Mr. Sad Songs

128 5 0
                                    

Kahit anong gawin ni Alec Jones, kantang mga malulungkot lang ang nagagawa niya. Hindi niya man masabi sa akin pero alam kong pinobreblama niya iyun ng sobra. Kakalabas lang namin ngayon sa conference room ng agency na nagha-handle sa kanya at kasalukuyan kaming nakahinto sa pasilyong papunta sa foyer. Nakatingin lang siya sa isang painting na matagal nang naka-display doon. Sa painting, makikita ang isang nasusunog na bahay. Hindi ko alam kung anong iniisip niya pero hinayaan ko lang siyang gawin iyun. Alas nuwebe pa naman ng umaga at maya-maya pa rin naman ang call time niya para sa isang TV guesting ng isang noon-time show. Lumapit ako sa kanya at nginitian niya lang ako.

"Maganda ba?" tanong ko sa kanya. Napatingin na rin ako sa painting.

"Oo," payak niyang sagot.

Simula noong debut niya noong taong 1992, kasa-kasama niya na ako sa kung saan man siya magpunta. Assistant niya ako at buong araw akong nasa gilid niya, liban na lang sa pagtulog niya. Ako ang taga-handa at taga-ayos ng kanyang mga gamit. Ako ang nagmamaneho para sa kanya. Ako ang taga-sagot ng mga tumatawag sa kanya at marami pang iba. Halos lahat ng kailangan niyang gawin liban sa paggawa ng kanta ay ako ang gumagawa. May sasabihin ako sa'yo. Magaling si Alec Jones sa larangan ng musika ngunit hanggang doon lang ang galing niya. Sabihin na nating napaka-bobo niya pagdating sa ibang bagay. Hindi siya marunong gumamit ng cellphone at hindi rin siya marunong mag-fill up ng kahit anong simpleng documents. Hindi siya nakakapunta sa mga gusto niyang puntahan kapag hindi mo siya sasamahan. Sa katunayan ay makailang beses na siyang naligaw. Pinipirmahan niya rin ang lahat ng bagay na papapirmahan mo sa kanya nang hindi binabasa kung ano ang pinipirmahan niya.

Mahirap din siyang kausap. Madalas siyang lutang at kung saan-saan lagi napupunta ang imahenasyon niya. Ang pagaalaga sa kanya ay masasabi kong isang mahirap na bagay, pero ayos lang dahil sa mga pagkakataong nakikita ko siyang kumakanta o gumagawa ng musika, umuusbong ang bilib ko sa kanya.

Maganda ang kanyang boses, malinis na malinis at napakalamig pakinggan. Sobrang bilis niya rin makagawa ng kanta. Paupuin mo siya sa harap ng piano at pagkalipas ng sampung minuto ay magugulat ka na lang at nakagawa na siya ng isang magandang kanta. Iyun nga lang, may problema siyang kinakaharap ngayon. Ang dahilan kung bakit pinatawag kami ng agency niya ngayong umaga ay para balitaan siyang hindi na masaya mga producer niya sa mga ginagawa niyang kanta. Best-selling ang nauna niyang tatlong album at humakot ito ng sobrang daming awards kaso, napakalungkot ng mga awiting nakapaloob dito. Madaling katrabaho si Alec Jones at gusto lagi ng mga producer niya na bigyan siya ng creative freedom pero sa puntong ito, kailangan na nilang limitahan ang pakpak nito. Bukod kasi sa sobrang lungkot na ng mga kanta nito, nagdudulot na rin ng masamang impluwensuya ang kanta niya. Nitong Lunes lang, tatlo sa mga fans niya ang binalitang nagwakas ng sariling buhay habang pinapakinggan ang mga awit niya.

Sobrang naging mapanira din ang mga balitang iyun sa kadahilanang naging headline ang mga iyun sa mga diyaryo at pati na sa mga local TV news. Walang naging komento si Alec Jones sa meeting na ginanap kanina pero para sa akin ay isang malaking insulto iyun sa artistry niya. Sa ganang akin, dapat ay hayaan lang siyang gawin ang kung anong gusto niyang kanta, malungkot man ito o hindi, hindi siya dapat dinidiktahan kung ano ang dapat niyang gawin. Alam kong kagaya ng ibang sining, may responsibilidad din dapat ang paggawa ng kanta pero sa mga gawa niya, alam kong wala na man siyang kahit anong nilalabag na karapatan o hindi kaaya-ayang mensaheng pinapakalat. Sadyang malulungkot lang talaga na mga awitin ang nagagawa niya. Iyun ang kanyang istilo. At ang ituro ang kanyang musika bilang dahilan ng pagkitil ng sariling buhay ng iilang tagahanga ay isang walang hiyang pagpupunas ng sariling dumi.

"Anong plano mo?" tanong ko. Nobyembre na ngayon at tatlong buwan lang ang palugit na binigay sa kanya sa pagawa ng pang-apat niyang album.

The Cat Who Smells Death and other Short StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon