sabi kay Ria ng daddy niya.
"Are you going to his party?" patay-malisyang tanong niya nang hindi inaangat ang mukha niya mula sa binabasang libro.
Tumikhim ang daddy niya. "Walang party. That would be the day na ibibigay niya ang kalahati ng lupain sa pinsan niyang si William, kaya walang party," parang nagkukuwento lang naman na sabi ng daddy niya.
Napapikit siya. Alam niya kung gaano ka-importante kay Ulan ang farm. Napakalinaw pa sa kanyang balintataw kung paano nito hinahaplos ang mukha nang baka noon na nanganak. Kung paanong tinatrato nitong kapamilya ang lahat ng mga kasama nito. Kung paanong pinagyaman at minahal nito ang bawat sulok ng lugar, tapos mapupunta lang sa isang malayong pinsan nito ang kalahati?
"Uhm, hija, nakausap ko ang abogado ko at mga accountant kanina. Nai-report nila sa akin ang tungkol sa pre-school."
Nag-angat siya ng mukha. Alam naman niya na pinapa-monitor nito ang progress ng school. At hindi siya natatakot sa maaaring makita nito dahil alam niyang maganda ang takbo. Katunayan nga, pinag-iipunan na niya ang pagtatayo ng isa pa sa may Marikina. Nitong nakaraang buwan kasi ay naplano na nila na magdagdag ng classrooms at teachers dahil lumalaki na ang enrolment nila. "And?"
"And I've instructed them to talk to you. Ibigay nila ang lahat ng tulong na kakailanganin mo sa pagtatayo pa ng bagong branch," anito na bahagyang ngumiti.
Tinitigan niya ang ama. Nakukonsensya ba ang daddy niya kaya sa wakas ay tutulungan na siya? "Dad, if this has something to do with-"
"No, hija," maagap na putol nito sa sasabihin niya. "As I've said, nakita namin na maganda ang takbo ng school at magaganda ang plano mo."
Tinitigan niya ito. Hindi siya makapaniwala sa naririnig niya.
"Pagkatapos ng mga nangyari nitong nakaraang mga araw, napakahirap sigurong paniwalaan ang mga sasabihin ko," anito na yumuko. "Mali ako, hija, na nanghimasok ako sa buhay mo. Alam kong walang kapatawaran ang nagawa ko but I just hope you can find it in your heart to forgive an old, senile man like me."
Tiningnan niya ang kanyang ama. Namumula ang mga mata nito. Matitiis ba niya ito? Ito lang ang tanging pamilya niya.
"Dad, you know I love you..." aniya.
"Pinapatawad mo na ba ako, hija?" anito na suminghot.
Tumango siya at yumakap na sa kanyang ama. Hinaplus-haplos nito ang likod niya. "Damihan mo ang kain mo, anak," anito. "Nangangayayat ka."
Tumango siya. Napapansin pala nito. Nitong mga nakaraang araw, wala talaga siyang ganang kumain.
PINANOOD ni Ria ang pag-spray ng kung anong chemical sa gulong ng sasakyan niya. Nasabi sa kanya ni Ulan noon na proteksyon daw iyon upang hindi makapasok sa farm ang mga sakit na nasa labas. Parte daw ng bio-security measures.
"Dumiretso na lang po kayo sa kural, Ma'am. Nakita ko na papunta doon kanina sina Boss," wika ng guard. Ito ang guwardiya noon na nagtawag ng traysikel na sasakyan niya.
"Salamat," aniya. Natatandaan pa naman niya ang pasikut-sikot sa loob ng malawak na farm. Alam niya na ang slaughter house at kinalalagyan ng mga chiller ay sa bandang kaliwa at ang kural ay nasa bandang kanan. Ang kubo ay nasa unahan ng kural, mga ilang daang metro din ang layo.
She had decided to help Ulan. Magpapakasal siya dito dahil mahal niya ito. Wala na siyang pakialam kung ano ang motibo nito. Sabi naman nito mahal daw siya. Ang mahalaga ngayon ay makasama niya ito.
BINABASA MO ANG
My Fantasy, My Reality (PHR 2012)
RomanceBagaman tutol si Ria sa kagustuhan ng kanyang ama na ipakasal siya sa hindi pa niya nakikitang anak ng kaibigan nito, wala siyang magawa. Iyon lang kasi ang makakapagsalba sa nalulugi raw na negosyo nila. Wala naman siyang boyfriend kaya pumayag siy...