CHAPTER SEVEN
MABILIS na lumipas ang tatlong araw at sa loob ng mga araw na iyon ay bahagya nang nasasanay si Aquano sa buhay nito bilang tao. Natutuwa naman doon si Andru lalo na nang makapaglakad na ito nang hindi na nito kinakailangan ng kanyang pag-alalay. Medyo nagkakasundo na naman ito at ang kanyang Lola Fe. Natutuwa pa nga ang lola niya dahil minsan ay naisama nito si Aquano sa palengke. May naging taga-buhat tuloy ito ng mga pinamili nito.
Nang araw na iyon ay inaya niya si Aquano na maglakad-lakad sa dalampasigan. Ala-singko na ng hapon kaya hindi na ganoon kasakit sa balat ang sikat ng araw. Medyo napalayo na sila sa paglalakad hanggang sa makakita sila ng isang napakalaking bato. Sa tantiya niya ay mga labinglimang talampakan ang taas niyon. Sa pinakatuktok ng bato ay may rebulto ng isang sirena. Isa iyong sikat na lugar sa Atimonan, Quezon. Ayon sa kwento, kaya daw may itinayong sirena doon ay bilang pasasalamat sa isang sirena na tumutulong noon sa mga mamamayan ng Atimonan. Ngunit umabuso daw ang mga tao kaya hindi na nagpakita ang naturang sirena.
"Gusto mo bang umakyat tayo doon?" tanong ni Andru kay Aquano. Ang tinutukoy niya ay ang tuktok ng bato.
"Mukhang magandang ideya iyan, Andru. Sige, akyat tayo," pagsang-ayon naman ni Aquano.
Magkakapit ng kamay na inakyat nilang dalawa ang tuktok ng malaking bato. Nang marating na nila ang tuktok ay umayos sila ng upo paharap sa dagat. Kitang-kita nila ang kalawakan niyon at ang mumunting kulay orange sa tubig na dulot ng sinag ng papalubog na araw.
"Aquano, nami-miss mo na ba ang Aquatika?" tanong niya nang hindi dito tumitingin.
"Anong nami-miss?"
Oo nga pala. Hindi nakakaintindi ng salitang Ingles si Aquano. Bukas nga ay tuturuan niya ito upang mas maging madali ang kanilang pag-uusap.
"Ang ibig sabihin ng 'nami-miss' ay iyong parang nasasabik kang mapuntahan ulit iyong isang lugar. Kapag sa tao naman, nasasabik kang makasama ulit ang taong iyon. Nangungulila ka... Ganoon," paliwanag niya.
Tumango-tango si Aquano. "Gano'n pala iyon."
"So, nami-miss mo na ba ang Aquatika?"
Narinig niya ang paghinga ng malalim ni Aquano bago ito sumagot. "Oo naman. Sabi kasi nila, kapag hindi ka nagungulila sa tahanang iyong nilisan, nasa maling daan ka ng iyong buhay. Nami-miss ko na ang Aquatika, ang aking kaibigan na si Tabalon at ang aking Inang Reyna at Amang Hari..."
Gumapang ang kamay ni Andru at inabot niyon ang kamay ni Aquano na nakatuon sa bato. "Aquano, h-hanggang kailan ka dito sa lupa? H-hanggang kailan ka sa tabi ko?" Pakiramdam niya ay may bara sa lalamunan niya nang pakawalan niya ang mga tanong na iyon.
Sa gilid ng mga mata niya ay nakita niyang tiningnan siya ni Aquano ngunit hindi niya kayang salubungin ang mata nito. Nahihiya siyang makita nito ang namumuong luha sa kanyang mata. Halos dalawang gabi na rin kasi niyang iniisip ang mga bagay na kinatatakutan niya. Paano kung biglang umalis si Aquano? Kunin ito ng dagat? Paano kung magsawa na ito bilang tao at bumalik na sa tahanan nito? Ang daming tanong at takot na bigla na lang nabuo sa kanyang isipan.
"Bakit mo ako tinatanong ng ganiyan, Andru?" biglang sumeryoso ang tono ng boses ni Aquano.
"Aquano, 'wag na nating lokohin ang sarili natin. Magkaiba tayo ng mundo. Tao ako, sireno ka. Oo, may paa ka ngayon at nandiyan ka sa tabi ko pero hanggang kailan? Paano kung may mangyaring hindi natin inaasahan? Paano kung biglang may dumating na malaking alon at kunin ka?"
Hinawakan siya nito sa kanyang baba at iginiya nito ang mukha niya paharap dito. "Andru, importante pa ba kung gaano tayo katagal na magkasama? Basta, sa ngayon, ang importante ay sulitin natin ang bawat araw na tayo'y magkasama. Isipin natin na ang bawat araw ay maaaring huli na. Kung bigla man akong kunin ng dagat sa'yo, hindi tayo magsisisi na hindi natin nagawa ang mga dapat nating gawin! Kung maikli o matagal man ang panahon na tayo ay magkakasama, Andru, ay wala akong pakialam. Ang mahalaga ay nakasama kita, naging masaya tayo at naramdaman ko kung paano ang magmahal at ang mahalin..."
BINABASA MO ANG
Ang Asul Na Buntot ni Aquano
Fantasy(COMPLETED/ BOYXBOY STORY!) Si AQUANO ay isang sireno na nabibilang sa Unda-e o mga dugong bughaw sa Aquatika-- isang kaharian sa ilalim ng karagatan. Habang si ANDRU naman ay isang pasaway na lalaki kaya ipinadala siya sa probinsiya ng kanyang momm...