MAHIGIT tatlong buwan pa lamang ang mini grocery nina Flor ay malaki na kaagad ang hinala nila na lalaki pa iyon. Sa tantiya nila, makalipas ang dalawa pang buwan ay rerentahan na rin nila ang bakanteng espasyo sa tabi ng puwesto nila.
Iyon ang naisip na negosyo ni Dina. Wala kasi sa kanilang grocery na pang-wholesaler ang presyo. Sa totoo lang, noong una ay nag-alala siya sa balak nitong pagbababa ng presyo. Parang hindi nila kakayanin sapagkat nagrerenta lamang sila ng puwesto. Subalit tama ito. Suki na kaagad nila ang mga maliliit na tindahan sa kanilang lugar, pati na rin ang mga mamimili na nais makatipid.
Maganda ang nakuha nilang puwesto. Mismong tapat iyon ng pampublikong pamilihan. Hindi man kompleto ang kanilang mga paninda—wala roong mga imported na tsokolate at de-lata—subalit sa pangmasang paninda sila bumabawi. Magmula instant noodles, kape, sigarilyo, hanggang sa mga mumurahing sitsirya at candy ay mayroon sila. Retail man o wholesale, pareho ang presyo nila.
Ang ginamit niyang pera ay ang pera din ni Zeph mula sa taxi at ilang mga gamit nila. Hindi rin naman niya maibabalik kaagad ang pera at nagpasya siyang iyon na lamang ang gamitin pansamantala. Siyempre ay ibabalik niya iyon at maglalaan siya ng kita para talaga roon. Iba ang perang iyon sa isang milyon. Malaki ang kaibahan para sa kanya.
Hindi tulad ng tipikal na grocery ay walang mga cash register doon. Iisa ang kaha at siya o si Dina ang humahawak niyon. Mukhang malaking sari-sari store lamang iyon na hanggang sa labas ay nag-uumapaw ang paninda. Karaniwang nakalista na ang bibilhin ng mga suki nila at pagkatapos papresyuhan at magkasundo sa transaksiyon ay magbabayad na ang mga iyon, habang ang mga tao nila ay magiging abala na sa paghahanda ng mga iyon. Divisoria style.
Ang laki-laki ng kanilang karatula: Dina, Prospie, and Flor's Pamilihan ng Bayan. Natawa nga siya nang makita sa kauna-unahang pagkakataon ang karatula. Ang sabi ni Dina ay walang pakialam ito kahit ubod ng haba ang pangalan ng tindahan nila. Sa ngayon, kapag sinabing "Dina's" ay awtomatikong iyon na iyon.
Maging si Prospie na nasa Maynila pa rin ay masayang-masaya sa nangyayari sa negosyo nila. Kapag lumaki raw iyon nang tuluyan ay magsosyo raw uli silang tatlo sa isa pang negosyo. Siyempre pa ay game silang lahat doon. Sa ngayon ay kailangan muna nilang mabawi ang kanilang puhunan na sa tingin niya ay mangyayari naman kaagad.
Ang kinuha nilang mga tao roon ay mga kapatid din niya at ilang mga pinsan niya. Kailangan nila ng mga tao roon sapagkat kapag umaga at hapon ay halos hindi sila magkamayaw sa dami ng namimili.
"Banana cue." Iniabot iyon sa kanya ni Dina. Kalagitnaan ng hapon ay kakaunti pa lamang ang mamimili. Araw-araw ay naroon sila, pagod man pero parating masaya.
Iyon na ang pinakamasaya niyang kayang maging. Kahit paano ay nawawaglit sa isip niya si Zeph kapag ganoong marami siyang inaasikaso. Idagdag pang parating nagpapakuwela si Dina. Sa katunayan ay parati itong nagpapatawa. At alam niyang para din sa kanya iyon.
Gabi ang pinakamahirap para sa kanya. Pagod man buong araw, may oras pa rin sa gabi na hungkag na hungkag ang kanyang pakiramdam. Minsan ay nagigising siyang umiiyak at tinatawag ang pangalan nito. At kadalasan, magigising siya sa gitna ng gabi na kinakapa ang kanyang tabi at matitigilan kapag maririnig ang tinig ng kanyang kapatid na sinasaway siya sa likot daw niyang matulog.
May mga pagkakataon na parang naririnig pa niyang tinatawag nito ang pangalan niya. At sa tuwing maaalala niya ang lahat ng ginawa nito para sa kanya, parang gusto niyang magsumiksik sa isang sulok at mag-iiyak.
Pero tanggap na niya ang lahat. Nahihirapan lang siguro siyang kalimutan dahil sariwang-sariwa pa ang lahat. Kumbaga sa sugat ay ni hindi pa iyon naglalangib. At gaya ng sugat, alam niyang maghilom man iyon ay may bakas na sa kanya. Kailanman ay hindi na niya malilimutan.
"O, natutulala ka na naman bigla riyan," pukaw sa kanya ng pinsan niya. "Kainin mo na 'yang saging at malambot na. Ang saging, habang matigas, eh, nilalafang na agad! Subo lang nang subo!"
Natawa siya, lalo na at natawa rin ang lahat ng mga naroon. Mayamaya ay nag-usap silang magpinsan tungkol sa negosyo nila. Napakalaking tulong ng grocery na iyon sa pamilya nila. Siguro, makalipas ang isang taon pa ay maunlad na maunlad nang talaga iyon at maaari na siyang makapag-enroll nang walang inaalalang magiging problema sa gastusin.
Gaya ng araw-araw na nangyayari, pagsapit ng oras ng pamamalengke ng tao ay naging abala na silang lahat. Pasado alas-otso ay pinauwi na siya ni Dina. Ito na raw ang magsasara ng kaha.
Pagdating niya sa bahay nila ay hindi niya inaasahan ang madadatnang bisita roon—si Zeph.
--
Like my page: www.facebook.com/vanessachubbywww.facebook.com/theromancetribe
https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/4963/Ang-Lalaking-Nagmahal-sa-Akin-1---2
BINABASA MO ANG
Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)
RomancePublished many years ago. This story won novel of the year. It has been turned into a TV show on ABS-CBN, starring Toni Gonzaga and Derek Ramsay. I think it's still on Youtube.