< Eight's Point of View >
"Hoy, Brader! Tumigil ka nga ng kakalakad mo diyan. Nahihilo na ako sa 'yo," saway sa akin ni Michael.
Nandito kami ngayon sa bahay ko. Pinapunta ko siya dito para sabay naming paglamayan ang puso kong nasusugatan ngayon.
"Nakakaasar! Mababaliw na talaga ako!" naiinis kong sinabi matapos kong inumin itong alak sa baso na hawak ko.
"Sira ulo ka kasi! Dapat nagpahalik ka na lang kay Jonnie sa loob ng opisina mo," sabi niya.
"T*ng*na mo! Gusto mo bang ipatumba kita ngayon?" pagbabanta ko sa kanya.
"Chillax. Hindi ka naman mabiro," natatawa niyang sinabi.
Muli kong nilagyan ng alak itong baso ko saka ko iyon muling ininom. Naupo na ako sa upuan nang sandaling iyon at hindi nagtagal ay nagsalita ako.
"Ano bang dapat kong gawin? Talagang galit sa 'kin si Shine."
"Humingi ka ng tawad at lumuhod ka sa harapan niya kahit anong mangyari. Huwag kang tatayo hangga't hindi ka niya pinapatawad," sagot ni Michael sa tanong ko.
"Hoy! Alam mo namang kahit kanino at kahit ni minsan ay hindi pa 'ko lumuhod," alma ko.
"Taas talaga ng pride ng taong ito," pasaring niya. "Okay, sige. Bigyan mo na lang siya ng mamahaling regalo. Magbigay ka rin ng bulaklak para sweet. Huwag mo ring kakalimutang magpa-cute sa harapan niya, okay?"
"Hoy, brader! Baka nakakalimutan mong hindi mo 'ko katulad. Hindi ako baduy na gaya mo," ismid ko. "Wala ka na bang ibang maisa-suggest sa 'kin na hindi pang-immature? Mag-isip ka naman ng hindi korni."
"Ewan ko sa 'yo. Eh kahit ano naman kasing sabihin ko ay tatanggihan mo lang. Kaya bahala ka na lang kung anong gusto mong gawin," sagot ni Michael habang tumatayo mula sa upuan niya.
"Oh, saan ka pupunta?" tanong ko sa kanya.
"Uuwi na 'ko. Anong oras na, oh? May pasok pa 'ko bukas," tugon niya.
Inayos niya ang mga gamit niya at pagkatapos ay nagsimula na siyang maglakad palabas. Pero bago pa man siya makalabas sa pintuan ay muli niya akong kinausap.
"Hoy, ikaw! Tandaan mo 'to. Huwag na huwag mong ipapa-deliver 'yong mga bulaklak. Dapat ikaw mismo ang magdala sa kanya ng mga 'yon, naintindihan mo? Ikaw pa naman, wala kang sweetness sa katawan. Pambihira!"
Matapos niyang sabihin ang mga iyon ay tuluyan na siyang umalis.
Anong sinasabi ng sira ulong iyon? Ibig ba niyang sabihin ay nakasisiguro siyang dadalhan ko ng mga bulaklak si Sunshine? Huh! No way!
< Sunshine's Point of View >
"Kung gano'n, may tampuhan kayong dalawa ngayon?" tanong sa akin ni Princess.
Nandito ako ngayon sa bahay ni Princess. Hindi ko alam kung bakit niya ako pinapunta dito nang ganito kaaga. Pero ayos lang din namang nandito ako kasi nandito sa bahay niya sila mama at Pucholo.
Ako ang nagdesisyon na dito sila kay Princess tumira. Hindi ko gustong mag-stay sila sa bahay ko dahil malungkot ang bahay na iyon. Isa pa, alam kong mas maaalagaan sila dito ni Princess kaysa sa akin.
"Oo, gano'n na nga," sagot ko kay Princess. "At alam mo ba kung ano 'yong nakakainis? 'Yong parang hindi niya talaga alam kung anong kasalanan ang nagawa niya sa 'kin."
"Grabe, nakakatawa kayo. Nakakaloka!"
Matapos niyang sabihin iyon ay natahimik kaming dalawa dahil itong best friend ko ay busy sa kakapindot ng cell phone niya.
"Sino ba 'yang ka-text mo? Si Eldrin ba 'yan?" tanong ko sa kanya.
"Ha? Ah, oo. Si Eldrin nga," sagot niya na medyo nauutal. "Mabalik tayo kay Eight, hanggang kailan mo ba siya dededmahin?"
"Hanggang sa mag-sorry siya at ma-realize niya 'yong atraso niya sa 'kin," tugon ko.
"So, ibig mong sabihin, kapag nag-sorry siya sa 'yo ay papatawarin mo siya?"
"Pwede," sagot ko.
Natahimik kaming muli nang sandaling iyon dahil nagsimula na naman siyang maging busy sa cell phone niya.
"Hindi ba, supervisor sa call center 'yang boyfriend mo?" tanong ko kay Princess.
"Oo, bakit?" tanong niya pabalik.
"Si Eldrin ba talaga 'yang ka-text mo? Kasi sabi mo sa 'kin dati, tulog siya kapag ganitong oras," pag-iimbestiga ko.
"Ah, eh kasi... Basta, huwag mo nang itanong kung ano itong pinag-uusapan namin," ismid niya.
"Okay," sabi ko na lang.
Ilang minuto pa ang lumipas nang biglang tumunog ang cell phone ko, senyales na may tumatawag dito. Agad ko namang tiningnan kung sino iyon at nang makita ko sa screen ang word na demonay ay hindi ko ito sinagot. Hinayaan ko lang siyang tumunog at mag-ring.
"Si Eight na ba 'yan?" tanong ni Princess sa akin.
"Unfortunately, yes!"
"Haaay! Nako, Beks. Kung ako sa 'yo sasagutin ko na 'yan. Malay mo, kaya siya tumatawag para humingi ng tawad sa 'yo," sabi niya.
"Hindi marunong mag-sorry 'yong demonay na 'yon," sagot ko sa best friend ko.
"Sige na, sagutin mo na. Kawawa naman 'yong tao," pangungumbinse pa niya.
Nang segundo ding iyon ay kusang gumalaw ang kamay ko upang damputin ang cell phone ko mula sa center table. Nang mahawakan ko ito ay agad kong sinagot ang tawag ng demonay na iyon.
"Bakit?" sabi ko sa iritableng tono.
"Oh, makinig ka muna sa 'kin bago uminit 'yang ulo mo," sabi ni Eight sa kabilang linya. "Sumilip ka sa labas ng bahay nila Princess."
"Ano ba kasing mayro'n?" naiinis kong sinabi.
"Sige na. Sumunod ka na lang," utos niya.
Nang sandaling iyon ay tumayo ako at pumunta sa bintana nila Princess upang sumilip sa labas. Paghawi ko ng kurtina ay nakita ko si Eight na may dalang isang boquet ng bulaklak at isang human-sized na teddy bear. Nang magtama ang mga mata namin ni Eight ay ngumiti ito sa akin. Hindi ko naman alam kung paano ko itatago ang ngiti at kilig nang sandaling iyon.
"I told you," sabi ni Princess.
Nang marinig ko ang mga salitang iyon mula sa kanya ay biglang may ideyang pumasok sa isip ko.
"Ngangabu, umamin ka nga sa 'kin. Si Eldrin ba talaga 'yong ka-text mo kanina?" pagdududa ko.
"Ay, teka. May gagawin pala ako sa kusina," sagot niya at saka siya umalis sa kinauupuan niya.
ADVENTURE'S ADDENDUM:
Minsan, mahirap din talagang matiwala sa kaibigan. Hindi mo alam, binebenta ka na pala sa iba. Haaay! Nakakaloka.
Photo Feed: Meet Eight
//////////////////////////////
BABAE PO AKO: The Adventures of Sunshine
Owned and written by EsonVitug
Season 4 ⓒ 2019 All Rights Reserved.
http://www.facebook.com/EsonVitug
BINABASA MO ANG
BABAE PO AKO: The Adventures of Sunshine
HumorTeka, babae ka ba talaga? 2013-2019 © EsonVitug Duration: 10/29/13 - 12/24/19 Do not judge this book by its title. Every book deserves to be read before being judged. http://www.facebook.com/EsonVitug http://www.youtube.com/EsonVitug http://www.twit...