Chapter 5

3.6K 126 5
                                    


Five years later...

NAGMAMADALING pumasok si Jela sa studio five ng MBS network. Late na naman siya. Six o-clock ang call time ngunit six o ten na. Napakahirap talaga ng kanyang trabaho. Iba-iba ang oras ng call time at iba-iba ang location. Napupuyat na nga ay kailangan pang gumising nang maaga para sa susunod na taping o shooting.

Gaya ng inaasahan niya ay nakapameywang at nakaigkas ang mga kilay na sinalubong siya ni Miss Bamba, ang baklang production manager.

"Late ka na naman?" mataray na sita nito.

Tumango siya, bahagyang nakangiwi. "Ten minutes lang naman."

"Tatlong araw ka nang hindi dumarating nang sakto sa oras."

"Sorry na, Miss Bamba."

"Sa susunod na dumating ka pa na late kahit isang minuto..." Gumuhit ito ng isang linya sa tapat ng leeg nito na mas nakapagpangiwi sa kanya. "Hindi ka artista para magpaka-primadonna. Hala, kilos na!"

Nagmamadaling tinungo niya ang props room at nagsimula nang gawin ang kanyang trabaho bilang isang production assistant para sa isang comedy sitcom sa araw na iyon. Araw-araw ay iba-ibang TV programs ang pinagsisilbihan niya bilang isang dakilang P.A.

Hindi siya artista. Hindi pa niya natutupad ang pangarap niya. Isang taon na siya sa channel three ngunit wala pa ring nakakapansin sa beauty niya. Parati siyang extra sa mga sitcom at pelikula---iyong mga tipong nagdaraan-daan lang sa kalye o kumakain sa restaurant kung saan may eksena ang mga artista. Hindi niya maintindihan kung bakit hanggang sa mga panahong iyon ay wala pang nag-aalok sa kanya para sa isang role na higit pa sa sampung minuto ang exposure sa palabas at may dialogue.

Sa tingin niya ay mas may hitsura pa siya sa ibang mga artista ng channel three at mas magaling pa siyang umarte sa ilan sa mga ito. Ngunit bakit ganoon? Bakit wala pang kumukuha sa kanya para mag-artista? Mayroon pala. Mayroon palang isang talent manager na nag-alok sa kanya para maging sexy star.

Alam niyang sexy siya pero hindi niya kayang magbilad ng katawan at maging star sa isang malaswang pelikula. Hindi ganoon ang pinangarap niya. Gusto niyang maging isang wholesome na dramatic actress. Kaya inayawan niya ang offer.

Nagsimula na ang taping. As usual ay naroon siya sa isang sulok at pinanonood ang pag-arte ng mga artista. Ilang beses na ba niyang in-imagine na siya ang gumaganap sa mga eksenang pinanonood niya? Madalas pa nga siyang nababatukan ng kasamahang si Molly kapag lumalakas ang pagbigkas niya ng mga dialogue na ginagaya niya.

Alam nito ang pangarap niya. Inudyukan pa nga siya nito na tanggapin na ang offer na maging isang sexy star at gawin iyong stepping stone para maging isang drama actress balang-araw. Mahirap na raw kasing maging artista sa mga panahon ngayon. May mga reality talent search pa nga at reality shows na pinapasok ang mga taong gustong mag-artista ngunit iilan lamang ang pinapalad na talagang maging artista. Sabi nito, in order to become a successful actress, one must have luck, beauty and talent in that order. Mayroon siya nang dalawang nahuhuli. Luck lamang ang wala sa kanya.

Umasa siyang dahil nasa industriya siya ng showbusiness ay malaki ang chance niya na ma-discover para maging isang artista ngunit mukhang malupit ang tadhana para sa kanya. Mukhang pinahihirapan siya nitong makamit ang kanyang pangarap.

Nang matapos ang taping ay tumungo naman siya sa studio eight para sa taping ng isang talk show. Ipinagawa kaagad sa kanya ang pagsusulat ng spiels ng talk show host sa mga cartolina. Sa kasamaang-palad ay siya rin ang taga-hawak niyon habang tumatakbo na ang taping. Ganoon siya ka-miserable. Ilang beses na rin niyang in-imagine na nakaupo siya sa sofa na inuupuan ng mga guests sa talk show at siya ang in-interview doon. Minsan nga ay hindi kaagad niya napalitan ang cartolinang hawak dahil sa pangangarap nang gising. Pinagalitan siya ng production manager... as usual.

JELA, The Drama Club Actress (St. Catherine University Series #3) [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon