Chapter Ten

494 16 2
                                    

NAIKUYOM ni Chase ang mga kamay sa tagpong nadatnan. Agad siyang dumeretso sa ospital na sinabi ni Miss Aurora dahil gusto niyang makita si Eena. Madamayan ito sa kung ano man ang problemang pinagdadaanan nito.

Ngunit mukhang hindi na nito kailangan ng tulong niya dahil may iba nang dumadamay sa dalaga. At pakiramdam ni Chase nang mga sandaling iyon ay minamaso ang puso niya. Ngayong tinanggap na niya ang nararamdaman para sa dalaga, hindi na siya malilito kung ano ang dahilan ng pagkainis at pagkabugnot niya kapag may kasamang ibang lalaki si Eena. O kahit may kinakausap o nginingitian lang itong ibang lalaki maliban sa mga kaibigan nila. Dahil nagseselos siya. Ang gusto niya ay sa kanya lang ang lahat ng atensiyon nito. Siya lang ang ngingitian nito, ang kakausapin nito, ang kakailanganin nito, ang palaging kasama nito.

Selfish siya. Clingy siya. Wala siyang pakialam. Nagmamahal siya. Pero paano niya maipaparamdam dito iyon kung may dumadamay na ditong iba?

"Bakit nandiyan ka sa labas? Ayaw mong pumasok?"

Pilit na kinalma ni Chase ang nararamdaman. Huminga siya ng malalim 'tsaka hinarap ang nagsalita. Nabungaran niya ang salubong ang mga kilay na si Tita Belle. "Good afternoon po, Tita." bati niya dito.

Lumapit ito sa kanya at ginulo ang buhok niya. "Pumasok ka na sa loob, siguradong matutuwa si Eena kapag nakita ka." agad nitong binuksan ang pinto at nauna nang pumasok. Wala na siyang nagawa kundi ang sumunod dito.

Halos sabay pang bumaling sa kanila sina Eena at Ross. Halatang nagulat ang dalaga nang tumutok sa kanya ang mga mata nito. "Chase, anong ginagawa mo dito?" tanong nito sa inaantok na tinig. Mukhang kagigising lang nito.

Tumikhim siya bago sumagot. "I'm just checking on you." Sandali siyang sumulyap kay Ross bago ibinalik ang tingin kay Eena. "Nasabi na kasi sa'min ni Miss Aurora ang nangyari sa'yo. Papunta na din siguro iyong iba dito." Nararamdaman niya ang panghihina ng mga tuhod niya kaya kumapit siya sa sandalan ng upuan ng dalaga.

Nagsalubong ang mga kilay nito at agad na tumayo. "Are you okay?" pagkatapos ay hinawakan siya nito at inalalayang makaupo. Agad naman siyang nagpatianod habang sunod-sunod ang lihim niyang paghugot ng hininga. He can't contain the feelings raging inside his body. Kung wala lang silang kasama sa silid na iyon, baka niyakap na niya ito ng mahigpit at nagtapat ng kung ano man ang nararamdaman niya para sa dito.

"Eena, aalis na muna ako. Babalik na lang ulit ako." mayamaya ay paalam ni Ross. Hindi niya ito nililingon dahil ayaw niyang makita nitong apektado siya sa presensiya nito sa silid na iyon. Lalaki din ito, siguradong malalaman at malalaman nito ang pinagdadaanan niya. Ayaw niyang malaman ni Eena sa ibang tao kung ano man ang nararamdaman niya para dito.

"Ihahatid na muna kita sa labas." anang dalaga pagkatapos ay humakbang na palapit sa lalaki ngunit maagap niya itong hinawakan sa kamay.

"Dito ka na lang." halos pabulong na aniya. Sa pandinig niya ay lumalabas na nagmamakaawa siyang huwag itong sasama kay Ross. Sana lang ay hindi nito napansin iyon dahil napaka-pathetic ng tingin niya sa sarili niya nang mga sandaling iyon.

Halatang hindi nagustuhan ng dalaga ang ginawa niya. Akmang magsasalita ito ngunit naunahan ito ni Ross. "It's okay, Eena. Dito ka na lang, mukhang hindi maganda ang pakiramdam ni Chase." anang binata.

"Ako na lang ang maghahatid sa'yo sa labas, hijo." prisinta naman ni Tita Belle. Tahimik nang lumabas ang dalawa sa silid.

"Anong problema mo, Chase?" naiinis na tanong ni Eena sa kanya. Pinilit nitong bawiin ang kamay na hawak niya pagkatapos ay umupo sa binakanteng upuan ni Ross.

Love Revolution 9: Eena, The Free-Spirited Fairy [Published under PHR](Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon