Chapter 38

8.2K 327 9
                                    


"WHY THE hell aren't you wearing your uniform?"

Parang binayo ang dibdib ni Flor sa matinding kaba. Maaga siyang bumiyahe paluwas sa Maynila at agad siyang nagtungo sa hotel. Ang plano niya ay kausapin uli si Zeph. Kapag nagpaliwanag siya nang maayos dito, natitiyak niyang maaayos niya ang lahat... At umaasa siyang kahit paano ay may nalalabi pa itong pagtingin sa kanya.

Natitiyak niyang mayroon pa. Hindi maaaring mawala na lamang kaagad iyon. Hindi iyon basta-basta na lamang nawawala. Naisip niya, kaya nga marahil galit pa rin ito ay sapagkat may nadarama pa rin ito sa kanya.

"Gusto s-sana kitang makausap."

"I'm listening."

Napalunok siya. Ni hindi siya pinapapasok nito sa unit nito. Naroon din si Greg at nahihiya siya rito. Pero wala siyang magawa. "M-maayos na ang buhay ko. Tahimik ka na rin naman. Hindi ba natin ito puwedeng pag-usapan na lang? Naiintindihan kong galit ka sa akin at—"

"You already told me all that last night. Quit wasting my time. I'm a very important man and I don't have time to listen to your nonsense. Now, go the hell downstairs and come back wearing your uniform."

"Z-Zeph—"

"It's 'Sir' to you." Binalingan nito si Greg. "Give this woman her uniform."

Nang sumara ang pinto ay napaluha na siya. Sinabi sa kanya ni Greg na sumunod na lamang daw siya sa utos ni Zeph. Wala na siyang nagawa kundi gawin iyon. Bumaba na siya sa housekeeping department at binati ang bagong manager doon. Mukhang naabisuhan na ito sa kanyang pagdating, pero ang sabi nito ay hindi raw siya magtatagal doon. Nagtanong siya kung ano pa ang impormasyong alam nito subalit mukhang wala nang iba pa maliban doon. Ibinigay na nito sa kanya ang kanyang magiging uniporme.

Tulak-tulak ang trolley niya ay nagbalik na siya sa itaas. Kung ang ibig ni Zeph ay ipahiya siya ay hindi ito nagtagumpay. Sapagkat hindi marahil nito nauunawaang doon siya nanggaling, hindi pa siya ganap na nakakaalis doon, at hindi siya nagsisising ibinalik niya ito sa dapat nitong paglagyan.

Kung ang intensiyon nito ay pasakitan siya, wala pa ring papantay sa sakit na nadama niya nang mawala na ito. Alam niyang gumaganti ito. Hindi lang niya alam kung hanggang kailan nito balak gawin ang bagay na iyon. Wala siyang magawa. Nagdesisyon na siya noon na huwag humadlang dito. Iyon pa rin ang desisyon niya, hindi na magbabago pa.

Sinabihan siya ni Greg na tumuloy na sa unit ni Zeph na siya namang ginawa niya. Para bang namanhid siya at ginawa na lamang ang kailangan niyang gawin doon. Mamaya na niya iisipin kung ano ang mainam na gawin niya. Mamaya na rin siya hahanap ng matutuluyan niya. Sana lang ay makakita kaagad siya. Wala siyang balak sabihin kina Dina ang nangyayari. Lalong hindi niya mapapayagang malaman iyon ng kanyang ina dahil labis itong mag-aalala. Maaayos din niya iyon.

"Here are the keys to where you will be staying."

Napalingon siya sa kanyang likuran. Iniaabot sa kanya ni Zeph ang ilang susi. Hindi niya kinuha iyon.

"Magtatagal ba ako rito?"

"Yes."

"Hahanap ako ng matutuluyan ko—"

"Cut the horse crap. We both know you love freebies. Here are the keys. My driver is going to take you there later."

"Zeph—"

"I don't wanna hear you talk unless I told you to." Tinalikuran na siya nito at mayamaya ay umalis na rin doon.

Halos wala sa sariling naglinis na siya roon. Nang matapos siya ay bumaba na siya. Walang nakatala sa clipboard niya na may iba pa siyang silid na lilinisan kaya nakitulong na lamang siya sa pag-aayos ng gamit ng ibang housekeepers.

Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon