"BILISAN mo, Dina. Hindi na ako mapakali rito. Utang-na-loob."
Kulang na lang ay hilahin ni Flora ang pinsan niya. Ang tagal-tagal nitong mag-empake. Hanggang alas-diyes pa naman ang huling biyaheng pa-Maynila subalit nais na niyang makalakad kaagad.
Parang kahapon lamang noong nag-aambisyon siyang manalo sa Miss Barangay. Ngayon ay isang buwan nang tapos ang Miss San Dionisio Pageant. Nakaabot naman siya sa paligsahan. Siya ang nanalo sa Miss Barangay subalit sa patimpalak ng munisipalidad ay ikatlong puwesto lang siya. Nadale siya sa question-and-answer portion. Sumablay ang Ingles niya. Nagkataong ang pumangalawang puwesto at nanalo ay mga may lahi yatang Amerikano na ganoon na lang kabilis magsalita ng Ingles.
Hinayang na hinayang siya sapagkat sa opinyon niya ay mas maganda siya sa mga iyon. Isa pa, may-kaya ang mga iyon. Tapos na nga sa pag-aaral ang mga iyon kahit mas bata pa sa kanya.
Nasa dulo na siya ng age limit, ang dalawa ay kapwa disinuwebe anyos lang kahit mukhang mga nanganak na sa laki ng puson. Kaya lang ay sumablay talaga siya. Wala na siyang magagawa roon. Sorry na lang siya dahil hindi siya mahusay mag-Ingles. Kung bakit naman kasi ang judge na napatapat sa kanya ay ang principal ng Montessori sa kanila. Animo si Miriam Defensor-Santiago ito noong binanatan siya ng Ingles na tanong na bago pa man niya nasagot ay nahuhulaan na niyang lalagpak siya.
At dahil Ingles ang tanong, Ingles din ang ginawa niyang sagot. Nablangko pa siya sa kalagitnaan ng pagsagot niya. Mabuti na lang at nakabawi kaagad siya. Basta nang nasa kalagitnaan na siya ng pagsagot ay hindi na niya maalala kung ano ang punto ng sinasabi niya. Nagkalintek-lintek na siya.
Tandang-tanda pa niya ang pagkabanat ng malupit na tanong sa kanya: "If you were to be an animal in your next life and you would be given an option to choose only one, which animal would you not want to be? I repeat... you would not want to be, which animal would it be and why?"
Anak ng kamote! Samantalang ang tanong sa dalawang natirang kalahok ay parang mga pang-grade six lang. Iyong isa ay tinanong lang ng opinyon tungkol sa ganap ng babae sa isang pamilya. Panis na panis sa kanya iyon. Ang isa naman ay tinanong lang kung ano raw ang pipiliin: ganda o talino. Parang pinagkaisahan ang pakiramdam niya sa nangyari.
Ginitian siya ng pawis sa mukha niya. Namasa maging ang kilikili niya dala ng tensiyon. Mayamaya ay kaagad siyang sumagot ng unang hayop na naisip niya—sapagkat iyon ang araw-araw na iniluluto niya sa karinderya ni Chona.
"If I will choose, in my next life I will not choose to be a pig." Alam niyang may mas magandang paraan ng pagsasabi niyon subalit kailanman ay hindi siya naging mahusay sa oral. Kahit noong nag-aaral siya ay mas mahusay siya sa written. At alam din niyang pagdating sa pagbigkas, kamote siya roon. Pero c-in-areer pa rin niya. "The reason is because pigs only eat the remaining foods of the people during breakfast, lunch, and dinner. It's not clean. And that's the only thing they do all day..."
Doon sa puntong iyon niya nalimutan ang kanyang punto. Pero pinilit niya. Makalipas ang may sampung segundo marahil ay saka pa lamang siya nakapagpatuloy. "And after eating, the pig's life is already finished. People will eat them. In short, pigs eat and then in the end, they become pud op da people."
Noon din ay napaluha siya subalit pasimpleng pinahid niya iyon. Sablay na nga ang Ingles niya, sumablay pa pati pagbigkas niya.
Hayun, hindi siya nanalo. Okay na rin sana iyon dahil malaki-laki rin ang cash prize niya bilang second runner-up, subalit nakilala niya ang isa sa mga huradong konsehal ng bayan, si Attorney Purificacion. Naturingang malinis ang pangalan nito, marumi naman ang isip, maitim ang budhi.
Sukat nag-propose ito sa kanya. "Pag-aaralin kita, ibabahay. Kahit natalo ka, hindi ka dapat malungkot. Mabait naman ako basta mabait ka sa akin. Huwag kang mag-alala, sa Maynila naglalagi ang misis ko."
Ganoong-ganoon ang sinabi nito, ni walang intro. Nagpanting ang mga tainga niya subalit pinilit niyang ngumiti at sa magandang paraan ay tinanggihan ito. Subalit makulit pala ito. Ang lakas ng loob nitong dalawin siya sa bahay nila. Maging sa Choleng's ay dinalaw siya nito. Hindi siya pumapatol sa may asawa. Bukod doon, puwedeng kayuran ng niyog ang baba nito sa tulis.
Sa bandang huli ay parang naging bastos na ito. Tila hindi nito matanggap na tinatanggihan niya ito. Nagsimulang pumangit ang eksena tatlong araw na ang nakararaan. Ang mga bataan nito ay binabantayan na siya saan man siya magtungo. Natatakot na nga ang kanyang ina at maging si Dina kahit pa handa niya itong hamunin nang one-on-one.
Hindi siya mabilis matakot. Pero alam niyang kailangan niyang sundin ang payo ng kanyang ina na habang maaga ay magpalamig na siya. Bumalik na lamang daw siya roon kapag lipas na ang init ng konsehal.
Kaya ngayon ay nagmamadali siya. Kaaalis pa lamang ng mga bantay niya. Natanawan niya nang umalis ang sasakyan ng abogado.
Ang sabi sa kanya ni Dina ay nalaman daw nitong ang huling kabit pala ng konsehal ay ang nanalo sa patimpalak dalawang taon na ang nakararaan. Ganoon daw ang style nito—hinaharang ang lahat upang walang matakbuhan ang nililigawan kundi ito. Hindi lamang manliligaw ang hinaharang nito kundi maging oportunidad. Sa kanya naman ay walang mahaharang ito. Oo at may mga manliligaw siya pero wala siyang pakialam kahit harangin man nito ang lahat ng iyon. Mga wala namang binatbat ang mga iyon. Oportunidad? Nawala na iyon sa kanya mula nang matapat na hurado sa kanya si "Miriam."
Pero kailangan niyang sundin ang kanyang ina. May punto rin ito. Isa pa, kapag hindi ito matahimik ay hindi rin siya matatahimik.
Sa wakas ay natapos nang mag-empake ang bakla. Nagtungo na sila sa paradahan ng bus. Inilabas nito ang rosaryo.
"Sana, noon pa tayo nakinig kay Prospie," anito.
"Pero okay naman din talaga ang kita natin. Isa pa, hindi tayo malayo sa pamilya."
"Pero hanggang kailan nga ba tayo ganoon? Tama rin si Prospie, aminin mo na."
"Oo na. Kaya nga sa kanya rin pala tayo tatakbo."
Tumango ito at nagrosaryo uli. Natawagan na nila ang pinsan nila. Ang sabi nito, sa tagal nilang magpasya ay nakahanap na ng tao para sa parlor. Pero baka raw may magawa pang paraan ito. Iyon lang ang inaasahan nila.
Nanalangin na rin siya. Sana ay magkatrabaho sila roon, lalo na si Dina. Sapagkat sinamahan siya nito kahit maaari namang hindi.
"Salamat, Dina, ha?"
"Pasalamat ka, hindi ko matanggap na malolosyang ka ng abogadong pulpol na 'yon. Mataas ang pangarap ko para sa 'yo, gagah!"
BINABASA MO ANG
Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)
RomancePublished many years ago. This story won novel of the year. It has been turned into a TV show on ABS-CBN, starring Toni Gonzaga and Derek Ramsay. I think it's still on Youtube.