TALA ISA

128 54 67
                                    


Crystala's PoV

"Tagu-taguan ,
Maliwanag ang buwan,
Masarap magmahal
pag hindi iniwan,
Pagbilang Kong tatlo---"

Nasa kalagitnaan ako ng aking pag-awit nang bigla akong tawagin ng aking paboritong tala.

"Mahal na Diyosa, ipinapatawag po kayo ng konseho sa bulwagan para sa isang pagpupulong." napangiti naman ako sa pagkamahinhin niya.

"Mauna ka na muna, susunod na ako" muli siyang nagbigay galang at akoy nilisan.

Humarap ako sa aking salamin at pinagmasdan ang sarili. Matagal tagal narin ng huli kong bigyang pansin ang aking panlabas na kaanyuan.

Marami na palang nagbago sa akin, hindi ko namalayang ang maigsi kong buhok ay abot bewang na pala, Ang maliit kong ilong na pinipisil pisil ko pa noon para tumangos ay matangos na talaga.

Ang kutis ko'y tunay ngang maputi na.

Ngunit ang pinakapaborito ko talagang parte ng aking katawan ay ang aking mata. Lubos talaga akong namamangha sa kulay ng mga ito, kulay ng mga matang hindi pangkaraniwan sa tao maging sa mga Diyos at Diyosa dito.

Oo nga pala Diyosa ako ng buwan kaya kulay abo ang aking mga mata at tuwing hating gabi, sa pagkinang ng buwan ay ang pagkinang rin ng aking mga mata.

Mas inilapit ko ang aking muka sa salamin.

Mula sa repleksyon ng aking mga mata sa salamin ay kitang kita ko ang mapula kong labi.

Bumuntong hininga ako at tumalikod, malamang ay naghihintay na ang konseho. Lumabas na ako ng aking silid at nagtungo sa bulwagan.

Habang naglalakad ako ay may narinig akong mahinang kaluskos na nanggagaling sa halamanan. Hayop ba iyon? Imposible naman yata iyon dahil mahigpit na ipinagbabawal ang hayop sa loob ng bulwagan.

Ipinagsawalang bahala ko na lamang ito at nagpatuloy sa paglalakad.

Napansin kong kumpleto na ang mga Diyos na magtitipon sa bulwagan. Ako na lamang yata ang hinihintay nila. Nginitian ko lahat ng naroon at nagbigay galang sa kanila. Sa katunayan ay labag sa loob ko ang pagpunta sa mga pagpupulong, mas nanaisin ko pang magkulong sa aking silid at kumanta magdamag.

Ngunit iba ang pakiramdam ko sa paligid. May ilang presensya akong hindi nakikilala at sigurado akong Diyos din sila ngunit sa ibang kaharian.

Nakuha ang aking buong atensyon. Ano kayang dahilan at may biglang pagpupulong ang isinagawa? Marahil ay napakaimportante nito dahil miski mga Diyos mula sa ibang kaharian ay nagsidayo.

Sa kabilang dulo ng bulwagan ay nakita ko si Gemini, Ang Diyosa ng araw. Kinawayan nya ako ng akoy makita, nilapitan ko naman siya.

"Alam mo ba ang rason ng pagpupulong na ito?" Tanong ko.

"Hindi ko rin batid Crystala. Nagulat rin ako at akoy naipatawag." Si Gemini ay aking kaibigan mula sa ibang kaharian. Marahil nga ngayon ay iniisip din nya kung para saan itong napakalaking pagpupulong.

Crescent (Ongoing)Where stories live. Discover now