SLICES OF HEAVEN

27 0 0
                                    

PROLOGUE:

Madalang nang masilayan ang mga ngiti sa labi ni Camille matapos niyang hindi na muling makatanggap ng balita o anumang mensahe galing sa five-years niyang boyfriend na si Tani na pinili niyang makasama matapos maulila sa magulang. Si Tani ay nangibang-bansa para sa kinabukasan nilang dalawa. Limang taon sanang mamamalagi sa ibang bansa ito para makaipon at mapakasalan ang babaeng minamahal niya at handa niyang makasama habangbuhay. 

Ngunit tila nanlamig at unti-unting naging trahedya ang kwento ng kanilang pag-ibig matapos na mawalan na sila ng komunikasyon sa isa't isa. Ilang sulat na ang naipadala ni Camille kay Tani, ilang tawag na rin ang ginawa niya dito ngunit walang isang salita siyang narinig sa boses nito kahit balik-sulat man lang. 

Nag-aalala siyang naghihintay mag-isa sa bansang pinag-iwanan sa kanya kaakibat ng pag-asang babalik si Tani at dito nila tutuparin ang kanilang mga pangarap. Wala siyang ibang pinanghahawakan kundi ang mga pangako nito. Wala rin siyang ideya kung ano nang nangyari sa mahal niya sa malayo. Maraming katanungan ang bumalot sa isip niya. Nakahanap na ba siya ng iba? Naging masaya na kaya siya doon kaya hindi na siya makakabalik? May nangyari bang masama? 

Wag naman sana. Dalangin ni Camille habang patuloy na nilalaro ang mga alaala nilang dalawa sa kanyang isip. Hindi niya mapigilang maluha sa sakit nang biglaang pagkawala o panlalamig sa kanya ng minamahal. Hirap na hirap ito dahil sa hindi niya malaman kung ano pa ang dapat niyang panghawakan. 

Hanggang sa ang kanyang paghihintay ay naging taon, wala pa ring balita kay Tani. Parang isang buntong-hininga niyang pinakawalan ang desisyon na papalayain na niya lahat ng alaalang pinanghahawakan niya dito. Siguro nga'y ganito magtatapos ang kanilang kwento. Siguro nga'y kahit gaano pa katibay sa inaakala mo ang relasyong tinatag niyo sa maraming taon, sadya talagang darating ang panahon na mawawasak ito. At wala kang magagawa kundi danasin ang sakit, subukang kalimutan o pilitin na lang tanggapin. 

Hindi na nagbukas pa ng pinto para sa bagong pag-ibig si Camille. Iisa na lang ang tinatakbuhan ng kanyang buhay ngayon---ang sarili niya. Hindi na siya tulad ng dating masayahin, positibo ang pananaw sa buhay at maraming pangarap. Hindi na rin ito nag-aayos at palaging tila lumilipad ang kanyang isip. Ilang beses na rin niyang tinangkang tapusin ang kanyang buhay pero lagi siyang nauuwi sa wala, tulad ng dati, umiiyak na lamang siya sa tabi. 

SLICES OF HEAVENTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon