SA HINDI na mabilang na pagkakataon ay muling nag-ring ang cellphone ni Eena. Napangiwi siya bago isinukbit sa balikat ang kanyang back pack. Hinila naman niya ang maliit na maleta 'tsaka basta na lang hinablot ang aparato at pinindot ang answer button.
"Chase, sandali lang. Pababa na ako. Sorry, na-late ako ng gising." nagmamadali siyang lumabas ng silid at pababa ng hagdan. Ngayon ang araw ng pag-alis nila papuntang Singapore. Sinabi ni Chase na susunduin siya nito para hindi na siya mahirapan. Sa kotse naman sila ni Tyler sasakay.
"Ano ba kasi ang ginawa mo at mukhang napuyat ka?" tanong nito. Wala namang pagkainis sa tinig nito, pagtataka lang.
"Nothing important. Sige na, palabas na ako." aniya bago pinindot ang end button. Agad niyang nakita ang binata na sinalubong siya paglabas ng gate. Nakadungaw sa sasakyan si Jazza na siyang nakaupo sa passenger's seat.
"Let's go, bago pa tayo ma-late sa call time." anito.
Agad na silang sumakay ni Chase sa backseat kung saan nakaupo din si Tyler. Ang nakatatandang kapatid ni Jazza na si Jerome ang nagmamaneho. Sa bahay kasi muna ng dalaga ipaparada ang sasakyan ng binata habang wala ito sa bansa.
"Basta, iyong bilin ko sa inyo. Galingan n'yo sa finals. Manonood kaming lahat dito, maghahakot ako para mas madami kayong moral support." sabi ni Kuya Jerome.
"Kuya, sa tingin mo ba hindi namin mauuwi ang gold medal? Tiwala lang, kayang-kaya namin iyon." kumpiyansang sagot naman ni Jazza.
Pumalatak si Tyler. "Kaya mahal na mahal kita, ang taas ng fighting spirit mo eh." natatawang anito sa nobya.
"Suwerte mo."
Napailing-iling na lang si Eena habang nakikinig sa pagpapayabangan ng magkasintahan. Hindi naman na bago sa kanya ang mga ganoong eksena sa pagitan ng dalawa.
Napalingon lang siya kay Chase nang maramdaman ang paghawak nito sa kamay niya. Pinaglingkis nito ang mga daliri nila. Nandoon pa din ang pagre-react ng puso maging ng buong sistema niya pero nasanay na lang din siya. Sa nakalipas na dalawang araw, mas lalong naging clingy at sweet si Chase sa kanya.
Syempre, natutuwa at kinikilig ang puso niya. Kung sana ay may lakas ng loob lang siyang aminin ang nararamdaman niya para dito, ginawa na niya. Baka kasi binibigyan lang niya ng ibang kahulugan ang mga ginagawa nito para sa kanya. Mahirap ang masaktan, baka hindi na niya kayanin.
Kaya hinayaan na lang niya ito. Sumandal na lang siya sa balikat nito at tumanaw sa labas ng bintana. Maku-kuntento na siya sa mga ganoong moments nilang dalawa. Kahit walang label, kahit walang ibig sabihin para sa binata ay ayos lang. Basta siya, masaya at kuntento... at nagmamahal.
SA MARINA Bay Sands Hotel tumuloy ang buong HID kasama si Miss Aurora. Doon mananatili ang lahat ng grupong kasali sa finals ng Sketchers International Dance Competition. Agad silang naghiwa-hiwalay para pumunta sa kanya-kanyang silid.
"So, how are you? Hindi ka man lang ba binigyan ng good luck ng parents mo bago ka umalis?" tanong ni Sangmi habang naga-ayos sila ng mga gamit.
Nakangiting umiling siya. Hindi naman siya umaasang ihahatid siya ng mga magulang o palalakasin ng mga ito ang loob niya bago siya umalis. Tama nang alam ng mga ito ang pagpunta niya sa ibang bansa. At sisiguraduhin niyang uuwi siyang dala ang medalya ng pagkapanalo para ipagmalaki sa mga ito.
"It's okay, Eena. Nandito naman kami, mahal ka namin. Maaasahan mo kami kahit na anong oras. 'Wag ka na ulit magtatago ng sekreto sa'min kundi talagang magagalit na kami sa'yo." mahinahong wika ni Nerii.
BINABASA MO ANG
Love Revolution 9: Eena, The Free-Spirited Fairy [Published under PHR](Complete)
RomanceLife is so wonderful especially when you spend it with the people who truly loves you. SI EENA ang huling babaeng magugustuhan ni Chase. Iyon ang pinaniniwalaan niya at itinatak sa isip. Dahil alam niyang sasakit lang ang ulo niya kapag ito ang pini...