Chapter Nine

438 17 2
                                    

KINABUKASAN ay maagang nagising si Eena dahil balak niyang magsimba at mag-relax. Matagal-tagal na din nang huli siyang lumabas na mag-isa lang siya. Gusto naman niyang pagbigyan ang sarili na mag-unwind nang walang kahit na sinong aali-aligid sa kanya. O walang kahit na anong iniisip.

Pagpasok niya sa dining hall ay naabutan niyang kumakain ng agahan ang mga magulang. Binati lang niya ang mga ito bago dumeretso sa kusina. Nakaugalian na niyang sa kusina kumain ng agahan kasama ang mga kasambahay. Mas kumportable pa siya kasama ang mga ito kaysa makasabay ang sariling mga magulang. Parang hangin lang siya sa mga ito dahil ni hindi man lang siya tinatanong ng kahit na anong may kinalaman sa araw o kahit sa paga-aral niya.

"Maria Noreena Sharmaine, sit down. Dito ka kumain at huwag diyan sa kusina." malamig ang tinig na utos ng kanyang ama na nagpatigil sa kanya sa paglalakad.

Tahimik siyang naglakad palapit sa mesa at umupo sa kabilang dulo, malayo sa mga magulang. Agad naman siyang pinaghain ng isang kawaksi. Tahimik na siyang nagsimulang kumain. Kailangan niyang bilisan dahil mas gusto niyang umalis ng maaga. Para matahimik na ang buhay niya.

"Until when are you going to do this, lady? Nagre-rebelde ka ba?" mayamaya ay tanong ng kanyang ina dahilan para matigil siya sa pagkain. Binalingan niya ang mga ito.

"Hindi ko po alam kung ano po ang ibig n'yong sabihin pero hindi po ako nagre-rebelde." magalang na sagot niya. Wala siyang ideya kung ano ang gustong i-punto ng mga magulang. Nakahanap na naman ba ang mga ito ng butas na isisisi sa kanya... kahit hindi naman niya ginagawa?

"Yes, you are. Ni hindi ka na namin halos makita dito sa bahay dahil palagi ka na lang nasa labas. Kasama ang kung sino-sino. Hindi ba't sinabihan na kitang itigil na iyang pagsasayaw mo? Wala ka namang mapapala diyan. Hindi mo ikauunlad iyan, Eena."

Parang may kung anong pumitik sa sentido niya pero nagpigil siya. Masyado pang maaga para makipagtalo sa mga magulang niya. Hindi niya sasalubungin ang galit o sama ng loob ng mga ito kahit na kung tutuusin, mas madami siyang dapat na isumbat sa mga ito.

Patience, Eena. Patience. paulit-ulit na aniya sa isip.

"Ano ba ang mayroon sa pagsasayaw na iyan na ikinawiwili mo? Natutulad ka sa Tita Belle mo. Kung hindi pa nakinig iyang tiyahin mo sa'kin, hindi pa niya ititigil ang kalokohang iyan. Tingnan mo siya ngayon, sikat na designer na sa New York. Kaya kung ako sa'yo, ayusin mo iyang buhay mo. Gusto mong maging proud kami sa'yo pero kung ano-anong kalokohan ang ginagawa mo sa sarili mo." litanya pa ng kanyang ama.

"Maybe you stick to that trash because you want to catch our attention. Kung noon, pinababayaan ka lang namin, iba na ngayon. Ga-graduate ka na in less than two months. Tutukan mo ang paghahanap ng trabaho sa New York, sa pagtulong sa lolo't lola mo pati sa Tita mo. Quit dancing."

Huminga ng malalim si Eena bago kalmadong hinarap ang mga magulang. "I didn't pursue dancing just to spite you. Mahal ko po ang pagsasayaw at kung talagang kilala n'yo ako, dapat ay alam n'yo iyon." tumawa siya ng mapakla. "Well, ano po ba ang alam n'yo tungkol sa'kin? At kailan pa po ba kayo nagkaroon ng pakialam sa mga ginagawa ko?" Hindi niya napigilan ang pagiging sarcastic. Parang lahat ng hinanakit niya sa mga magulang ay gusto nang lumabas sa sistema niya.

"How dare you talk to us like that, Noreena Sharmaine? We're still your parents. Hindi ka na marunong gumalang ngayon. Ganyan ba ang itinuturo sa'yo ng mga taong nakakasalamuha mo sa eskuwelahan? Ang mambastos ng nakatatanda sa'yo? At mga magulang mo pa?" padarag na tumayo ang kanyang ama at lumapit sa kanya. Nanlilisik ang mga mata nito sa galit.

Love Revolution 9: Eena, The Free-Spirited Fairy [Published under PHR](Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon