Dahil masyado akong natuwa sa mainit na pagtanggap n'yo sa The Widow's Peak, ipopost ko today ang isang lumang kuwento.
**********************
NAPAPANGITING iginala ni Ria ang paningin niya sa loob ng bus. Maingay nang nagbibiruan ang mga makakasama niya sa tour. Halatang magkakakilala na ang mga ito. Hindi pa man umuusad ang sasakyan mula sa parking area ng airport ay panay na ang kislapan ng flash ng mga digicam ng mga ito.
Mas gusto sana niya ang Europe Tour, ngunit nakumbinsi siya ng travel agent ng daddy niya na maganda ang Beijing, China. Mabilis siya nitong napapayag dahil sariwa pa sa utak niya ang napanood na documentary sa National Geographic tungkol sa lugar na ito. Isa pa, malayong mas mura ang gagastusin ditoito kompara sa gagastusin sa isang Europe tour.
Sa sitwasyon ng negosyo nila ngayon, hindi na siya puwedeng gumastos ng pera na tulad ng dati na parang hindi nauubos. Lumabas lang siya ng bansa ngayon dahil kailangan niyang lumayo kahit ilang araw lang. Isang malaking hakbang ang nakatakdang gawin niya sa buhay niya kaya kailangan niyang aliwin ang sarili.
Ayon sa nakatabi niya kanina sa eroplano, ang mga makakasama daw nila sa tour ay mga may-ari ng mga manukan, babuyan at bakahan sa Batangas, Bulacan at Rizal. A-attend daw ang mga ito sa Asian Poultry and Livestock Convention.
Agad rin niyang napansin na puro may edad na ang mga makakasama niya. Maliban sa kanya, dalawang mukhang honeymooners na marahil ay mga early forties na ang edad ang pinakabata. Nasabi niyang mukhang bagong kasal dahil sa check-in counter pa lang kanina sa NAIA ay sweet na sweet na ang mga ito na bulungan nang bulungan.
Kadalasan ay naiirita siya sa mga nakikita niyang nagpa-public display of affection. Pero sa simpleng harutan ng dalawang ito, napapangiti siya. At ngayon namang nasa katapat na upuan na niya ang mga ito sa tourist bus, napapansin niyang panay ang nakaw ng halik ng lalaki sa pisngi ng babae.
Napatingin siya sa harapan nang tumunog ang binuksang mikropono at tumayo sa harapan ang isang lalaking singkit ang mga mata.
"Good day ladies and gentlemen, my name is Lucky Chan and I will be your tour guide for four days. Welcome to Beijing, China! Hello..." anito na kumaway pa.
"Hi Lucky!" halos sabay-sabay na sabi nila.
Ngiting-ngiti si Lucky kaya halos wala na itong mata. "I'm very happy to meet all of you. I promise, you will not regret visiting this city. Is everybody hungry, already?" Ipinaliwanang nito na mula sa airport ay pupunta na sila sa isang Chinese Tea House para mananghalian bago sila tumuloy sa kanilang hotel. Iyon nga lang, hindi pa sila makaalis dahil mayroon pa daw silang isang kasamang hinihintay.
Gutom na siya. Ano naman kaya ang ginagawa ng nawawalang kasama nila sa loob ng airport terminal at hindi pa lumabas?
Muli siyang napasulyap sa parehang nasa kabilang upuan. Nakasandal na ngayon ang babae sa dibdib ng lalaki habang masuyong hinahaplos ng lalaki ang likod ng babae. Nakaramdam siya ng inggit. Kahit sa sitwasyon niyang ito ngayon, natutuwa pa rin siyang makakita ng pruweba na may mga nagpapakasal pa rin dahil sa pag-ibig.
Dahil sa pagpayag niya na tulungan ang ama niya, hindi na niya kahit kailan magkakaroon ng pagkakataon na mapangasawa ang lalaking masulyapan lang niya ay maririnig na niya ang kantang "I Finally Found Someone."
She will never have the chance to find that someone who would knock her off her feet. That someone who will make her feel complete. Napapikit siya. Dapat ay tigilan na niya ang pagpapaapekto sa lovesong na iyon.
Hindi niya maaaring iwan sa ere ang ama niya. Kahit may pagka-istrikto ito at hangga't maaari ay gusto pa rin nitong kontrolin ang buhay niya kahit beinte-nuwebe anyos na siya, mahal na mahal niya ito. Ito ang solong nagpalaki sa kanya nang mamatay ang mommy niya sa panganganak sa kanya. Hindi na muling nag-asawa pa and daddy niya. Kung noon ay naipagpapasalamat niya iyon, dahil usung-uso pa noon sa mga telenovela ang mga mapang-aping madrasta, ngayon ay ikinaiinis na niya. Kung sana ay nag-asawa ito, nagkaroon sana siya ng mga kapatid at hindi sana nakasentro ang atensyon nito sa kanya.
BINABASA MO ANG
My Fantasy, My Reality (PHR 2012)
RomanceBagaman tutol si Ria sa kagustuhan ng kanyang ama na ipakasal siya sa hindi pa niya nakikitang anak ng kaibigan nito, wala siyang magawa. Iyon lang kasi ang makakapagsalba sa nalulugi raw na negosyo nila. Wala naman siyang boyfriend kaya pumayag siy...