HINDI alam ni Chase kung bakit apektado siya sa kasalukuyang nangyayari sa pagitan nila ni Eena. Hindi siya nakakapag-focus sa trabaho, sa paga-aral at kahit sa pagmi-mix ng kanta para sa finals ng Sketchers ay hindi niya maituon ng maayos ang utak niya.
Dalawang linggo na din ang nakararaan nang mangyari ang pagsasagutan nila ng dalaga. Pagkatapos niyon ay hindi na niya ito pinansin. Iniwasan na niya ito at mas pinipiling kasama ang mga kaibigang lalaki. Bakit niya ginagawa iyon? Para mailayo ang sarili sa kung ano mang komplikadong nararamdaman niya para sa dalaga. Na kung ano man ang nararamdaman niya para dito, masupil na agad dahil alam din naman niyang walang mapupuntahang maganda iyon.
Pero mula nang mag-desisyon siyang iwasan ito ay lalo namang tila pinagku-krus ang mga landas nila. Madalas niya itong makasalubong sa kahit saang lugar. At sa tuwing mangyayari iyon, nakikita niya kung paano siyang tingnan lang ng dalaga pagkatapos ay dere-deretso na ulit itong maglalakad palayo. Palayo sa kanya.
Madalas na din itong nag-iisa. Sumasama lang ito sa barkada kapag may practice, may meeting, may biglaang kain sa labas at kapag nagre-review. At hindi maitago ni Chase ang pagkabalisa sa inaakto ng dalaga. Na para bang may pinagdadaanan ito at ayaw lang sabihin sa kanila.
Kaya gustuhin man niyang patuloy na iwasan si Eena ay hindi na niya magawa. Dahil mas nananaig ang paga-alala niya para dito kaysa sa kung ano mang nararamdaman niya na kailangan niyang supilin.
"CC, nakita mo si Eena?" tanong niya sa dalaga na naabutan sa cabin. Abala ito sa kung ano mang tinitingnan sa cellphone.
Bumaling naman ito sa kanya at umiling. "Hindi eh. Dalawang araw ko na nga siyang hindi nakikita sa kahit anong sulok ng greenhouse. Baka busy lang iyon sa kung ano-anong bagay." sagot naman nito.
"Kayo ang madalas magkasama, hindi ba? Bakit hindi mo alam kung nasa'n siya?" singit naman ng kalalabas lang sa dance studio na si Sangmi. Kasunod nito ang nobyong si Moose at ang magkasintahang Sean at Iane.
Hindi siya nakasagot sa tanong na iyon. Napakamot na lang siya sa batok at nag-iwas ng tingin. Walang alam ang mga kaibigan sa kung ano mang namamagitan sa kanila ni Eena.
Bakit, may namamagitan ba sa inyo? Magkaibigan lang kayo, 'di ba?
"Tawagan mo na lang o kaya i-text mo. Baka nga busy lang iyon. Pahinga naman kasi tayo ng isang buong linggo bago bumalik sa practice. O baka nagre-review lang iyon para sa final exams natin next week." ani Iane. Umupo ito sa tabi ni CC at nakiusyoso sa kung ano man ang pinagkakaabalahan ng kaibigan nila.
Nagkibit-balikat na lang siya at nagpaalam na sa mga ito bago lumabas ng cabin. Paano siya makakapag-focus sa mga kailangan niyang gawin kung gayong inookupa ni Eena ang isip niya sa halos buong maghapon? Anong mahika ba ang ginamit nito sa kanya at ganoon na lang siya kadaling naging attached dito? At bakit ba apektado siya kung hindi man sila mag-usap o magpansinan?
Ganoon ba niya ito kagusto para mabaliw siya ng ganoon?
Napaigtad si Chase nang maramdaman ang biglang pag-akbay sa kanya ng kung sino. Nalingunan niya ang seryoso ngunit kumikislap sa kaaliwang mga mata ng kaibigang si Red.
"You know what? You don't have to hold it in, Chase. Normal lang sa isang tao ang mag-alala sa mga taong mahalaga sa kanya. Normal lang din sa mga kabataang katulad natin ang magkagusto sa opposite sex. Kung gusto mo si Eena, walang pumipigil sa'yo. At walang masama do'n, pareho naman kayong single. Kaysa ganyang para kayong mga bata na nagtataguan, mag-aminan na lang kayo. Mukhang pareho naman kayo ng nararamdaman." Tinapik nito ang balikat niya at ginulo ang buhok niya bago siya tinalikuran at muling bumalik sa cabin.
BINABASA MO ANG
Love Revolution 9: Eena, The Free-Spirited Fairy [Published under PHR](Complete)
RomanceLife is so wonderful especially when you spend it with the people who truly loves you. SI EENA ang huling babaeng magugustuhan ni Chase. Iyon ang pinaniniwalaan niya at itinatak sa isip. Dahil alam niyang sasakit lang ang ulo niya kapag ito ang pini...