Chapter 3

3.7K 137 19
                                    


MASAKIT na masakit ang ulo ni Jela nang gumising ng umagang iyon. Hindi naman siya nakainom ngunit pakiramdam niya ay para siyang may hangover. Parang isang masamang panaginip ang nangyari kagabi. Bumalik sa isip niya kung paano siya hinabol ng lalaking nadisgrasya sa ginawa niyang drama kagabi. Nagtago siya sa kung saan-saang kotse sa parking area. Mayroon pa nga siyang kotseng napatunog ang alarm nang madikitan niya. Para siyang kriminal na umeeskapo sa mga alagad ng batas. Mabuti na lang at nakalayo siya sa lugar na iyon nang hindi nahuhuli ng lalaki. He could be dangerous. Baka sa galit nito ay kung ano ang gawin nito sa kanya kaya tinakbuhan niya ito.

Ngunit nakapagdesisyon na siya na gawin ang dapat. Kailangan niyang harapin ang lalaking iyon upang humingi ng tawad sa nagawa niyang pagkakamali. Mukhang seryoso ang nagawa niyang damage dito. Handa siyang ayusin iyon. Handa siyang humarap sa babaeng tinawag nitong 'Sherry.' Ipapaliwanag niya ang pagkakamali niya. Sasabihin niya ang totoo para muling ayusin ang nasira niyang relasyon. Kahit magalit ang mga ito sa kanya at hindi na siya patawarin ay matatanggap niya, basta lamang magkabalikan na ang mga ito. Ngunit bago iyon ay dapat muna niyang makompirma kung si Jacob De Asis nga ang lalaking napuwerhisyo niya kagabi.

Naglalakad siya sa walkway sa SCU nang matanaw ang lalaki kagabi na papasalubong sa kanya. Kasama nito ang kaibigang si Frei Elizalde. Mabilis siyang gumilid sa daan at tumalikod upang hindi makita nito. It was confirmed. Si Jacob nga ang lalaki. Nagbago lang ito ng haircut. He looked like he was in bad mood. Siguradong dahil iyon sa nangyari kagabi.

Hindi siya makapag-concentrate sa klase ng umagang iyon. Iniisip kasi niya kung paano siya lalapit kay Jacob. As much as possible ay gusto na niyang maayos kaagad ang nilikhang problema. Kaya lang ay medyo natatakot siya na baka maging bayolente sa kanya si Jacob dahil galit na galit ito sa kanya. pero alam niyang kailangan niyang harapin ang consequences ng ginawa niya.

Kaya kinabukasan nang makita niya ito at si Frei na nakaupo sa bench sa campus ay nagpasya na siyang kausapin ito. Nakatalikod ang mga ito sa kinaroroonan niya kaya hindi nito nakita ang paghakbang niya papalapit sa mga ito. Nahinto siya sa paglapit nang marinig niyang tila siya ang pinag-uusapan ng mga ito. Napagpasyahan na lamang niyang magkubli sa mga halaman upang kahit lumingon ang mga ito ay hindi makita na may nakikinig sa usapan ng mga ito.

"Ayaw pa rin akong kausapin ni Sherry nang dahil sa ginawa ng babaeng iyon. Pinuntahan ko na siya sa school niya at sa bahay niya pero iniwasan niya lang ako. Ayaw niyang paniwalaan na hindi ko talaga kilala ang babaeng iyon. Pinasabi niya sa maid nila na ayaw na niya akong makita kahit kailan. At kapag hindi raw ako tumigil sa paglapit sa kanya, isusumbong daw niya ako sa uncle niyang lawyer para ma-issue-han daw ako ng restraining order. This is insane!" puno ng frustration at galit na sabi ni Jacob sa kaibigan.

Napakagat-labi siya. Ganoon ba kaseryoso ang nagawa niya? Magkaka-kaso pa si Jacob nang dahil sa kanya?

"I'm going nuts, pare. You know how I love Sherry. Ilang buwan kong hinintay na sagutin na niya ako pero... the very night na sasagutin na niya ako, biglang lumitaw ang siraulong babaeng iyon. She messed up everything in a flash. Lahat ng pinaghirapan ko, nauwi sa wala."

Napangiwi siya sa natuklasan. Mukhang talagang may valid basis si Jacob para tawagin siyang "siraulo."

"And now, she doesn't want to see me anymore. She hates me. Sirang-sira ako sa kanya. And it's all because of that freak of a woman! Nang dahil sa kanya, my supposed-to-be special night turned into a nightmare. Hinding-hindi ko siya mapapatawad sa ginawa niya. Hinding-hindi."

Kawawa naman si Jacob. Labis ang guilt na nararamdaman niya na parang gusto niyang maiyak.

"Pero, pare, hindi mo ba talaga kilala 'yong babae?" tanong ni Frei.

JELA, The Drama Club Actress (St. Catherine University Series #3) [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon