CHAPTER FIVE

619 20 4
                                    

"LUMABAS na ba ang kapangyarihan mo?" tanong ni Adrian sa kanya.

Marahan umiling si Justin. Naroon silang dalawa sa Art Gallery, kung saan sila aksidenteng nagkita. Gaya niya, panatag din daw ang loob ni Adrian sa lugar na iyon. Samantala siya ay doon napiling pumunta matapos siyang sumpungin ulit ng matinding pananakit ng dibdib, nang makabawi siya ng lakas ay doon siya nagpunta. Gabi na ng mga sandaling iyon at sarado na ang buong art gallery. Nag-teleport lang siya papunta doon kaya walang kamalay-malay ang mga guwardiya na naroon sila.

"Wala pa," sagot niya.

"Pareho siguro tayo. Lumabas ang kapangyarihan ko noong araw na naging ganap akong anghel," sabi nito.

"What it's like up there?" tanong pa ulit niya.

Bumuntong-hininga si Adrian, saka tumingin sa malawak na painting.

"Kung anong nakikita mo diyan, pero siyempre, mas maganda sa totoong buhay," anito.

Napangiti si Justin ng maalala ang vision niya.

"Minsan ko ng nakita ang Epouranios sa pangitain ko," sagot niya.

"Hindi magiging madali ang lahat kaya ihanda mo ang iyong sarili. Bago ka pa man maging ganap na anghel, susubukan ang katapatan mo sa magiging tungkulin. May mga darating sa buhay mo na magiging dahilan para mag-dalawang isip ka na ipagpatuloy ang misyon mo. Tatagan mo ang pananalig mo, magtiwala ka sa mga plano Niya. May mga kailangan kang i-sakripisyo, pero sa huli, makukuha mo ang kapalit ng sakripisyong iyon."

Napaisip si Justin sa sinabi nito.

"Paano kung mas piliin ko na lang na maging tao?"

Tumingin muli sa kanya si Adrian.

"Wala kang magagawa. Wala tayong magagawa. Malaki ang responsibilidad natin, iba sa mga ordinaryong anghel. Pinanganak tayo para sa misyon na iyon, at kailangan natin iyon matupad," paliwanag nito.

"May kinalaman ba ang salitang Praelia? Paulit-ulit ko siyang naririnig," tanong ulit niya.

"Kung puwede ko lang sabihin sa'yo ang lahat ngayon, ginawa ko na. Pero hindi ko Siya puwedeng pangunahan. Malalaman at maiintindihan mo lahat ng gumugulo sa isip mo kapag dumating na ang takdang panahon."

Siya naman ang napabuntong-hininga.

"Mas matinding sakit ang mararamdaman ng pisikal na katawan mo habang papalapit ang araw na itinakda para sa iyo. Pero may isang taong nilaan sa iyo para pawiin ng panandalian ang sakit na iyon. Sa kanya ka lumapit kapag pakiramdam mo ay hindi mo na kaya," payo pa nito.

Napakunot-noo siya. "Sino?"

Ngumiti si Adrian saka nagkibit-balikat lang. Nasa gitna sila ng pag-uusap ng biglang humangin ng malakas. Biglang dumilim ang paligid, mayamaya ay parang nahati ang lupa at tanging ang kinatatayuan lamang nila ang natira. Mula sa ilalim ay tila may malakas na sumabog at napalibutan sila ng malaking apoy. Mula doon ay naririnig niya ang daing at iyak ng mga maraming boses. Isang nakakatakot at nakakakilabot na tawa ang narinig nila pagkatapos. Sa isang iglap, nagpalit ng anyo si Adrian at naging anghel nito. Sa kamay nito ay hawak ang isang espada.

"Huwag kang maniniwala sa lahat ng makikita o maririnig mo! Sigurado ako, gawa ito ng kampon ng dilim. Nililinlang nila tayo, nagsisimula na silang kumilos para pigilan ang misyon natin!" sabi pa ni Adrian.

"Sabihin mo lang kung may maitutulong ako!" sagot ni Justin.

"Hindi mo kakayanin. Ikakamatay mo kapag nasugatan ka ng espada nila dahil hindi ka pa ganap na anghel! Mahina pa ang taglay na kapangyarihan mo kaya hindi kakayanin ng pisikal na katawan mo! Gusto nilang pigilan ang mga mangyayari, na maging isang ganap na anghel ka! Dahil takot ang mga kampon ni Lucifer sa lakas ng kapangyarihan na binigay ng Panginoon sa atin! Kaya ngayon pa lang ay kumikilos na sila!" paliwanag ni Adrian.

Heaven's Warriors Series 2: An Angel's First LoveWhere stories live. Discover now