CHAPTER 7

7 1 0
                                    


Bumaba ako buhat sa aming kuwarto at agad na hinanap ang aking asawa. Napangiti ako nang makita ko siyang abalang nagluluto sa kusina. Lumapit ako sa kanya at inilagay ko ang kamay ko sa balakang niya mula sa kanyang likuran.

"Merry Christmas, beh," bulong ko sa kanya sabay halik sa kanyang pisngi.

"Merry Christmas din sa 'yo, beh." tugon n'ya habang patuloy s'ya sa ginagawa n'ya.

"Makakasama ba natin dito ang Papa mo? Hindi kasi makakapunta si Daddy, nagtext na siya sa akin," sabi ko.

"Hindi rin daw." Kumalas ako sa pagkayakap sa kanya. Kumuha naman si Izee ng serving dish at nagsalin ng niluluto niyang menudo. Inihain niya ito sa lamesa at tinulungan ko naman siyang maghanda ng mga kasangkapan. Matapos ito ay umupo na kami at nagdasal na siya bago kami kumain.

"In the name of Jesus Christ, amen."

"Amen." Dumilat ako at nagsign of the cross. Ngumiti ako kay Izee ngunit hindi niya naman ito pinansin, sa halip ay nagsimula na siyang kumain.

"Izee." Tumingin ako sa kanya ng seryoso. Ibinaba niya ang kubyertos na hawak niya.

"Bakit?" tanong n'ya.

"May problema ba?" Tinitigan ko siya sa kanyang mga mata ngunit tumungo lamang ito.

"Wala," malamig niyang sagot.

"E, bakit ganyan ang—"

"Kumain ka na, Steven. Baka lumamig 'yang pagkain mo," pagputol niya sa sinasabi ko. Nagpatuloy na s'ya samantalang ako ay napatikom na lang ang aking bibig.

Kahit sabihin n'yang walang problema sa pagitan namin, taliwas ito sa ipinaparamdam niya. Simula pa ito noong nagsimba kami. Lagi na siyang nanlalamig sa pagtrato sa akin. Hindi ko naman alam kung may nagawa o nasabi ba akong mali sa kanya. Bigla na lang tuloy akong naging clueless tungkol kay Izee.

Namagitan ang katahimikan habang kuumakain kami. Walang may gustong umimik hanggang sa tumunog ang cell phone ko dahilan upang mabasag ang kakaibang katahimikang bumabalot sa amin. Agad ko itong kinuha sa bulsa ko at sinagot ang tawag na mula kay Daddy.

"Hello, Dad?" Tumayo ako at nagpasintabi kay Izee. Pumunta ako sa garden at doon ipinagpatuloy ang pakikipag-usap sa aking ama.

"Hello, son. Tumawag lang ako to greet you and your wife a merry christmas!" tugon nito buhat sa kabilang linya.

"Salamat po, merry christmas din sa 'yo, Dad," pagbati ko.

"So, how's the celebration?"

"Okay naman po," sabi ko. Napasimangot ako dahil kabaligtaran iyon ng katotohanan; hindi okay ang lahat.

"Good. I hope she's having a great day. Nga pala, pakisabi na lang kay Izee na binabati ko siya ng happy birthday," sabi ni Daddy. Nanlaki ang mga mata ko matapos kong marinig ang pahayag ni Daddy na iyon.

"Po?" gulat kong sabi.

"I said, please greet her a happy birthday for me," pag-uulit nito.

"A, sige po. Sasabihin ko sa kanya."

"Sige. Salamat, anak. Merry christmas ulit sa inyong mag-asawa." Nagbaba na si Daddy ng telepono. Naglakad naman ako pabalik sa loob ng bahay.

Tila napagdugtong-dugtong ko ang mga pangyayari at nauunawaan ko na kung bakit ganoon ang inaasal ni Izee. Bakit ko ba kasi nakalimutan? Bakit ko ba nakalimutan ang araw kung kailan ipinanganak ang babaeng minamahal ko?

BETTER HALFTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon