HINDI makapaniwala si Mara sa liit ng mundo. May sapantaha na siya nang nagdaang gabi na maaaring ang Federico Laurel na tinulungan niya ay ang isa pang anak ni Don, pero hindi pa rin siya makapaniwala ngayong nakumpirma niyang tama ang hinala niya.
Nang tumikhim ito nang malakas ay tumahimik ang lahat sa loob ng opisina.
"Ah, well, I will be your new head for now," wika nito sa buong-buong tinig. Pagkatapos ay nagkibit-balikat ito. "I guess hanggang sa mapatalsik ako ng kapatid ko rito." Sinabayan nito iyon ng mahinang tawa.
Hindi niya alam kung ano ang nakakatawa dahil nagtawanan din ang mga officemate niya. Si Chef Adrien naman ang nagsalita.
"There, there, Sir Icko. Huwag kayong magbiro ng ganyan. We hope to work with you for a long time."
Tumawa lang ang new boss nila na "Icko" pala ang nickname. Pagkatapos ay sinundan nito si Chef Adrien papunta sa bagong opisina nito. Hindi niya maiwasang sundan ito ng tingin. Mukhang nakatulog naman ito nang maayos dahil maaliwalas na ang mukha nito. Hindi kagaya nang nagdaang gabi na mukhang problemado ito, mukhang ngayong umaga ay maganda ang mood nito.
"Uy, Mara, hindi rin nakaligtas sa mga mata mo ang kaguwapuhan ni Sir Icko, 'no?" untag ni Rika sa kanya.
Marahas siyang lumingon dito. Ikinumpas niya ang kamay niya. "Hindi sila magkamukha ni Sir Ivan," sa halip ay sabi niya.
"Si Sir Ivan kasi, executive na executive tingnan. Mas type ko si Sir Icko. Rocker type ang dating kahit naka-business suit siya," kinikilig na sabi nito.
Inirapan sila ni Paula. "What a bunch of losers," sabi nito.
Narinig iyon ni Rika kaya iningusan nito si Paula. Sinulyapan niya ang daang tinahak ni Sir Icko. Hindi niya alam kung may natatandaan ito sa mga pangyayari nang nagdaang gabi. Naalala niya ang pagbanggit nito nang nagdaang gabi sa pangalang "Rachel." Girlfriend kaya nito iyon?
Kapagkuwan ay tiningnan niya ang gourmet mini-cake designs. Dapat ay iyon ang iniintindi niya hindi ang kung ano-anong kalokohan. Malapit na ang competition pero wala pang nafa-finalize na product. Pero hindi pa rin niya mapigil ang sarili niya. Kumuha siya ng blangkong bond paper at nagsimulang gumuhit.
TUMIKHIM nang malakas si Mara bago kumatok sa office ni Sir Icko. Buong araw yata itong hindi lumabas sa bagong opisina nito at nag-aalala na siya rito. Gusto rin niyang makita ang kalagayan nito dahil hindi pa niya ito nakukumusta.
"Coffee, Sir."
Narinig niya ang malakas na boses nito mula sa loob. "Come in!"
Nang pumasok siya ay tumambad sa kanya ang patong-patong na papel sa ibabaw ng desk nito. Patong-patong din ang napakaraming folders sa harap nito. Nakakunot-noo ito habang nakasapo ang isang kamay sa ulo, mukhang problemadong-problemado.
"What am I supposed to do with all these crap?" sabi pa nito na tila ang sarili lang ang kausap.
Mukhang malayong-malayo ito kay Sir Ivan. Strict at organized kasi ang huli. Iginagalang ito ng buong kompanya hindi lang dahil anak ito ng CEO kundi dahil magaling talaga ito.
Sir Icko, on the other hand, seemed to be the carefree type. Pero alam niyang sa kabila niyon ay may mga dalahin ito. Kahit paano ay nakaramdam siya ng lungkot kapag naaalala ang hitsura nito noong una niya itong makita.
Ibinaba niya sa mesa nito ang tasa ng kape bago nagsalita. "Sir, naka-file po 'yong mga paper na 'yan according sa priorities." Kinuha niya ang folder at saglit na binuklat iyon. "Ito po iyong mga design na kailangan ng second opinion. Ito naman po 'yong approved ni Chef Adrien pero kailangan pa rin po ng approval n'yo. Kailangan n'yo pong mamili sa mga ito."
BINABASA MO ANG
Of Dreams, Desserts, and Love's Second Chances (Completed)
RomansaPara kay Mara, suntok sa buwan ang pangarap niyang maging patissier balang-araw, lalo na at dakilang tagatimpla ng kape lang ang papel niya sa boss niya sa TGF, ang kompanyang pinaglilingkuran niya bilang apprentice. Until she met Icko Laurel one fa...