NARAMDAMAN ni Ria ang paglundo ng kama sa tagiliran niya. Dahan-dahan siyang nagmulat. Nakangiting mukha ni Ulan ang nakita niya. Nakangiting hinawi nito ang medyo humahaba nang bangs niya. Bigla niyang naalala na balak nga pala niya noong bago siya umalis pa-Beijing na pagbalik na lang ng Maynila magpagupit, pero isang linggo na siya sa farm ni Ulan, hindi pa siya nakakauwi.
"Breakfast in bed," anito na hinalikan ang noo niya.
Bumangon siya. May tray sa bedside table na may lamang orange juice, pancakes at bacon, scrambled eggs at isang long-stemmed red rosebud.
Nag-init ang sulok ng mga mata niya. How could everything be so magical? Bakit habang nagtatagal ay lalong nagiging mas mahirap para sa kanya ang magpaalam dito? Bakit ba hindi na lang ito naging masamang tao? Bakit kailangangn napakabait nito? Ni ang mga alaga nitong mga baka ay parang alagang-alaga nito.
Kinagat niya ang mga labi niya para mapigilan ang pagtangis. "M-maghihilamos muna ako." Yumuko siya para hanapin ang tsinelas niya sa ilalim ng kama.
Nakangiting binigyang daan siya nito. "Bilisan mo, lalamig na ang pancakes," anito.
Pumasok siya sa banyo. Naghilamos siya. Napabuntong-hinignga siya nang mapatingin siya sa salamin. Hindi na maitago ang lungkot sa mga mata niya. Noong mga nakaraang araw, ningning ang nakikita niya sa kanyang mga mata sa tuwing nananalamin siya. Masaya siya kahit walang sinasabi si Ulan tungkol sa nararamdaman nito para sa kanya. Napupunan nito ang lahat sa pamamagitan ng pagiging maalalahanin at maalaga nito.
Mas higit pa sa lahat ng kanyang mga pantasya ang mga nangyayari. Ngunit gaano man siya kasaya ngayon, kailangan na niya itong iwanan. Kailangan na niyang bumalik sa realidad.
Alam niyang hindi niya kakayaning magpaalam kay Ulan. Ano ang sasabihin niya? Hahanap na lang siya ng tiyempo kung kailan siya puwedeng umalis nang hindi nito agad malalaman.
Huminga siya ng malalim bago pinihit ang seradura ng pintuan ng banyo. "Ang aga mo yatang nakabihis?" aniya na lumapit dito. Pinilit niyang ngumiti. Inayos niya ang kuwelyo ng suot nitong itim na polo. "Ang bango mo, ah."
Tumawa ito. Dinampian nito ng halik ang mga labi niya. "May dadaanan lang ako sa city hall. Gusto mong sumama?"
Napapikit siya. Paalis ito. Ito na ba ang pagkakataong ayaw niyang dumating? Bakit kailangan dumating ito nang ganito kabilis at ganito kadali? Bakit hindi man lang siya pahirapan ng tadhana upang kahit papaano ay may rason siya na manatili sa piling nito? Yumuko siya. "Bihis ka na, eh,"
"Sabagay, sandali lang naman ako doon," anito na muli siyang hinalikan. "Nakaligo ka na pagdating ko, ha?"
Kung hindi marahil sa bigat ng pakiramdam niya ay napahalakhak na siya. Ngumiti lang siya. "Eew, you sound so sleazy," aniya na pilit pinantay ang tinig. Mahahalata nito kapag hindi siya nakipag-asaran.
Humalakhak lang ito. Nang maipinid nito ang pintuan, hindi na niya napigilan ang mga luhang kanina pa gustong bumulwak.
Ni hindi niya nakayanang mag-iwan ng note para dito.
"MANANG naman, alam niyo naman na hindi tagarito si Ria, bakit niyo pinayagang lumabas?" tanong ni Ulan.
"Hindi ko namalayan, eh, Nasa kusina ako," nakayukong sagot ni Manang,
"Eh, kayo?" baling ni Ulan sa dalawang security guard.
"Sabi po kasi ni ma'am susundan daw niya kayo sa city hall kaya ipinagtawag pa namin ng traysikel," katuwiran ng guwardya.
BINABASA MO ANG
My Fantasy, My Reality (PHR 2012)
RomanceBagaman tutol si Ria sa kagustuhan ng kanyang ama na ipakasal siya sa hindi pa niya nakikitang anak ng kaibigan nito, wala siyang magawa. Iyon lang kasi ang makakapagsalba sa nalulugi raw na negosyo nila. Wala naman siyang boyfriend kaya pumayag siy...