"SIR Ulan, dumating na po pala kaninang umaga 'yong tatlong estudyante na magri-research daw dito. Dalawang pogi at isang maganda."
"Sige, Manang, kakausapain ko na lang sila mamaya," aniya na hindi man lang nag-angat ng tingin mula sa ginagawang vaccination program.
"Nag-joke na nga ako hindi mo man lang napansin," sabi ni Manang.
Akala niya ay iniwan na siya nito. Muli siyang nag-angat ng mukha. Ang totoo narinig niya ang sinabi nito. Kinailangan pa talaga nitong i-describe ang hitsura ng mga bagong dating. Nitong mga nakaraang araw, talagang napakahirap para sa kanya ang ngumiti.
It had been a week since Ria left him. Isang linggo na rin siyang parang hilong-talilong sa kakaisip ng paraan kung paano ito mapapabalik sa kanya. Saan ba siya dapat magsimula?
"Huwag mong masyadong isipin 'yon, mahal ka n'on," ani Manang.
Tiningnan niya ito ng masama. "Manang... iwan mo na lang ako," aniya. Kahit naman alam ni manang ang likaw ng bituka niya dahil bata pa siya ay kasama na nila ito sa bahay, hindi pa rin naman niya nakikita ang sarili na naglalabas dito ng sama ng loob. Yayayain na lang uli niya siguro si Liam mamaya. Bakasakaling may words of wisdom siyang mapulot dito. Minsan kasi may talent si Liam sa ganoon, lalo na kapag nasayaran ng alkohol ang lalamunan.
Nawala ang ngiti sa mukha ni manang. "Ipinapasabi pala sa 'yo ng daddy mo ang dinner daw ninyo mamaya sa Shangri-La. Sa Makati daw," pormal nang sabi nito sa kanya. "Hindi mo daw kasi sinasagot ang tawag niya."
Humugot siya ng malalim na hininga. Hindi naman tama na ibunton niya ang sama ng loob sa mga kasama niya. "Tungkol saan daw 'yon manang?" tanong niya. Pilit niyang pinasaya ang boses ngunit hindi pa rin ngumiti si manang.
"Wala hong sinabi, eh. Basta alas-siyete en punto daw dapat nandoon ka na."
Tumango siya. "Sige, ihatid mo na lang sa magiging kuwarto nila sa kubo 'yang sinasabi mo na dalawang guwapo at isang magandang estudyante," aniya na lihim na tiningnan ang reaksyon ni manang sa pagpatol niya sa joke daw nito. Nagliwanag na ang mukha nito. "Susunod na ako," dagdag niya nang makitang para nang may pakpak ang mga paa ni manang. Idinayal niya ang numero ng kanyang ama.
"Oh, hello, son! Sinabi na ba ni Manang mo ang bilin ko kanina?"
"Opo, Dad. Sino ba ang ka-meeting."
Tumikhim ang ama niya. "Just some people I'd like you to meet."
"Business?"
Inubo ang ama niya.
"Are you okay, Dad? You better see your doctor. Hindi maganda ang tunog ng ubo mo."
"No, son, I'm fine. Of course it's business. Sayang kasi ang oras," anito. His father sounded uneasy he couldn't stop but think that something really was the matter. But he brushed it off. Malaking deal siguro ang niluluto ng ama niya. Maybe that was the reason why he sounded so agitated.
"Sige Dad. I'll just see you there. May dala nga pala ako para sa 'yo na Oolong Tea. Bye-"
"Bye, son," pamamatlang nito sa pamamaalam niya. "Look your best okay?"
Kumunot ang noo niya sa sinabi nito. Kailan pa siya hindi nagmukhang maayos?
Mamayang makapananghali na lang siya luluwas ng Maynila. At dahil nandoon na rin lang siya, dadaanan na niya si Ria. Bakasakaling madaan sa kulit at mabago niya ang isip nito.
BINABASA MO ANG
My Fantasy, My Reality (PHR 2012)
RomanceBagaman tutol si Ria sa kagustuhan ng kanyang ama na ipakasal siya sa hindi pa niya nakikitang anak ng kaibigan nito, wala siyang magawa. Iyon lang kasi ang makakapagsalba sa nalulugi raw na negosyo nila. Wala naman siyang boyfriend kaya pumayag siy...