Chapter 5:
Marahan silang naglakad paikot papunta sa kasukalan kung saan nila naririnig ang mga mahihinang kaluskos. Pagkatapos noon ay bigla silang tumakbo ng mabilis papunta doon at halos sabay silang tumalon ng mataas para makorner ang kanilang target... Pero imbes na mabangis na baboy-ramo ang bumungad sa kanila ay iba ang kanilang nakita... Hindi iyon isang hayop... Kundi tao.
"H-Huwag! Huwag po ninyo akong papatayin!" takot na takot na wika ng bata.
Nanginginig ito ng husto at napahalukipkip sa lupa. Payat na payat ito, madungis at maraming latay ang katawan. Isa itong batang lalaki at punit-punit na puting sando at shorts na kulay asul ang suot nito. Mabilis nilang itinago ang kanilang mga baril... Humakbang palapit si Venom sa bata pero pinilit nitong umatras at mas nanginig ito sa takot. Nakatingin ito sa mga baril nila na nakasukbit sa kanilang mga baywang.
"Huwag kang matakot, hindi ka namin sasaktan. Napagkamalan ka lang naming baboy-ramo. Tutulungan ka namin." mahinahong wika ni Venom.
Marahan niyang inilahad ang kanyang kanang-kamay. Ngumiti siya dito ng friendly at mataman itong napatingin sa kanya... Puno ng takot at pagdududa ang makikita sa mukha ng bata.
"H-Hindi po ba kayo kasama ng mga l-lalaking iyon?" takot nitong tanong.
Bigla silang nagkatingan ni Siegfried at tumango sa isa't-isa... Pagkatapos ay tumingin ulit sila sa bata.
"Mga alagad kami ng batas. Sino bang mga lalaki ang mga sinasabi mo?" malumanay niyang tanong.
Pinilit niyang maging casual. Medyo kumalma ang bata pero naroon pa rin ang matinding panginginig ng katawan nito. Masyadong napukaw ang puso niya sa itsura nito.
"M-Mga masasama sila... Sila iyong... Sila iyong..." hindi na nito naituloy ang anumang sasabihin.
Bagkus, humagulgol na ito ng iyak at hindi na ito mahinto... Tuluyan na siyang lumapit sa bata at binuhat na lang niya ito.
"Tama na... Tutulungan ka namin. Hindi kami masama." hinaplos niya ang likod ng bata.
Ramdam na ramdam niya ang panginginig ng katawan nito at ang matinding takot na nananalaytay sa buo nitong katawan. Na-trauma ito. Napatingin siya sa malalaking latay na nagmarka sa katawan nito. Marami ang mga iyon, lalo na sa parte ng likod. Hindi siya maaaring mgakamali, latay ng latigo iyon. Biglang rumihistro ang matinding galit sa kanyang kalooban. Sino kayang hinayupak ang gumawa nito? Malaki ang posibilidad na ang batang ito ang sagot sa kanilang misyon. Sa tantya niya ay nasa siyam o sampung taong-gulang lang ito. Napailing din si Siegfried matapos nitong masipat ang mga latay sa katawan ng bata. Ikinuyom nito ng mariin ang mga kamao. Marahan silang naglakad papunta sa komunidad na pinanggalingan nila.
Napatingin ang lahat sa kanila ng makita nila ang batang buhat niya. Mabilis siyang naglakad papunta sa kubong inuukupa nila ni Rock... Inilapag niya ang bata sa papag at mataman siyang tumunghay dito. Maang itong nakatingin sa kanya. Kasalukuyang kausap naman ni Siegfried si Rock, ipinapaliwanag nito ang mga detalye tungkol sa bata.
"Hubarin mo muna ang pang-itaas mong damit, gagamutin ko ang mga latay at galos mo. Isa akong Doktor, kaya huwag kang matakot sa akin, okay?"
Habang sinasabi niya iyon ay inilalabas niya ang kanyang mga gamit. Namutla ang bata ng makita nito ang ilang piraso ng injection.
"Tutusukin niyo po a-ako?!" takot nitong wika.
Ngumiti siya dito at marahang umiling.
"Siyempre, hindi. Hindi mo naman kailangan iyon. Nagugutom ka ba, ha?"

BINABASA MO ANG
MEN IN ACTION 3: Venom Montecristo
RomanceBadtrip na badtrip si Abby doon sa lalaking pumuna sa kanya sa restaurant noong kumakanta siya. Sabihan ba naman siyang pangit ang boses at hindi na nito malasahan ang pagkain dahil sa kanta niya? At ang kapal ng army boy na iyon na ligawan siya par...