(7) You Make Me Smile

16 0 0
                                    

Nagigising na lamang ako ng laging nakangiti. Ni hindi ko nga maalala kung ano ang laman ng aking panaginip ngunit palaging napapansin ng aking mga kaibigan ang mga ngiti sa aking labi.

“Leo, ang ganda yata ng gising mo?” biro sa akin ni Dino.

Ang isa sa mga kaibigan ko. Sa halip na sagutin ko ito ay ngumiti na lamang ako. Marahan kong iniangat ang aking kamay at kumaway sa mga babaeng kanina pa tumitili sa aking kagwapuhan.

“Pre, anong himala at pinansin mo ang fans mo.” sabat naman ni Kiko. Ang isa ko pang kaibigan.

Ngunit tulad ng dati ay sinuklian ko na lang ng ngiti ang tanong nito. Nakita ko na lamang na napakamot ang mga ito ng ulo. Hindi ko rin alam kung bakit ganito na lamang ang sayang nadarama ko.

Hindi ko man maalala ay nararamdaman ko ang kakaibang saya na namumuo sa aking dibdib. Minsan nga ay napapailing na lamang ako.

“Una na ako,” paalam ko sa aking mga kaibigan.

May pasok pa kasi ako ng mga oras na iyon, samantalang bakante naman sila at hindi na ako magtataka kung kasama nila ang kanilang mga nobya.

Papasok pa lamang ako ng silid nang agad na nahagip ng aking mata ang isang babaeng nakaupo sa isang sulok. Hawak ang isang libro na sa tingin ko ay kanina niya pa binabasa. Napakaseryoso niya habang ginagawa ito, at paminsan minsan ay ngumingiti ang kanyang mga mata. Hindi ko mapigilang pagmasdan siya habang tinutunton ko ang aking upuan.

Ngayon ko lamang siya nakita. Nakangiti siya habang nakaharap sa kanyang libro, ni hindi ko malaman kung ano ang titulo nito. Bigla akong nakadama ng kaba ng magkatinginan ang aming mga mata, bumilis ang pagtibok ng aking puso, tila linamig ako kahit ang init ng panahon.

“Leonardo D. Vinci!”

Tawag sa pangalan ko na nagpaalis ng aming tinginan. “Na- na-rito po!” halos utal na sagot ko.

Narinig ko naman ang tahimik na hagikhikan ng aking mga kamag aral. Imbis na mainis ay natawa na lamang ako sa aking naging sagot. Inabangan ko na tawagin ang pangalan ng babaeng nagnakaw ng aking atensyon ngunit nakakapanlumo dahil hindi man lang ito natawag.

“Leo, sino ba ang tinitingnan mo diyan?” tanong sa akin ng aking katabing si Regina.

Nahahalata niya na siguro ang aking pagsulyap sulyap sa likod ng aming upuan. Nahihiya man ay sinabi ko sa kanyang ang totoo. Nakita ko ang pagkunot ng kanyang noo at tumingin sa likuran na kanina ko pa sinusulyapan.

“Wala naman ah.” Iritableng tugon nito.

“Tingnan mo kasi. Nakangiti siyang nakatingin dito.” Nakangiting sabi ko habang palihim na kinakawayan ang babaeng bumihag ng puso ko.

“Nakadrugs ka ba?” sarkastikong sabi ni Regina.

Hinayaan ko na lamang ito. Mamaya ko na lamang kakausapin ito dahil nagsimula ng magbigay ng exam ang aming guro.

Madali lang naman ang ibinigay na exam. Kahit hindi ako nakapag aral ay saulado ko naman at naiintindihan ang leksyon sa klase. Sa edad kong dalawampu ay napakatalas pa rin ng aking isipan. Matalino, gwapo at mayaman, iyang lahat ay tumutukoy sa akin. Mayaman ang aming pamilya ngunit kahit na ganun ay hindi pa rin lahat ng bagay ay inaasa ko sa kanila. May sarili akong pera, ang perang ginagamit ko upang makapag aral ako at mabuhay ng mag isa.

“Leo, tara na!” udyok sa akin nina Dino at Kiko na nasa pintuan ng aming silid.

Katatapos lamang ng aming exam at kalalabas lamang ng aming guro ng mga oras na iyon.

Pinagkakaguluhan sila ngayon ng aking mga kaklase kasama na si Regina. Hindi ko tipo ang gaya ni Regina, minsan na itong nagpakita ng motibo sa akin ngunit kinompronta ko na ito kaya naman ay hindi na ito nagpumilit pa na isiksik ang kanyang sarili sa akin. Ngunit minsan ay napapansin ko pa rin ang mga panakaw na tingin nito sa akin sa loob ng klase.

Inaayos ko na ang aking mga gamit at akmang aalis na ng maalala ko ang babaeng kanina lamang ay naging sentro ng atensyon ko. Ngunit laking gulat ko ng tanging libro nya na lamang ang nakita ko sa kanyang mesa. Dala ng kuryusidad ay tiningnan ko ito at napagtantong ang matagal ko ng hinahanap na libro ito. Kita ko kasi ang nakapangalan sa likod nito.

“Leo!” muling sigaw nina Dino na nagpaalis ng atensyon ko sa librong hawak ko.

“Pahiram muna.” Isang malamig na kamay ang dumampo sa aking balat. Nakita ko ang kanyang kamay habang marahang kinukuha ang diary na matagal ko ng hinahanap.

Nagkatitigan kami, mata sa mata. Tila tumigil ang oras ng mga sandaling iyon. Isang matamis na ngiti ang pinakawalan ng kanyang mapulang labi. Umihip ang hangin at tinangay nito ang ilang hibla ng kanyang buhok na tumatakip sa kanyang mukha. Kitang kita ko kung gaano kaamo at kaganda ng kanyang mapula pulang pisngi.

Napabitaw ako sa aking diary. Kusang gumalaw ang aking mga kamay at naeenganyong hinaplos ko ang kanyang mukha. Napapikit siya. Naramdaman ko ang malamig niyang balat sa aking palad, ang kanyang malambot na pisngi, ang kanyang matangos na ilong, ang kanyang mapupungay na mata. Inilapit ko ang aking mukha sa kanya. Kusang gumalaw ang aking mukha upang mapalapit ang aming mga labi. Napakalambot ng kanyang labi at sadyang napakatamis nito. Tinugon niya ang aking mga halik. Dama ko ang pag ibig dito. Pakiramdam ko ay nasa langit na ako at ayaw ko ng matapos ang mga sandaling iyon. Ngunit mali ako. Dahil tulad ng lahat ng kwento may katapusan pa rin na naghihintay dito.

“LEONARDO D. VINCI!”

Napabalikwas ako ng bangon. Kanina pa pala ako tinatawag ng aming guro. “Na- narito po!”

Isang panaginip lang pala. Ngunit sa aking mesa ay nakita ko. Ang diary na matagal ko ng hinahanap at sa huling pahina nito nakalagay ang litrato ng babaeng nagpatibok ng puso at nagpatigil ng mundo ko. Ngayon alam ko na kung ano ang nagpapangiti sa aking tuwing nagigising ako. Ang misteryosang babae sa bawat panaginip ko. Si Lisa. Ngunit Mona ang tawag ko sa kanya.

Tulad ng libro ang bawat pahina nito ay may katumbas na wakas.

Stories CompilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon