Chapter 6

3.6K 126 6
                                    


HINDI PA man nakakadilat si Jela ay naramdaman na kaagad niya ang matinding sakit ng ulo. Iyon na siguro ang pinakamasakit na sakit ng ulo na naramdaman niya. Gumalaw siya upang dumapa sana sa kama ngunit hindi siya makagalaw dahil tila may harang. Sa nakapikit na mga mata ay nagtaka siya. Kailan pa nagkaroon ng harang ang kama niya? Napagpasyahan niyang sa kabila na lamang umikot upang makadapa. Ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang bumagsak siya. Napadilat siya. Natagpuan niya ang sariling nakadapa sa sahig. At teka, kailan pa nagkaroon ng carpet ang silid niya?

Kahit hilung-hilo ay pinilit niyang makabangon. She ended up sitting on the carpet. Tila hindi niya kayang tumayo. Litung-litong pinagmasdan niya ang paligid. Wala siya sa kanyang silid. Ni hindi mukhang silid ang kinaroroonan niya. Living room iyon. Maliit na sala ngunit marangya iyon. Nasaan siya?

Hinawakan niya ang gulu-gulong buhok at napapikit sa kirot ng kanyang ulo. Nang muli siyang dumilat ay may nakita siyang isang lalaking nakasuot ng puting sando at pajama pants na nakatayo dalawang dipa mula sa kanya. Nakatingin ito sa kanya. Kinusot niya ang mga mata at pinakatitigan ang lalaki. Ilang saglit pa silang nagtitigan nito hanggang sa bigla na lamang manlaki ang mga mata niya. Namumukhaan niya ang lalaking ito.

"J-Jacob de Asis..." wala sa loob na sambit niya.

Gumuhit ang isang mapanganib na ngiti sa mga labi nito. "I'm glad you remember me now."

Parang tinambol ang dibdib niya sa kaba nang makumpirma na si Jacob nga ang nasa harap niya. Palihim pa niyang kinurot ang sarili upang tiyaking hindi siya nananaginip. Hindi kasi niya maintindihan kung paano nangyaring nasa ibang bahay siya at naroon si Jacob de Asis. Unfortunately, she was not dreaming as she felt the pain from her own pinch. Niyon lamang niya napansin na may hawak itong kutsilyo. Halos lumuwa ang mga mata niya sa pumasok sa isip. Papatayin siya nito!

Mabilis siyang napatayo. Her first instinct was to run towards the door. Ngunit dahil niyon pa lamang siya nakatuntong sa bahay na iyon ay hindi niya alam kung saan ang pinto. It appeared to her that it was a condo unit. May nakita siyang sliding glass door na may wooden frames. Kailangan pa sigurong pumasok roon para matagpuan ang pinto. Ngunit bago pa siya makalapit doon ay naroon na si Jacob. Nakangisi. Humakbang siya papalayo rito.

"Running away again? This time, hinding-hindi mo na ako matatakasan pa."

"'Wag mo kong papatayin. Parang awa mo na. May pamilya akong sinusuportahan sa probinsiya. Alam kong malaki ang kasalanan ko sa 'yo pero siguro naman hindi mo 'ko kailangang patayin nang dahil doon." Napaluhod siya sa takot. "Patawarin mo na 'ko," nagmamakawang sabi niya habang sa kutsilyo nakatingin at hindi rito.

Itinaas nito ang kutsilyo at tiningnan iyon. Napahugot siya ng marahas na paghinga.

"Hindi ako mamamatay-tao," sabi nito.

"Eh, ba't may hawak kang kutsilyo?"

"Nagbabalat ako ng mansanas sa dining nang marinig ko na parang may bumagsak. Unwittingly, nadala ko ito," tukoy nito sa kutsilyong hawak.

Ganoon na lamang ang relief niya sa sinabi nito. "Buti naman. Akala ko katapusan ko na." Tumayo na siya. Hindi na niya kailangang magmakaawa dahil hindi naman pala siya papatayin nito. "Bahay mo ba ito? Bakit ako nandito? Siguro kinidnap mo 'ko, no? Anong gagawin mo sa 'kin?" Pinagsalikop niya ang mga braso sa tapat ng dibdib.

"Kinidnap?" he snorted. "Dapat pa nga magpasalamat ka sa 'kin dahil inuwi kita dito sa bahay ko. You were wasted last night. Kung iniwan at pinabayaan kita sa bar kagabi, baka napahamak ka pa."

Bar? Muli ay naramdaman niya ang sakit ng ulo. Yes! She was in a bar last night with Molly. Pero umalis si Molly ngunit nangako namang babalikan siya. Uminom siya ng alak habang wala ito. Hindi na niya naaalala ang nangyari pagkatapos. "Hindi ako binalikan ni Molly?"

JELA, The Drama Club Actress (St. Catherine University Series #3) [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon