Chapter 44

89.8K 7.8K 8.5K
                                    

Dedicated to: Lysha Silva

Chapter 44

Dalawang buhay

"You are not welcome here. Leave in peace, Leticia. Bago pa ako mismo ang magpatapon sa 'yo."

Umalingawngaw ng paulit-ulit sa pandinig ko ang mga katagang iyon galing sa kanya.

Saglit akong natigilan habang ang mga mata'y nasa kanya. Iyong masasayang alaala naming magkasama, ang mga matatamis niyang mga salita, ang pangako niyang pag-ibig na walang hanggan ay tila mga imahe sa salamin na unti-unting nagkakalamat hanggang sa tuluyan nang nabasag.

Pagkabasag na kailanman ay hindi na muli maibabalik.

Sa halip na luha ang ipakita ko sa kanya, pagak na pagtawa ang isinagot ko sa kanya na namayani sa loob ng silid.

Hindi ko akalaing darating ang araw na ako ang magmumukhang masama at kalaban, sa emperyong inakala kong bibigyan ako ng pamilya at tahanan.

Halos mamamatay ako sa paglalakbay upang isalba lang ang emperyong ito, ang mundong ito mula sa padating na digmaan, ngunit ano ang ginagawa nilang lahat sa mga oras na ito?

Saglit lamang dumaan ang aking mga mata sa bawat matataas na nilalang na namumuhay rito sa palasyo. Simula sa magkakapatid na Gazellian at maging sa mga babaeng kanilang kapareha. Hindi makatingin sa akin ng tuwid ang mga babae, habang ang mga kapatid ni Dastan ay tila siya lamang ang nakikita.

"Zen, Finn..." malamig n autos ni Dastan.

Eksaherada kong pinagkrus ang aking mga braso at sarkastiko kong tiningnan ang magkakapatid.

Ano ang gustong ipagawa ni Dastan sa mga kapatid niya? Kakalikarin ako sa labas ng palasyo?

Ngunit sa kabila nang sabay na pagtango nina Zen at Finn sa pagtawag ni Dastan sa kanilang pangalan, nakita ko ang saglit nilang pag-aalinlangan. Si Lily na laging nasa tabi ni Dastan ay nasa likuran at tahimik na hindi makatingin sa akin, si Harper lang ang hindi magawang itago ang mga luha.

"L-Leticia..." usal muli ni Caleb.

Nagmamakaawa ang kanyang mga mata, hindi man niya sabihin sa akin ang mga salita, humihiling siyang huwag na silang pahirapan pa. Nais na nila akong mawala sa palasyo.

Hindi ko gustong magmukhang kaawa-awa sa kanilang lahat, pero nais kong malaman ang dahilan nila.

Bakit? Ano ang nagawa kong kasalanan upang tratuhin nila akong ganito? Nang sandaling masaksak ko ang kanilang hari, naniwala ba silang sinadya ko iyon? Hindi ba nila nakita ang mga luha at takot sa aking mga mata? Ang kalungkutan at sakripisyo?

Hindi ba iyon nakita nina Caleb at Kalla? Bakit wala silang sinasabi sa mga oras na ito? Bakit halos lahat sila'y nais na akong mawala na parang may sakit akong nakakahawa?

Wala na akong makuhang mga salita upang mapangalanan ang matinding sakit na nararamdaman ko. Pagtataksil... na inakala kong magmumula lang sa kanya, ngunit ang matanggap ito sa pamilyang minsa'y hinangaan ko at pinangarap na habang buhay na makasama?

"Lahat ng ginawa ko para sa emperyong minamahal mo, Dastan, sa emperyong minamahal n'yo. Ano ang kasalanan ko sa inyong lahat? Bakit ganito ang trato ng lahat ng nilalang sa diyosang katulad ko?" malakas na sabi ko sa kanilang lahat.

Lumingon ako sa bawat nilalang na nakikita ko at sa huli'y naglandas kay Dastan.

Sa lalaking pinag-alayan ko ng lahat lahat sa akin.

Ibinigay ko sa 'yo ang lahat, Dastan. Pagmamahal, kapangyarihan, tiwala, puso at kaluluwa ko. Halos ang buong katawan ko'y kanya nang pag-aari, iyong pagmamahal na mayroon ako sa kanya ay tulad ng pagmamahal na minsang iginawad ng mga diyosang bumaba rito sa lupa.

Moonlight War (Gazellian Series #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon