HINDI malaman ni Flor ang gagawin nang maabutan niya ang ina ni Zeph sa unit nito sa hotel. Ang akala niya ay walang tao roon sapagkat nagtungo si Zeph sa Hong Kong subalit uuwi rin daw mamayang gabi.
"Magandang umaga po, Ma'am," aniya rito.
"Magandang umaga."
Wala na itong ibang sinabi sa kanya kaya nagsimula na siyang magtrabaho kahit ilang na ilang siya. Dama niyang nakasunod ito ng tingin sa kanya. Sa tuwing mapapasulyap siya rito ay nakikita niyang nakatingin nga ito sa kanya.
Pinagbuti niya ang paglilinis doon dahil nangamba siyang baka may masabi ito sa kanya. Nang matapos siya ay nagpaalam na siya rito subalit sinabihan siya nitong maupo muna at mag-uusap daw sila.
Kinakabahan siya. Dama niyang may mangyayaring hindi niya magugustuhan. Ano ang pag-uusapan nila? Nang huling makita niya ito ay sinukat siya nito ng mga tingin nito.
"Can you get me a bottle of water?" utos nito. Tumalima kaagad siya at inihain niya iyon dito. "You are a very beautiful girl, Flor, I have to say."
"S-salamat po."
"'Seems to me like you're a very intelligent girl, too. So I was wondering, what do you want from my son?"
Napalunok siya. Hindi kailangang ipaliwanag pa nito ang tanong. Alam na alam na niya ang ibig sabihin niyon. Walang ipinagkaiba ang eksenang iyon sa mga eksena sa mga pelikulang Tagalog. Iyon nga lamang, hindi mataas ang tinig nito sa kanya at hindi ito mukhang kontrabida. Sa katunayan, napakaamo ng mukha nito.
"W-wala naman po."
"Gusto ko sanang magkaroon tayo ng kasunduan. I want you to resign, pack your bags, and go back to the province."
Natulala siya. Hindi pa rin ito nagtataas ng tinig, bagkus ay kalmanteng-kalmanteng iniinom ang tubig nito. Hindi naman ito mukhang galit, hindi mukhang nang-uuri, kahit pa nga iyon ang sinabi nito sa kanya.
"I know a lot about you. I have to admit I'm a little bothered by you and Zeph. Hatid-sundo ka pala, dito ka na lang ngayon naglilinis sa unit niya, ikinuha ka pa niya ng bahay, binilhan ng gamit sa bahay—"
"Mawalang-galang na po, Ma'am, pero iyong bahay po, ako po at ang pinsan ko ang nagbabayad doon. Fully furnished na po iyon noong makuha namin," pagtatanggol niya sa sarili. Hindi siya makapapayag sa nais palabasin nito. Kailangang malaman nitong hindi siya tulad ng inaakala nito. Disente siyang babae at hindi siya ibinabahay na para bang isang kabit.
"Oh, really? You don't have any idea that house belongs to my son?"
Napaawang ang mga labi niya. "H-hindi po. Four thousand po ang upa roon. Nagkakamali po kayo—"
"Oh, poor child. Iyon ba ang sinabi sa 'yo ng anak ko? Yes, my son could be very deceiving sometimes. At ngayon, sa totoo lang ay naaawa na ako sa 'yo. You're so naïve. Child, my son must be fascinated by you. And I can't blame him. I can see you're a wonderful person. Pero hanggang doon lang iyon, hija. Kung umaasa ka ng higit pa roon, habang maaga, 'wag na. Let's face it, hija, he is Zeph McNally."
Nag-init na ang kanyang mga mata subalit pinigil niya ang mga luha. Halu-halo ang nadarama niya. Nagagalit siya rito sapagkat kahit anong ganda ng pagkakasabi sa kanya nito ay naroon pa rin ang katotohanang ayaw nito sa kanya para sa anak nito. Hindi siya tanga para hindi maunawaan iyon. Hindi siya kakausapin nito kung hindi ganoon ang sitwasyon.
Nagdududa na rin siya sa samahan nila ni Zeph sapagkat totoo ang sinabi ng ina nito. Sino ba ang isang tulad niya kompara kay Zeph? Ang sama-sama ng kanyang loob.
"'Wag ka sanang tumulad sa mga babaeng naghihintay sa kanya gabi-gabi."
Napatingin siya rito. Noon lamang niya ganap na nakumpirma ang hinala niya kung ano ang ginagawa ng mga babaeng bisita ni Zeph noon doon.
"Hindi po ako ganoong klase," mariing sabi niya, malumanay pa rin kahit nais niyang ibulyaw iyon.
"If that's true, then you would resign and go back home. Hihintayin mo pa bang si Zeph ang magpaalam sa 'yo? I want him to marry my goddaughter Sophie. Inaayos ko na ngayon iyon at ayoko sanang magkaroon ng eskandalo pa kaya kinakausap na kita ngayon pa lang."
Doon siya nayanig. "K-kasal?"
"Yes. I want her for my son." Tumikhim ito. "Now, for you, I'm willing to give a handsome amount. Inabot nito ang bag at kumuha ng isang papel doon. Nang ipatong sa coffee table ay natuklasan niyang tseke pala iyon. "Consider this as my help so that you could start a business perhaps."
"Hindi na po kailangan. Maraming salamat na lang po." Tumayo na siya at umalis na roon. Pagdating niya sa locker room ay nagsulat siya ng resignation letter direkta para kay Zeph at iniwan iyon sa front desk.
Habang pauwi ay tinawagan na niya si Dina. Sinabihan niya itong umuwi kaagad. Habang nag-eempake siya ay dumating naman ito.
"Ano ba ang nangyari?"
Pautal-utal gawa ng labis na pag-iyak ay isinalaysay niya rito ang nangyari. Wala itong sinabi sa kanya, hinagod lang nang hinagod ang kanyang likod.
Nang bahagya na siyang kumalma ay magkatulong na nag-empake sila. Iniwan na niya roon ang lahat ng gamit na bigay sa kanya ni Zeph. Wala silang malilipatan subalit tumawag si Dina kay Prospie at sinabing doon muna tutuloy sa gabing iyon. Ayaw na niyang tumagal kahit isang sandali pa sa bahay na iyon.
Wala siyang balak bumalik sa probinsiya. Naniniwala siyang makakahanap siya ng magandang trabaho bago maubos ang kaunting naipon niya.
Naghintay sila ng taxi sa labas. Bago pa man may dumating ay pumarada na sa tapat nila ang kotse ni Zeph. Bumaba ito, tangan ang resignation letter niya.
"Where are you going and what's this?!"
"Hoy! 'Wag mong masigaw-sigawan ang pinsan ko, ha!" singhal dito ni Dina. "Ang kapal ng mukha mo! Pagkatapos ng lahat ng ginawa mo, ikaw pa ang nakasigaw riyan? Ikakasal ka na palang lalaki ka, ang lakas ng loob mong manggamit ng iba!"
"What are you talking about?"
"Nagkausap na kami ng nanay mo," aniya. "Sinabi niya sa akin na ikakasal ka na kay Sophie. Nalaman ko rin na ikaw pala ang may-ari nitong bahay na 'to..." Napailing siya. "Bakit naman gano'n ka?"
"Yes, this is my house. But I'm not marrying Sophie. How can I marry her when I'm in love with you?"
BINABASA MO ANG
Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)
RomancePublished many years ago. This story won novel of the year. It has been turned into a TV show on ABS-CBN, starring Toni Gonzaga and Derek Ramsay. I think it's still on Youtube.