Chapter 8:
Kinabukasan, muling pinuntahan ni Venom si Gida sa shop nito. Kailangan pa kasi niyang kumuha dito ng impormasyon para mas mapadali ang panliligaw niya. Abala ito sa pananahi nang dumating siya. May dala siyang kahon ng cupcakes para dito.
"Hello, Gida!" bati niya.
Hindi man lang nagreact si Gida. Tuloy lang ito sa ginagawa.
"Gida..." nilambingan niya ang boses.
Pero nanatili itong snob. Tumaas na ang kilay niya tapos ay nag-isip ng ilang sandali...
"Gida na maganda... Hello!" malambing ulit niyang bati.
Napatigil ito sa ginagawa at napatingin sa kanya.
"Ano iyon, Kuya?" malambing nitong wika.
"Magandang Gida, puwede ba kitang makausap?"
Excited itong tumayo at lumapit sa kanya.
"Sure! Ano ba iyon, Kuya?"
Napangiti siya ng maluwag sa tawag nito sa kanya. Kagaya ng dati, naupo sila doon sa mesa na malapit sa bintana.
"Para sa'yo, oh." inabot niya dito ang dala.
Agad iyong kinuha ng huli at tuwang-tuwa ito ng tiningnan ang laman.
"Anong maipaglilingkod ko sa'yo, Kuya?" malambing nitong tanong.
Sumeryoso ang mukha niya at huminga siya ng malalim. Amuse itong napatingin sa kanya.
"Napansin ko lang... Bakit may pagka-manhater ang ate mo? May nanakit na ba dati sa damdamin niya, ha?"
Nawala ang ngiti ni Gida at sumeryoso ang mukha na napatingin sa kanya. Yumuko ito at pagkatapos ay alanganing tumingin ulit sa kanyang mukha.
"Ikaw, mabait ka lang ba sa akin kasi may gusto ka sa ate ko?" bigla nitong tanong.
"Siyempre."
"Hmf!"
Sumimangot ng todo si Gida sa kanya.
"Pero hindi ibig sabihin noon, na mabait lang ako dahil lang doon. Hindi pa naman kasi tayo gaanong magkakilala eh. Sa palagay ko nga eh, magkakasundo tayo sa maraming bagay..."
"Charot ka naman, binobola mo na ako."
"Gida, sagutin mo na naman ang tanong ko oh. Please...?" pakiusap niya.
Huminga ito ng malalim.
"Alam mo kasi... Noong mga bata pa kami ni ate Abby... Madalas siyang inaasar, tinutukso at binu-bully sa school dahil nga sa bading ang aming si Mamay Lab. Karaniwan sa kanila ay mga kaeskuwela niyang lalaki na madalas siyang pagtripan. Dahil doon, nagtanim siya ng matinding galit sa mga kalahi mo. May kinagat nga siya dati ng dahil sa akin eh... Ang mga pinsan lang namin na mga baliw ang tanging mga lalaki dito sa mundo ang hindi niya pinagtaniman ng galit. Kaya kung gusto mo talaga ang ate ko, magsumikap ka!"
Natawa siya ng bahagya sa huling sinabi nito. Pero bigla din siyang sumeryoso. Kaya pala ganoon na lang ang takot na nakikita niya sa mga mata nito. Natatakot itong mapaglaruan, iyon ang dahilan ng katapangan nito.
"May mga nanligaw ba sa ate mo?" tanong ulit niya.
"Marami. Itong ganda ba naman ng lahi namin eh mauubusan ng manliligaw? Siya iyong tipo na kapag hindi niya type, binabasted niya agad. Hindi siya iyong tipo na nagpapaasa. Hanggang sa may nanligaw sa kanya na talagang gusto niya. Pero mabuti na lang, di niya sinagot agad ang lalaking iyon..."
BINABASA MO ANG
MEN IN ACTION 3: Venom Montecristo
RomantikBadtrip na badtrip si Abby doon sa lalaking pumuna sa kanya sa restaurant noong kumakanta siya. Sabihan ba naman siyang pangit ang boses at hindi na nito malasahan ang pagkain dahil sa kanta niya? At ang kapal ng army boy na iyon na ligawan siya par...
