ALAM ni Flor na si Narciso ang pinuntahan ni Zeph nang umalis ito. May hinala na siyang may nabubuo nang plano ito para sa susunod na hakbang nito. Nahuhulaan na niya ang gagawin nito base na rin sa mga sinabi nito sa kanya nitong nakaraang ilang araw. Parating binabanggit nito sa kanya na kaunting tiis na lamang daw.
Ilang araw nang hindi niya kinikibo ito. Hanggang maaari sana ay ayaw na niyang dumating pa sa puntong magkakasagutan sila, gaya noong minsan. Kung alam lang sana nitong siya ang higit na nasaktan sa mga sinabi niya rito... subalit kailangan niyang gawin iyon.
Hayun at inaayos na nito ang kinabukasan nila sa tulong ni Narciso. Tila tuluyan nang kalilimutan nito ang lahat ng pinaghirapan nito sa negosyo ng pamilya nito. Hindi niya maaaring paabutin sa ganoon ang lahat. Kaya alam na niya na mauuwi sa matinding sagutan ang lahat mamaya.
Kung bakit kasi hindi na lamang ito umalis kahit hindi na niya kinakausap ito. Sana ay naisip na lang nitong dapat na silang maghiwalay, na nagbago na ang lahat, nagbago na siya. Subalit hindi ganoon ang nangyari.
Sinadya niyang ibenta ang telebisyon at ang iba pang gamit sa bahay. Kasama iyon sa plano niya. Ang totoo, ang mga magulang nito ang gumastos sa ospital. Ang perang nakuha niya sa pinagbentahan niya ay nasa bangko lamang. Balak niyang pagdating ng tamang oras ay ibabalik din niya iyon kay Zeph.
Matagal pa siguro darating ang araw na iyon—kapag malayung-malayo na sila sa isa't isa o hindi kaya ay may pamilya na ito o siya... Sa tuwing maiisip niya ang bagay na iyon, para bang tinutusok ng daan-daang aspile ang puso niya. Literal na pinaninikipan siya ng dibdib.
Pero alam niyang tama siya, lalo at nahuhulaan na niya ang mga pinaplano nitong hakbang. Hindi tamang talikdan nito ang pamilya para lamang sa kanya. Hindi tamang magsimula ito ng panibago kung buong buhay nito ay inilaan nito sa mga bagay na nawala rito nang dahil sa kanya.
Nasa sala lamang siya, kinakabahan kanina pa. Alam na niya ang mga sasabihin niya rito. Sana lang ay hindi nito mahalatang pinagplanuhan niya ang lahat.
Nang dumating ito ay nakangiti ito. Mami-miss ko ang ngiting 'yan...
Tumayo siya at nagtuloy sa kusina, umaktong parang ni hindi ito nakita. Nagtimpla siya ng kape at binasa ang pahayagang naroon. Wala siya ni anong naunawaan sa binasa niya.
"Hey, you!" tawag nito sa kanya. Ngiting-ngiti ito. "How was your day?"
Huminga siya nang malalim at tumugon.
___
LIKE MY PAGE: WWW.FACEBOOK.COM/VANESSACHUBBY
WWW.FACEBOOK.COM/THEROMANCETRIBE
BINABASA MO ANG
Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)
RomancePublished many years ago. This story won novel of the year. It has been turned into a TV show on ABS-CBN, starring Toni Gonzaga and Derek Ramsay. I think it's still on Youtube.