NAPATDA si Flor nang buksan ang pinto ng silid ni Zeph sa bahay na iyon. Alam niyang may bisita itong babae roon subalit hindi niya inaasahan ang madaratnang eksena roon. Wala nang suot ang babae maliban sa mga panloob nito, habang nakaangkla ang mga kamay sa leeg ng lalaki. Magkalapat ang mga labi ng mga ito.
Hindi na siya nakagalaw sa kanyang kinatatayuan. Nakita siya ni Zeph pero bahagya lamang siyang sinulyapan. Nilalaro nito ang panloob ng babaeng nakatalikod sa kanya.
"Put the glasses over there." Itinuro nito ang mesa sa isang panig ng silid. Kinailangan niyang pilitin ang sariling lumakad patungo roon. Nanginginig ang kanyang mga tuhod.
Nagseselos siya. Nagdaramdam siya na may iba na ito. Hindi na mahalaga kung isang seryosong karelasyon iyon o isang babaeng pampalipas lamang ng oras nito. Alinman sa dalawa ay iisa lamang ang mensahe sa kanya: limot na siya nito at tanging galit na lamang ang nadarama para sa kanya.
Aaminin niyang sa kabila ng mga sinabi nito sa kanya, umasa siyang may pagtingin pa rin ito sa kanya. Kahit alam niyang wala na ring mararating iyon, sapat na sa kanyang may nadarama pa ito kahit katiting sa kanya. Pero heto at malinaw na wala na. Pero siya, kahit sinong lalaki ang iharap sa kanya ay hindi niya magagawang kalimutan na lamang si Zeph.
Ni hindi na siya tumingin pa uli rito. Hindi niya kaya. Lumabas na siya at napasandal sa pader. Wala na siyang pakialam kahit makita pa siya ni Greg na naroon din. Nang makabawi ng lakas ay bahagya lamang siyang tumango rito at bumaba na ng kabahayan.
May ilang araw na ring doon na nagpapalipas ng gabi si Zeph. Iyon ang unang gabing may kasama itong babae roon. Wala itong sinabi sa kanya kung doon na talaga ito pipirmi. Wala kasi itong kahit anong binabanggit sa kanya tungkol sa mga plano nito. Kahit plano nito sa kanya ay hindi rin nito sinasabi.
Dalawang linggo na siya sa bahay na iyon. Ilang ulit nang may naganap uli sa kanila. Kaya masakit sa kanyang makita ang eksenang iyon. Gustung-gusto na niyang umuwi sa probinsiya. Gustung-gusto na niyang tumakas. Hindi lang niya alam kung paano ang gagawin niya. Nananatiling may banta ito sa kanya.
Nanatili lamang siya sa kanyang silid hanggang sa kumatok doon si Greg. Ang sabi nito ay ipinatatawag daw siya ni Zeph. Nang tumuloy siya sa silid nito ay wala na ang babae roon.
"May kailangan ka?" aniya.
"Come here." Nagmuwestra itong lumapit siya. "Come closer."
"Ano'ng kailangan mo?" aniyang hindi na umalis pa sa kinatatayuan niya. Hindi naman siguro nito inaasahan na may mangyayari sa kanila pagkatapos na may maganap dito at sa babaeng kanina ay naroon. Alam na niya ang tono nitong ganoon—nais nitong may mangyari sa kanila.
"I said come closer."
"Ano'ng kailangan mo?" mariing tanong na niya. Nag-init bigla ang kanyang mga mata. Bumulusok ang galit niya. Gagamitin siya nito pagkatapos niyang masaksihang kani-kanina lamang ay iba ang kapiling nito? Sobrang baba na ng pagtingin nito sa kanya at hindi na niya kayang tanggapin iyon.
"Alam mo kung ano ang kailangan ko."
"Hindi ko ibibigay sa 'yo."
"What did you say?"
"Hindi ko ibibigay sa 'yo!" singhal niya, saka sinalubong ang tingin nito. Tumaas-baba ang kanyang dibdib. "Alam kong ganito lang ang tingin mo sa akin." Nilagyan niya ng bahagyang awang ang hinlalaki at hintuturo. "Pero hindi ako papayag na ganituhin mo ako."
"Finally, the bitch in you had come out of its shell." Ngumiti ito nang nakakainsulto. "Do I need to remind you what I can do to you?"
"Malinaw sa akin ang lahat ng kaya mong gawin, pero sana kahit kaunting respeto, bigyan mo ako."
"Karespe-respeto ka ba?"
"Hindi ko mababago ang opinyon mo kung sa tingin mo ay hindi pero hindi ako papayag sa gusto mong mangyari. Hindi sa pagkakataong ito, Zeph."
"We'll see about that." Inilang-hakbang siya nito at hinapit, saka mariing hinagkan sa mga labi. Buong puwersang itinulak niya ito palayo sa kanya subalit ayaw siyang pakawalan nito.
Pinagtatampal niya ang dibdib nito habang hapit pa rin siya nito, hanggang sa muli ay itulak niya ito palayo.
"Aaah! Aaah!" hiyaw niya, mahaba, mahapdi sa lalamunan, puno ng pait. Humahagulhol na pala siya ay hindi pa niya namamalayan. Patuloy na itinulak niya ito, panay ang hiyaw ng mga salitang walang kabuluhan. Hanggang sa maisubsob na niya ang mukha sa mga palad niya.
"My God, Flor..." Mahigpit siyang niyakap nito subalit patuloy na itinulak niya ito hanggang sa hindi na ito magtangkang lumapit sa kanya. "Flor—"
"Lumayo ka sa akin!" bulyaw niya. "Kahit kailan ay hindi mo na uli ako mahahawakan! Hindi na ako papayag! Nandidiri ako sa 'yo!"
"Oh, yeah?"
Nang muli siyang hapitin nito ay ubos na ang lakas niyang manlaban. Hinayaan niyang ilapat nito ang mga labi sa kanya subalit nanatiling tikom ang mga labi niya. Hanggang sa pakawalan siya nito.
"Go back to your room."
"Pauwiin mo na lang ako—"
"Go back to your room!" anito na binigyang-diin ang bawat salita.
Nagmamadali na siyang tumalikod at patakbong tinungo ang kanyang silid. Yakap lamang niya ang kanyang unan na umiyak siya nang umiyak doon.
Like my page: www.facebook.com/vanessachubby or www.facebook.com/theromancetribe (writers collab page)
BUY THIS BOOK: https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/4963/Ang-Lalaking-Nagmahal-sa-Akin-1---2
BINABASA MO ANG
Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)
RomancePublished many years ago. This story won novel of the year. It has been turned into a TV show on ABS-CBN, starring Toni Gonzaga and Derek Ramsay. I think it's still on Youtube.