Eleven Years Ago
Isinandandal ni Cheryl ang bike sa puno bago lumakad papasok sa chapel. Kapahon pa niya iyon gustong pasyalan pero dahil pagod ay ipinagpabukas na niya. Bagong lipat pa lang sila sa subdivision, nakapaglipat na sila ng gamit at tapos nila ang pag-aayos ng mga iyon kahapon kaya wala na siyang gagawin.
Dati ay nakatira sila sa isang compound sa Manila, lote iyon ng Lola niya, bago sila lumipat sa Laguna. Sa Sta. Rosa nagtatrabaho ang ama kaya naisip nitong lumipat na sa bayang iyon habang bakasyon sila sa paaralan. Bukod sa magiging mas madali sa pagpasok sa trabaho, maunlad na bayan na rin naman ang Sta. Rosa at malapit din lang naman sa Maynila. At ang pinakamabigat na dahilan ay gusto nitong ipakita sa Lola niya na kaya naman silang buhayin nito nang marangal kaya nagpilit itong makabili ng sariling lote na malayo sa biyanan.
Maluwag at open air ang chapel, ang mga bintana ay grills lang ang harang at kurtina ang nagsisilbing tabing. Maraming puno sa paligid ng chapel. Ang plant box na nakabakod sa mga puno ay nagsisilbi ring upuan, bukod pa sa talagang mga concrete bench na nagkalat sa paligid.
Bukas ang pintuan ng chapel kaya pumasok siya, pinasadahan ng tingin ang kabuuan ng chapel. Matapos magsign of the cross ay lumapit siya sa isa sa mga haliging naroon at tiningnan ang nakasabit doon. Inukit mula sa kahoy ang Station of the Cross. Lumakad siya papunta sa unahan at ginantihan ang ngiti ng matandang nagwawalis malapit sa altar bago lumuhod para manalangin.
Matapos ang ilang minutong pananalangin ay tumayo na siya at humakbang palabas ng chapel. Sumakay siyang muli sa bike at saka tumawid sa kabilang bahagi ng kalsada para usisain ang playground sa Village Park. Kauupo pa lang niya sa swing ay may gumambala na kaagad sa kanya."Hi, Miss Beautiful."
Napatingin siya sa lalaki. Nang magsalubong ang tingin nila ay ngumiti ito, ngiting halata ang pagmamayabang sa mukha. May karapatan naman itong magmayabang dahil gwapo ito, yung nga lang, ayaw niya sa mga lalaking kung makaasta ay akala mo'y kung sino.
Tanda niya ito. Ito ang lalaking palabas na nakabangaan niya noong papasok siya sa fastfood store malapit sa main gate ng subdivision noong unang araw ng paglipat nila. Inutusan siya noon ng ina na bumili ng meryenda at pagpasok sa store ay nabangga niya ito dahil hindi nakatingin sa nilalakaran. Gayon pa man ay nagsorry siya dala ng kagandahang asal, pero matapos siyang titigan ay ngumisi ito. At ang sincerity ng paghingi niya ng pasensya ay napaltan ng inis nang kindatan siya at sabihan ng, "Pwede mo akong direktahin na type mo ako. Lumang trick na 'yan pambabangga para lang pagpapapansin sa akin, Miss Beautiful." Napamaang siya rito bago napailing saka niya ito tinalikuran.
"So we meet again, Miss Beautiful."
Kung nainis na siya dito noon, mas lalo ngayon. Ayaw niya sa mga lalaking kung makatingin ay wari'y hinuhubaran ang kaharap katulad ng pagtitig sa kanta ng lalaking ito.
Imbes na tumugon ay tumango lang siya. Iniatras niya ang swing, tumayo, saka tinalikuran ang lalaki. Pero hindi pa siya lubusang nakakatalikod ay muli siyang napaharap sa lalaki dahil sa paghablot nito sa kanyang braso.
"Nagpapahabol ka pa? Wag kang mag-alala Miss Beautiful, noong sinadya mo akong banggain para magpapansin sa akin, natypean na rin kita."
"Excuse me. Hindi ko sinadyang banggain ka," kunot-noong sagot niya.
"Pakipot ka pa. Maganda ka at hindi bagay sa iyong magsuplada. Alam mo na ba kung ano ang ginagawa ko sa mga suplada?" Nakangisi ito, muling pinasadahan ng tingin ang katawan niya. Naka jersey shorts siya, t-shirt at nakacap pa kaya hindi maunawaan ni Cheryl kung bakit napagdiskitahan siya ng lalaki gayong hindi naman revealing ang suot niya. "O baka naman tibo ka?"
BINABASA MO ANG
My Savory Love (COMPLETED)
RomanceLove Bites Trilogy - Book 2 "Kung wala kang problema, ako meron, at ikaw lang ang solusyon."