Chapter 6

1.6K 94 51
                                    

"So, formal na ang break-up n’yo?" anito makalipas ang ilang minutong pagbibiyahe nang tahimik.

Nakarating sila sa expressway ng walang nagbubukas ng usapan. Hindi magawang magsalita ni Cheryl dahil hanggang ngayon ay kinukuwestiyon niya ang sarili kung paano siyang napapayag ng binata.

Napalingon siya sa kay Marson. "Ha?"

"Nakita ko kayong magkausap noong ex-boyfriend mo last night," sabi nito, ang tingin ay nanatili sa kalsada.

Ikinabigla niya iyon. Madalang ang costumer sa restaurant na iyon kaya doon sila pumunta ni Mike para makapag-usap nang masinsinan. Ilang araw siyang kinukulit nito na makipagkita. Ayaw niya noong una, pero naisip niya na para sa ikatatahimik ng lahat, nararapat nga lang na tapusin sa maayos na paraan ang kung ano mang namagitan sa kanila. After all, naniniwala siyang ang kapatawaran ay mas makatutulong sa taong nagpatawad. Mas madali ang pagmomove-on niya kung wala siyang dinadalang galit at what ifs.

"Hindi ko napansin na naroon ka," sa halip ay sagot niya.

"Nauna kayong damating, kasunod n'yo lang halos kami," anito. "Mukhang seryoso ang pinag-usapan n'yo. Pero base sa bukas ng mukha n’ya nung tumayo ka at umalis na diretso lang ang tingin at walang lingon-likod, alam ko, tapos na talaga ang lahat sa inyo."

Humingi ng tawad sa kanya si Mike, at inamin nito na kaya siya niligawan ay dahil sa gusto nitong matanggal ang hinala ng ama nito na Dean sa isang kilalang unibersidad. Nawala lang ang hinala sa tunay na pagkatao nito nang maging sila. Nakikiusap ito sa kanya na kung pwede ay ilihim muna niya ang nalaman tungkol sa pagkatao nito. Magtatapat naman daw ito, humahanap lang ng tamang tiyempo.

Maayos silang naghiwalay pero hindi siya pumayag na magpagamit pa rito. Hindi siya magsasalita, pero gusto niyang malaman ng lahat na wala na siyang koneksyon dito.

Hindi umimik si Cheryl, sa halip ay ibinaling niya ang paningin sa labas ng bintana.

"Nag-agahan ka na ba?" tanong nito sa kanya makalipas ang ilang sandali.

"Oo," Bigla siyang napatingin sa binata. "Ikaw ba?"

"Oo, pero may kailangan lang akong tawagan. Pwede bang tumigil muna tayo sandali sa gasolinahan?"

"Sure."

Matapos iparada ang sasakyan ay bumaba ito. Habang may kausap ito sa labas ng kotse ay hindi niya maiwasang titigan ang lalaki. Mula pagsakay hanggang ngayon ay hindi pa rin nabagal ang tibok ng puso niya. Nakagat ni Cheryl ang labi, huminga siya ng malalim. Alam niyang hindi siya dapat sumama rito, pero hindi niya alam kung ano ang nagyari at bakit isang tingin lang ay napahinuhod siya ng binata.

Pero ang isang bahagi ng isip niya ay bumubulong, nanunudyo, ipanababatid na alam naman niya ang totoo kung bakit hanggang ngayon ay hindi nagbago ang epekto ni Marson sa kanya. Pero kasabay ng panunudyong iyon ay ang pagbalik ng lahat ng alaala ng kabataan niya. Ang unang pag-ibig, ang unang sakit na dinanas ng kanyang puso.

“Diyan mo na lang ako sa terminal sa Alabang ihatid,” ani Cheryl nang bumalik ito. Imbes na sumagot ay muli lang nitong pinaandar ang sasakyan.

"Ikaw ba ang kukuha ng paninda ng nanay mo?"

"Oo." Hindi na siya nagtaka kung bakit alam ng binata ang tungkol doon. Regular customer ng nanay niya si Nanay Millie. Ang totoo, kasama ang order nitong kurtina sa mga pipick-upin niya.

"Sasamahan na muna kita kung gan'on."

Napalingon siyang muli sa binata, "Hindi ba't may lakad ka?"

"Hindi natuloy," balewalang sagot nito.

Bigla siyang nakaramdam ng hiya. Kung hindi natuloy ang lakad ng binata, sa makatuwid ay naaabala na niya itong talaga, "Hindi na. Kaya ko naman. Ibaba mo na lang ako sa terminal ng bus d’yan sa Alabang."

"Hindi man natuloy ang original na lakad mo, may pumalit naman doon, at iyon ay ang samahan ka," anito, ang seryosong tinig ng binata ay sapat na para mapigil ang ano mang protestang sasabihin sana niya. Hindi na siya nagsalita. Muli na lang niyang inabala ang sarili sa pagtingin sa labas ng kotse.

“Cheryl Lei,” nahingit niya ang hininga nang marinig ang boses nito. May masarap na kilabot na nanulay sa likod niya ng tawagin siya ng binata. Ang puso niyang hind pa nga nakakapahinga sa mabilis na pagtibok ay muli na namang tumibok na para siyang nasa karera. “I know I might appear over-eager, but heak, I really am. Nasabi ko na sa iyong manliligaw ulit ako, di ba? Palagay ko’y hindi mo ako sineryoso noong una. Uulitin ko lang ang intensiyon ko. Seryoso ako doon. Liligawan ulit kita.”

Hindi siya sumagot. Hindi niya alam kung handa na ba ang kanyang puso. Nakagat niya ang dila, pumikit siya at sumandal sa headrest.  Mabuti na lang at nakaupo siya dahil alam niya na kung nakatayo siya, tiyak hindi niya kakayanin ang deklarasyon ng binata.

“Che...”

Bumuntong-hininga muna si Cheryl bago nagmulat ng mata at tumingin kay Marson, “Hindi pa ako handang muling magtiwala, Marson. Masyadong komplikado ang sitwasyon ko ngayon para sa gusto mong mangyari.”

“Nauunawaan ko, Che. Pero kahit hindi ka pa handang magtiwala, hindi ko rin kayang hindi gumawa ng aksyon. Alam kong nasasaktan ka ngayon kaya gusto kong maging tulay para sumaya ka ulit.”

May mapait na ngiting gumuhit sa labi niya. Kung alam lang ni Marson na hindi naman talaga ang nagyari sa kanila ni Mike ang dahilan ng pagdududa niya. Mas nangingibabaw na dahilan ang sakit ng paglalaro nito sa damdamin niya noon.

“Hindi pa ako handang makipaglapit sa kahit kaninong lalaki. Hindi katulad ng ibang taong kilala ko na walang ginawa kundi paglaruan ang damdamin ng iba, ako, ngayon pa lang sinasabi ko na na wag kang umasa.”

“Hindi ako umaasa, Che, dahil gagawin ko ang lahat para mabalik yung dating tayo, yung dating saya nang pagsasama natin.”

Isinandal ni Cheryl ang ulo sa headrest at saka muling pumikit. Kung gagawin nito ang lahat para maibalik ang dating sila, ibig sabihin, hanggang ngayon, dapat siyang mag-ingat dahil mukhang hindi matanggap ng ego nito sa may isang babaeng hindi nito napasagot noon. “Walang tayo noon, Marson. At malabo ring maibalik pa ang kahapon.”

“Kung hindi maibabalik, dudugtungan ko.”

Kinagat na lang niya ang labi at ibinaling ang mukha sa labas ng bintana. Namali nga talaga siya sa pagsabay sa binata.

************************

Author's Note:

Please watch out sa kasunod na kwento ng story na ito. Trilogy po ito.

Ang kasunod na kwento ay:

SPICY SIZZLING LOVE (Book 3) - Sherwin and Aileen

Posted at completed na po ang Book 1 - My Sweet Surrender

You can also follow me on my Facebook Page:

DEANDRA PAIGE

My Savory Love (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon