NAKANGUSO si Flor habang binubuksan niya ang regalong bigay sa kanya ni Zeph. Mahigit dalawang buwan na siyang nagtatrabaho sa hotel at ikatlong regalo na nito iyon sa kanya, maliban sa dalawang unang bigay nitong tinanggihan niya. Usapan na nila na sa tuwing may ibibigay ito ay titingnan muna niya. Kapag sa tingin niya ay masyadong mahal ay ibabalik niya rito. Iyon na lamang ang nasabi niya nang magalit ito nang bigyan uli siya ng regalo at hindi pa man ay tinanggihan na niya.
Ilang ulit na niyang sinabi rito na huwag na siyang bigyan nito ng kung anu-ano. Pero makulit ito. Mabuti na lamang at tila natuto na itong huwag magbigay sa kanya ng masyadong mamahalin. Ang ikalawang regalong tinanggihan niya ay isang relo. Ang sabi nito ay hindi naman daw mamahalin iyon subalit sa tingin pa lang niya ay mamahalin na iyon kaya hindi na niya iniuwi. Nang makita niya sa mall ang halaga niyon at natuklasan niyang mahigit kuwarenta mil iyon. Sinabi niya iyon dito. Hayun, mula noon ay hindi na ito nagbigay ng alahas sa kanya.
Namumurahan pa pala ito sa halagang kuwarenta mil na relo! Alam niyang hindi ito nagyayabang. Marahil ay sadyang naisip nitong ganoon nga sapagkat maituturing na barya lang iyon kompara sa unang ibinigay nito sa kanya, subalit malaking bagay iyon sa kanya.
Ang ikatlong ibinigay nito sa kanya ay pabango at iyon ang hindi na niya tinanggihan, kahit pa nga nang minsang makita ni Prospie ang malaking bote ng pabango ay na-shock ang bakla. Paano raw siya nakabili niyon? Ang sabi niya ay regalo lang. At hayun, ang sabi ay napakamahal daw niyon.
Naisin man niyang ibalik iyon kay Zeph ay hindi na niya nagawa dahil nakahingi na si Dina at nagamit na rin niya.
"Ano na naman 'to?" wika niya.
Ngumiti lang ito. "Something you'll like."
"Sabi naman sa 'yo, 'wag mo na akong bigyan, eh." Nakanguso pa rin siya kahit ang totoo ay tuwang-tuwa siya. "Baka mamaya, mahal na naman ito, ha? Iyon palang pabango, mahal pala 'yon. Ayoko na ng ganoon kamahal. Dapat kung magbibigay ka, hindi lalagpas ng limandaan. Ang yabang mo kasing magregalo."
Ang lakas ng tawa nito. Ang ibang bigay nito sa kanya ay tinanggap na rin niya. Nakakalamang na dahilan na hindi niya makuhang tanggihan ito at ayaw na niyang makipagtalo pa. Ganunpaman, nilinaw niyang walang kapalit iyon na kahit ano at sana ay huwag na itong magbigay pa. Makulit naman ito, kaya heto't mayroon na namang bigay sa kanya.
Napangiti siya nang makitang plain T-shirt lamang ang bigay nito sa kanya at ilang spaghetti-strapped na blouse. Pitong piraso iyon, iba-iba ang kulay. Siguro naman ay hindi lalagpas ng isandaan ang isa niyon. Maraming ganoon sa Baclaran.
"Uy, salamat, ha? 'Yan ang gusto ko sa 'yo, mabilis kang matuto. Mga ganito lang na regalo at 'wag na 'yong sobrang mahal. Sabi ko naman sa 'yo, kahit wala, okay lang. Hindi naman ako nanghihingi sa 'yo. Hindi rin naman ako dukhang-dukha, 'no."
Ngumiti ito, itinaas ang kanyang mukha at kinintalan ng halik ang mga labi niya. Hindi na siya nabigla. Makailang ulit na nitong ginawa iyon. Ilang ulit na rin niyang pinagbawalan ito pero ayaw pa ring tumigil. Aminado siyang hindi dahil sa mga bigay nito kaya siya nagpapahalik kundi dahil feel na feel niya.
Kung alam lang sana nitong halos gabi-gabi ay laman ito ng pantasya niya. Tuwing umaga, sa paggising niya ay nakangiti siya sapagkat alam niyang makikita niya ito pagdating niya sa hotel. Hindi na nabawasan ang pagkasabik niyang makita ito na para bang hindi araw-araw na nakikita niya ito.
Hanggang ngayon, naroon pa rin ang pagdududa niya sa intensiyon nito sa kanya. Alam niyang may karapatan naman siyang magduda sapagkat nananatili ang katotohanang ang taas nito at siya ay nasa ibaba lamang. Pero hinahayaan na niya iyon. Ang hirap kasing pigilin ng damdamin.
BINABASA MO ANG
Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)
RomancePublished many years ago. This story won novel of the year. It has been turned into a TV show on ABS-CBN, starring Toni Gonzaga and Derek Ramsay. I think it's still on Youtube.