Prologue
Ilang kamay na ang naglahad sa akin mula sa iba't-ibang sitwasyon? Mga kamay ni Diyosa Neena at ang malaking paniniwala niya sa akin, ang mga kamay ni Hua habang pilit akong inililigtas mula sa mundong inakala kong aking kakampi, ang kamay ni Nikos na siyang tinalikuran ng libong mga kamay, mga kamay ng mga nilalang na naging sakripisyo ng dahil sa nakaraan, mga kamay ng mga Gazellian na siyang sumalubong sa akin sa unang pagbaba sa lupa at higit sa lahat, ang kamay ng aking hari.
Mga kamay ni Dastan na pilit akong inaabot habang inilalayo ako ni Hua at Nikos sa kanya.
At ngayo'y panibagong kamay ang siyang nakalahad sa akin. Humampas ang malamig na hangin, niyakap nito ang telang bahagyang nakasabit sa kanyang leeg na siyang kanyang tinanggal upang siya'y aking makilala.
"Ngunit hindi ko sila nais talikuran, Rosh..."
Hindi ko magawang abutin ang kanyang kamay tulad nang unang beses niyang gawin iyon. Bakit kailangan kong tumakbo sa kasalanang hindi ko ginawa? Bakit kailangang umabot ako sa ganito?
Sino ang kalaban? Sino ang aking kakampi?
"Walang nais tumalikod, Leticia. Ngunit may kailangan tayong sundan..."
"Tayo?"
Tumango si Hua at Nikos na kapwa nakadungaw rin sa akin at hinihintay na tanggapin ko ang kamay ni Rosh.
Unti-unting kong inangat ang aking nangangatal na kamay sa kanya at alam kong nakikita nila ang aking pag-aalinlangan.
"Nangangako ako, Leticia. Diyosa ng Buwan, magbabalik tayo sa emperyong ito na may malinis na pangalan at katotohanan..." tumulo muli ang luha ko.
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman at isipin, paano ako magsisimula patungo sa daan na siyang aming susundan kung hindi ko alam kung ano ang dapat naming patunguhan, kung saan kami dapat magsimula, kung ano ang dapat naming malaman at kung sino ang aming mga kalaban.
Tila lahat ng panig ay laban sa akin...
"Just hold my hand, Goddess of the Moon..."
Nang akma ko nang hahawakan ang kamay ni Rosh ay muli ko iyong binawi. "B-bakit mo ito ginagawa? Bakit n'yo ako tinutulungan?"
Nilingon ko na silang tatlo. "Sa mata ng Deeseyadah, isa akong taksil at kriminal. Sa mata ng Parsua'y isa akong—" nakagat ko ang labi ko.
Hindi ko magawang sundan ang sasabihin ko. "You are the Queen."
Hindi na hinintay ni Rosh ang pagtanggap ko dahil siya na ang humawak sa kamay ko, marahan niya akong inalalayan sa pagtayo.
"You are considered exiled in front of the thousand eyes, but for now, the three of us are enough. You are the Queen. We'll return you to this empire as the Queen."
Mas lalo akong naluha sa sinabi ni Rosh, hindi ko pinangarap maging reyna noon pa man, ilang beses man iyong ipinaramdam sa akin ni Dastan na ako'y para sa titulong iyon sa tuwing kami'y magkasama. Iba pa rin ang nararamdaman ko sa mga oras na ito, na kahit may iilang mga bampira na lamang ang nanatiling nakatanaw sa akin at nakikita ako bilang isang ganap na reyna sa kabila ng pagtalikod ng lahat, ang matinding sakit ay saglit na nahaluan ng maliit na tuwa na humahaplos sa aking puso.
Inalalayan akong muli ni Rosh patungo sa kabayo at isinakay niya ako rito. Nanatiling nasa lupa si Nikos at Hua habang nakaangat ang paningin sa akin, ang tatlong lalaki'y sabay akong tinanaw sa paraang ako'y mas mataas sa kanila.
"Queen Leticia, a former goddess of the Moon. Please allow us to be your royal guards in this journey."
Suminghap ako sa pormal na pagyuko nilang tatlo habang nakahawak ang kanilang kanang kamay sa kanilang dibdib at ang isang kamay ay sa kanilang likuran. Ang pagtawag nila sa akin ay tila nagkaroon na ako ng isang opisyal na paghihirang.
BINABASA MO ANG
Moonlight War (Gazellian Series #5)
VampireJewella Leticia is not just the Goddess of the Moon, but the new Queen of Parsua Sartorias. *** For Leticia, being honored as the queen and goddess of the Moon have a deeper meaning than a crown, throne, or even a specter. How can she prove her wort...