Chapter 9

1.3K 81 7
                                    

"NAMAN! BAKIT NGAYON KA PA NASIRA?"

Nakaupo siya sa tabi ng kalsada at pinipilit ikabit ang natanggal na kadena ng bike niya. May kaluwagan na iyon at ilang ulit na ring natanggal sa pagkakakabit, nasabi na niya sa ama na hapitan ang kadena, pero mukhang nalimutan na naman nito.
Dahil maagang nagising ay maaga siyang bumaba, inabutan niya ang ina na nagluluto sa kusina ng agahan nila. Nautusan siya ng ina na humanap ng bakery at bumili ng tinapay.

Makalipas ang nangyaring gulo dalawang araw na ang nakakalipas, ngayon lang ulit siya pinayagan ng mga magulang na lumabas. Kaya naman ng utusan siya ng ina kaninang umaga ay hindi na siya magdalawang isip. Inip na inip na siya sa loob ng bahay. Pero kung alam lang niya na kamalasan ang aabutan niya pag-alis, hindi na lang sana siya lumabas.

Marumi at madulas na ang kamay niya dahil sa grasa mula sa kadena. Wala naman siyang dalang kahit ano na pwedeng pagpunasan ng kamay. Limang minuto na ata siyang nakaupo roon.

"Hi! Anong nangyari?"

Ang pamilyara na mapupungay na mata ang unang napansin ni Cheryl nang lumingon siya. Hindi niya napansin ang paglapit nito. Masyadong buhos ang atensiyon niya sa inaayos na bike. Naka sando at kaparehang jersey shorts si Marson, may hawak na water bottle at bola sa kabilang kamay. Pawisan ito, may ilang hibla ng buhok ang nakadikit sa noo. May band-aid pa rin ito sa ibabaw ng kanang kilay.

Noong una niya itong nakita ay hindi niya masyadong napagtuunan ng pansin ang itsura nito. Marahil ay dala ng pinagsama-samang takot, shock at galit. Pero ngayong kaharap niyang muli ang lalaking nagligtas sa kanya ay hindi niya magawang ihiwalay ang paningin dito. Ang singkit na mga mata nito'y nangungusap. Ang ngiti sa mga labi nito'y waring nanghahalina. At sa murang puso ni Cheryl ay may kung anong emosyon na biglang naghari ang paghanga. Ito ang literal niyang knight in shining armor.

"Miss? Okay ka lang ba?" bahagyang kumunot ang noo nito pero hindi nawala ang ngiti sa mga labi.

"Natanggal ang kadena, hindi ko maibalik," aniya, muli niyang nilingon ang bike. Kanina ay gusto na niyang tumayo dahil nangangawit na ang mga binti niya. Pero ngayon, sa wari ni Cheryl ay nawalan ng lakas ang mga binti niya.

"Ah, tulungan na kita," alok nito. Ipinatong ang bote ng tubig at ang bola sa kalsada at tiningnan ang bike niya.

"Wag na, marurumihan lang ang kamay mo. Aakayin ko na lang yan."

"Mabilis lang naman itong gawin, at saka pwede naman akong maghugas ng kamay pagkatapos," anito bago tuluyang niyuko ang kanyang bike. Napatitig lang siya sa lalaki. Mabilis at tiyak ang kilos nito. Saglit nga lang ay naikabit na ni Marson ang kadena noon.

"Salamat."

"Walang ano man..." nakangiting sagot nito. Nang ngumiti ang lalaki ay lalong naging singkit ang mga mata nito. At sa hindi niya mawariang dahilan ay parang may kung anong hatid na kiliti sa puso ni Cheryl ang ngiting iyon ng binata. Ngunit makalipas ang ilang sandali ay nakaramdam siya ng ilang dahil sa paraan ng pagtingin ng lalaki na wari ba'y may kung anong inaantay na sabihin niya.

"Ahm. Hindi lang ako sa pagtulong mo ngayon nagpapasalamat. Pati doon sa tulong mo noong makalawa."

"Kahit sino'y gagawin iyon."

Nanatiling nakatitig si Cheryl sa mukha ng lalaki. Naakit siya sa singkit na mga mata nito, sa paraan ng pagkakangiti ng lalaki sa kanya.

"Miss?"

"Ah. Magtatanong na rin sana ako kung saan may bakery dito." Ramdam niya ang pamumula ng mukha pero hindi naman niya maiiwas ang tingin sa lalaki.

My Savory Love (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon