CHAPTER 6

2.8K 101 1
                                    

NAKATITIG si Mara sa Coke in can na hawak niya. Pero sa halip na Coke, vintage wine ang laman niyon na galing sa aparador ng pantry nila at ginagamit para ilagay sa cakes na ipinapadala sa branches ng Sweetest Thing. Si Icko mismo ang kumuha niyon at isinalin sa can na hawak niya kahit bawal uminom ng alcohol tuwing office hours. Niyaya siya nito sa rooftop nang makita siya.

"Hindi masarap 'yan kapag hindi malamig. Inumin mo na para kumalma ka nang kaunti. Don't tell me 'di pa nasayaran ng alcohol ang lalamunan mo kahit kailan?" anito.

Tumingin siya rito. Nakasandal ito sa railings ng rooftop. Siya naman ay nakaupo sa cemented bench sa tapat nito. Alalang-alala na siya samantalang ito naman ay tila pa-easy-easy lang.

"Sir Icko, bakit n'yo po ip-in-resent ang design ko sa meeting? Ni hindi n'yo pa nga natitikman iyon. Saka may iba pa kayong concept na pinatingnan sa akin, 'di ba?" Iyon pala ang dahilan kung bakit nagagalit ang lahat sa kanya. Pakiramdam ng mga officemates niya ay masyado siyang pumapapel gayong kabago-bago lang niya.

"Bakit ko naman hindi ipe-present ang ideya mo? 'Sabi ko nga ay magaling iyon. Kahit iyong inayos mong mga concept noong nagpunta ako sa unit mo, magaganda rin. Pinakanagustuhan ko nga lang ang sa iyo. Saka kahit hindi ko tikman iyon, may alam ako tungkol sa proportion ng mga ingredient. Natutuhan ko 'yon kay Lolo noong nabubuhay pa siya."

Naisip niya na baka katulad din niya ito na marunong mag-"draw" ng taste.

"Kahit na po. Kayo lang ang nag-iisip niyon. Kaya nga meron akong boss. Sila dapat ang susundin ko."

Kumunot ang noo nito. "Teka nga. Inaway ka ba nina Adrien at Jeric?"

Yumuko siya. "H-hindi ko gustong nagagalit sa akin si Chef Jeric. Ayaw ko ring nagagalit sa akin si Chef Adrien."

"Do you perhaps like that guy? I mean Jeric."

Hindi siya umimik. Iniisip pa rin niya ang mga sinabi ni Paula sa kanya. Pinigilan niya ang mapahikbi. Gaano ba kahirap maabot ang pangarap?

Naramdaman na lang niya nang hawakan nito ang pisngi niya katulad noong gabing una niya itong nakilala. He had the warmest hands she had ever known. Nakangiti ito habang nakatunghay sa kanya. "What is your biggest dream, Mara?"

Wala pang nagtanong sa kanya nang ganoon maliban kay Mang Pilo. "G-gusto kong maging pastry chef. Gusto kong tuparin ang pangarap namin ni Daddy."

"That's the answer I need. I will help you realize your dream." Yumuko ito at tiningnan siya sa mga mata. Nangingislap ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya. "Don't worry about those people. You just have to believe in yourself. Kapag sinabi kong gusto ko ang concept mo, ibig sabihin, magaling ang concept mo. Siguradong ia-approve din 'yon ni Amore. Kaya magtiwala ka lang sa akin, okay?"

May mainit na bagay na muling humaplos sa puso niya dahil sa sinabi nito. Pero hindi pa rin siya mapakali. "Sir Icko, huwag na lang po nating ituloy," she said frantically. "Tama naman po silang lahat. Si Amore po ang titikim ng produkto natin. Self-study lang po ako at apprentice pa lang ako. Marami pa akong dapat matutuhan."

"Puwede na 'yon. Pag-aaralan natin," sabi nito.

Sasagot pa sana siya nang makita nilang humahangos na lumapit sa kanila si Rika. "Sir Icko, ipinapatawag po kayo ni Sir Ivan. ASAP daw po."

Kaagad na dumilim ang mukha nito. More or less ay alam na niya kung bakit ipinapatawag ito ni Sir Ivan.

"Sir Icko..."

Hinawakan siya nito sa kamay nang mahigpit. Kahit nagulat siya ay hindi niya inalis ang mga kamay nito. It made her feel safe.

"C'mon, Mara."

NAKAYUKO lang si Mara habang nakatayo sa gitna ng opisina ni Don. Si Sir Icko, siya, at si Sir Ivan lang ang naroon. Naniningkit ang mga mata ng huli habang nakatingin sa kanila ni Sir Icko. Ito lang ang malakas ang loob na nakikipaghamunan ng tingin kay Sir Ivan. Pakiramdam niya ay may nagaganap na tahimik na giyera sa pagitan ng magkapatid.

"Why do you always defy authority, ha, Federico?" ani Sir Ivan dito sa kontrolado pero mariing tinig.

Nag-aalalang tiningnan niya si Sir Icko. Mahigpit na nakakuyom ang kamay nito. Gusto sana niya itong ipagtanggol, pero wala siya sa lugar para gawin iyon.

"I'm asking you, Federico. Masama pa rin ba ang loob mo na itinali ka namin dito? This is so childish!"

Hindi pa rin umimik si Sir Icko. Halatang nagpipigil lang ito ng galit.

"Tama na 'yan, Ivan," sa wakas ay sabi ni Don.

Marahas na bumaling si Ivan dito. "Pero, Dad..."

Itinaas ni Don ang kanang kamay, senyales para tumahimik si Sir Ivan. "I think Icko has a plan for the company, am I right, hijo?"

Nakakuyom pa rin ang kamay ni Sir Icko nang magsalita. "Yes, Sir. Magaling si Miss Benitez. Hindi n'yo napansin ang galing niya dahil masyado kayong naka-focus sa mga staff na obvious ang credentials. You don't know that there are uncut gems inside this office. At ngayong nandito na ako, hindi ko hahayaang mabale-wala ang mga talentong binabale-wala n'yo."

Tumingin si Sir Icko sa kanya at nakita niya ang agad na paglambot ng ekspresyon nito. "Magaling si Mara, Dad." Sa kauna-unahang pagkakataon ay narinig niyang tinawag nito si Don na "Dad." "I want everyone to know that appearances can really be quite deceiving. Alam kong iyon ang malaking factor kung bakit hindi binibigyan ni Adrien ng pagkakataon si Mara na ipakita ang totoong kakayahan niya."

Lumingon si Sir Icko sa kanya at ngumiti. Sa pangalawang pagkakataon sa araw na iyon, sa tingin niya ay posible ang lahat kapag si Sir Icko ang kasama niya. He gave her the feeling that everything would be okay because he was there for her.

Sumandal si Don sa upuan. Ewan niya kung amusement ang nakikita niya sa mga mata nito. "Then, I'll give you three days to make the necessary preparations. Ipakita n'yo sa akin ang finished product nitong proposal na 'to."

Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi ni Don. Pumapayag ito sa proposal niya? Si Don Antonio Laurel, ang isa sa mga kilalang food magnate sa Pilipinas, pumapayag sa concept niya? Si Sir Icko ay manghang nakatingin din sa ama nito, halatang gaya niya ay hindi rin ito makapaniwala sa narinig.

"Pero, Dad..." protesta ni Sir Ivan.

"Our little boy has the guts to defy your orders, Ivan. Let's see if he can deliver," sabi nito. Pagkatapos ay deretsong tumingin ito sa mga mata ni Sir Icko. "Ito na ang pagkakataon mo para ipakita ang kaya mong gawin. Alam mo ang mangyayari kapag hindi kayo nagtagumpay, 'di ba? I heard that Miss Benitez is just an apprentice. Matatagalan ang susunod na recommendation niya dahil nasa ilalim siya ng authority ni Adrien. Kung gugustuhin ni Adrien na tanggalin siya sa trabaho ay hindi mo iyon basta mapipigilan."

Napasinghap siya. Hindi na nag-isip na tinagtag niya ang manggas ng polong suot ni Sir Icko. Sinisikap niyang i-mental telepathy ito.

Sir Icko, maawa ka sa trabaho ko. Lumayas na tayo rito...

"Naiintindihan ko po, Sir," matigas na sabi ni Icko, balik sa pagiging pormal kay Don. "After three days, the product will be ready."

Laglag ang mga balikat at panga niya. Diyos ko po...

Of Dreams, Desserts, and Love's Second Chances (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon