Chapter 10

4.3K 138 8
                                    


BUKAS ang pinto ng pad ni Jacob kaya malaya siyang nakapasok roon. Nakita niya itong nakahandusay sa sahig.

"Jacob!" Dinaluhan niya ito at niyugyog ang mga balikat nito. Mukhang okay naman ito. Natutulog lang. Nakatulog na marahil sa kalasingan. May mga bote sa carpeted na sahig ngunit hindi niya nakita ang nabasag na boteng narinig niya kanina sa cellphone.

Pumunta siya sa banyo at kumuha ng basin na may tubig at tuwalya. Gusto sana niyang ilipat ito sa kama ngunit hindi niya ito kayang buhatin. Nilagyan na lamang niya ito ng throwpillow sa likod ng ulo bago pinunasan ng tubig ang mukha, leeg at mga braso nito. Matapos punasan ito ay hinagod niya ang buhok nito at pinagmasdan ang mukha nito.

"Ikaw talaga, ha. Sobra ka na. Pati date ko inabala mo dahil lang sa kalasingan mo. Tatawag ka na lang basta-basta at papuntahin ako dito na para bang alam mo na hindi kita matitiis." Pinisil niya ang ilong nito at pinanggigilan. "Pasalamat ka, mahal kita. Kung hindi, hindi kita pinuntahan kahit basagin mo pa ang lahat ng salamin dito sa pad mo." Napangiti siya habang hinahaplos ang pisngi nito. "Nakakatawa. I was actually telling you now that I love you. Na kaharap ka. Sana lang kaya kong sabihin 'yon nang nakadilat 'yang mga mata mo... Pero hindi puwede..."

"Bakit hindi puwede?" tanong nito.

"Kasi..." Natigilan siya. Nagsalita ito? Tumangu-tango siya nang maisip na marahil ay nagsasalita talaga ito nang tulog. Pero hindi pa man niya nakukumbinsi ang sarili sa naisip ay bigla na lamang dumilat ito at ngumiti sa kanya. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata niya. He was really awake! "G-Gising ka?"

Tumango ito.

"N-Narinig mo 'yong mga sinabi ko?"

Tumango ito at naging mapanukso ang ngiti at tingin sa kanya.

Bigla siyang napangiti nang may maisip. "Lasing ka. Hindi mo na maaalala 'yong mga 'yon kapag bumalik ka na sa tamang wisyo."

"Hindi naman ako lasing, eh."

Napalunok siya. "H-Hindi ka lasing?"

"Hindi."

Kinabahan siya. Ngunit naisip na in denial naman talaga ang mga lasing na lasing sila. Naisipan niyang mag-perform ng sobriety test dito. Itinaas niya ang dalawang daliri ng nangingnig niyang kamay. "Ilan ito?"

"Dalawa."

"Ito?" Nagporma siya ng tigatlong daliri sa magkabilang kamay.

"Anim."

Itinaas niya ang kamay na walang nakataas na kahit isang daliri. "Ito?"

"Wala."

"Wala... walanghiya ka!" Dumiretso sa ilong nito ang kamaong itinaas niya. Humiyaw ito. Akma siyang tatayo ngunit pinigilan siya nito sa pamamagitan ng paghawak sa dalawa niyang mga braso. "Bitiwan mo 'ko!"

"Teka. Ulitin mo muna 'yong sinabi mo kanina."

"Anong sinabi ko? Na walanghiya ka? Sige, uulitin ko. Walanghiya ka! Nagpanggap kang lasing para lang makaperwisyo? Inistorbo mo 'ko sa date ko. Puwede ka rin palang mag-artista. Ang galing mong umakting."

"Hindi 'yon 'yong sinabi mo kanina. Ang sabi mo kanina... mahal mo 'ko."

Hindi siya nakahuma. Buking na siya!

"Jela..."

"Hindi totoo 'yong narinig mo! N-nagpa-practice lang akong umarte. Ginaya ko lang 'yong dialogue ni Angel Locsin kay Piolo Pascual sa pelikula nila." Alam niyang parang nagpatawa lang siya sa sinabi niya pero kailangan niyang lumusot kahit paano. "Bitiwan mo 'ko!"

JELA, The Drama Club Actress (St. Catherine University Series #3) [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon