Kabanata 6

78K 3.6K 1.6K
                                    

Crush




"Hoy!" Halos mapatalon ako sa biglang pagsulpot ni Rafa sa gilid ko. "Tulala ka na naman. Ano na naman ang iniisip mo?" tanong niya bago sumipsip sa iniinom na fruit shake.

Napabuntong-hininga na lang ako nang maalala ang nangyari kahapon.

Mula sa lantad na katawan ni Sir Colton, sa nalanghap kong bango niya paglapit sa 'kin, ang mabilis na pagdampi ng kamay niya sa kamay ko, ang nag-aalab na mga mata niya, at ang galit niyang tinig.

Stay away.

Kinilabutan ako nang tila marinig ulit siyang magsalita. Lumayo raw ako sa kanya.

Sa galit at tila pandidiri niya nang makita ako ay naalala ko lang ang dahilan kung bakit ako umalis sa amin.Parang napakahirap para sa kanya ang tingnan ako. Ayoko nang makaperwisyo pa ng ibang tao kaya't mabuti pa nga siguro'y pangatawanan ko na lang ang maanghang na salita ni Sir Colton.

Hindi naman mahirap umiwas at huwag magpakita sa kanya. Tama. I just have to do my best to stay out of his radar to keep my job.

"Hi, Nari!"

Nawala ako sa iniisip nang batiin ni Jay, kasamahan namin sa trabaho. Malaki ang ngiti niya habang dumadaan sa table namin. Sinuklian ko naman iyon ng tipid na ngiti at nakita kong tinukso siya ng mga kasama niya bago makalampas sa amin.

Pumangalumbaba ako nang bumalik na naman ang iniisip kanina.

"Mabenta ka talaga sa mga katrabaho natin,'no?" biglang sabi ni Rafa habang nginunguya ang pagkain niya.

Napatingin ako sa kanya. "Ha?"

Inayos niya ang suot na salamin bago sumagot.

"'Ayun o, sina Jay, tingin pa rin nang tingin sa 'yo," natatawang sabi niya at ngumuso sa kabilang dako ng kainan.

Sinundan ko ang itinuturo niya ngunit iba ang nahagip ng tingin ko.

Iyong lalaking nakapulot ng ID ko noon.

Mag-isa lang siya sa lamesa habang kumakain. Nang maramdaman na may nakatingin sa kanya ay napalingon siya sa 'kin.

Nagulat ako at agad na umiwas ng tingin. Matapos ang ilang saglit ay sinubukan kong ibalik ang tingin sa kanya. Nanlaki ang mga mata ko nang maabutan siyang nakatingin pa rin, ngayon ay salubong na ang dalawang kilay at parang galit.

Binawi kong muli ang tingin sa kanya at napapikit nang mariin.

"Ba't gano'n, may galit ba sa 'kin 'yon?" mahinang bulong ko sa sarili na narinig pala ni Rafa.

Lumingon siya sa tinitingnan ko kanina.

"Ha? Sino?" medyo malakas na sambit niya.

Agad ko siyang hinawakan para bumalik sa pagkakaharap sa 'kin dahil nakahihiya.

"Sino sa kanila? Si Kier?"

"Kier?"

Tumango siya. "Hindi 'yan galit, masyado lang talagang seryoso sa buhay."

"Ah...bakit naman?" hindi ko maiwasang itanong.

Medyo sumingkit ang mga mata niya pero sumagot pa rin naman. "Ang alam ko, panganay kasi siya sa pitong magkakapatid. Patay na ang tatay niya at may sakit naman ang nanay niya, kaya siya na halos ang bumubuhay sa buong pamilya nila," sabi ni Rafa sabay kibit-balikat.

"Gano'n ba..." ang tanging nasabi ko.

"Marami pa nga raw ibang pinagkakaabalahan 'yan, eh. After ng duty niya rito sa resort, ang balita ko ay nangingisda pa 'yan at tumatanggap ng iba pang trabaho..."

Namamangha akong tumango nang dahan-dahan, hindi maiwasang tingnan ulit saglit ang lalaki.

"Bakit, crush mo?" mahinang bulong ni Rafa kaya't agad akong napalingon sa kanya pabalik.

Sunod-sunod na ilingang sagot ko habang nararamdaman ang pag-iinit ng pisngi ko.

Naalala ko bigla ang sinabi sa 'kin ni Kuya no'ng sixteenth birthday ko. Kahit dalaga na raw ako ay bawal pa 'kong magka-crush at magka-boyfriend. Saka na raw 'pag forty na 'ko.

"Yie, ikaw ah," nanunuksong dagdag ni Rafa at tila ayaw paniwalaan ang pag-iling ko.

Pinaalalahanan ko na lang siya ng oras at sinabing matatapos na ang lunch break para mailayo ang usapan.

Mapayapang lumipas ang mga sumunod na araw. May mga pagkakataong nagkukrus ang landas namin ni Sir Colton ngunit ginagawa ko ang best ko para umiwas.Sa ilang beses na nakasalubong namin siya habang naglalakad ay hindi ako nangahas na tumingin sa mga mata niya.

May isang pagkakataon din na papasok na sana ako sa elevator ngunit nang matanaw na naroon siya ay agad akong umatras at naghintay na lang ng kasunod.

Tuwing Sabado't Linggo ay talagang dagsa ang tao sa resort. Kaya naman halos buong araw rin puno ang clubhouse.

"Hoy, Nari, ikaw sa paglilinis ng tables ngayon, 'diba? Dalian mo, ang daming bagong customer na naghihintay," paasik na sabi sa 'kin ni Jen.

Tumango naman ako at agad na dinaluhan ang mga lamesang tapos nang kainan ng ibang customers. Hindi lang naman ako ang naka-assign sa gawain na 'to, pero sadyang abala lang talaga ngayon kaya hirap kami. Ramdam ko na ang pagod matapos linisin ang maraming lamesa, pero halos hindi maubos ang mga dumarating para mag-dine in.

"Miss, wala na bang ibibilis 'yan?" mataray na tanong ng Pinay na customer na naghihintay kasama ang pamilya niya.

Sunod-sunod ang pagpaparinig niya tungkol sa kabagalan ko. Halos maiyak na 'ko sa panic at kaba nang maramdaman ang isang pigura na tumabi sa gilid ko at mabilis na tumulong.

Tumingala ako at nakita ang seryosong mukha ni Kier. Tiningnan niya lang ako saglit at itinuloy ang ginagawa. Sa gilid ng mata ko ay nakita kong lalapit din sana si Andrew sa banda namin, ngunit pinigilan ito ni Rafa.

"Oh, oh,'wag ka nang umepal. Moment na 'yan ni Nari at ng crush niya, eh," walang prenong sabi nito.

Kahit hindi naman totoo ay halos gusto kong magpakain sa lupa dahil sa hiya. Hindi ako sigurado kung narinig iyon ni Kier pero dahil narinig ko, siguro ay narinig niya rin. Kaya't nang tingin ko'y ayos na ang nalinis ko'y agad akong umalis doon at nagtungo na sa kusina.

Bago pa man ako tuluyang makapasok ay narinig ko pang nagtanong ang nakasalubong na taga-serve.

"Oh, nasaan na si Sir Colton?"

Nakasimangot na sumagot si Jen. "Biglang umalis, eh."
























Grow with the Flow (Published under Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon