[Lily's POV]
"Ah Lily, magbihis ka. Pupunta tayo sa langit." sabi ni Throne sa akin. Nanlaki ang aking mga mata. Langit?!
"Ano pang ginagawa mo? Kilos na." Nagmadali ako papasok ng kwarto ko at naghanap ng damit. May dress, dress at dress. Wala na bang iba?
Dahil wala na rin namang pagpipilian, pinili ko nalang suotin ang kulay blue na abot sa tuhod kong dress. Simple lang ito pero maganda. Iniayos ko ang aking buhok at itinirintas sa isa.
Pagdating ko sa salas ay nandun si Throne pero iba na ang kasuotan. Kulay puti na may disenyong dragong kulay asul at may mga mamahaling bato na itinahi sa mata nito. Ang tela ay halatang makapal ngunit malambot. May mahaba itong manggas at ang laylayan nito ay abot hanggang sahig.
Lalo siyang naging gwapo sa kaniyang kasuotan ngunit may awtoridad at mahahalatang isa siyang nilalang na di mo pwedeng banggain.
Nang makita ako nito ay agad itong ngumiti ngunit nang makita niya ang aking kasuotan ay napailing nalang ito.
"Mahahalata nila na tao ka sa suot mong 'yan."
"E tao naman talaga ako ah."
"Sa tingin mo papayag sila na may tao sa palasyo? Kapag nandun na tayo, ikaw na si diwatang Lily ng kaharian sa silangang karagatan."
"Pero—" nanlamig ang aming pakiramdam na parang may tubig na dumadaloy dito mula ulo hanggang paa.
Napapikit ako sandali dahil sa sarap nito sa pakiramdam at pagkamulat ko ay iba na ang aking kasuotan.
Ang palda ko na hanggang tuhod ay humaba na umaabot sa sahig. Maraming tela rin ang nasa panloob nito na kita kapag naglalakad. Nagkaroon ng mahabang mangas na maluwag at medyo lagpas sa aking kamay.
Nagkaroon ng porselas ang kanan at kaliwang kong braso na mayroong mga mamahaling bato. Ang buhok ko ay di nagbago ang pagkakaayos pero nagkaroon ito ng hairpin na gawa sa ginto.
"Mukha na akong prinsesa!" sambit ko ng makita ko ang repleksyon ko sa salamin.
"Yakapin mo ako." nagulat ako sa kaniyang sinabi at tinaasan siya ng kilay.
"Bakit?"
"Basta yakap na." Hinigit niya ng kamay ko at iniyakap sa kaniyang bewang. Mas maliit ako sa kaniya kaya ang mukha ko ay halos hanggang leeg niya lang. "Wag kang bibitaw."
Akala ko ay alam ko na ang susunod niyabg gagawin. Magteteleport nanaman siya at parang iikot nanaman ang paligid. Ngunit iba naman dito ang nangyari.
Naramdaman kong parang nawawala at natutunaw ang aking katawan pero hindi ito masakit. Maya-maya pa ay isa na lamang akong asul na usok na bumubulusok papataas hanggang sa makalagpas kami sa bubong at diretso sa mga ulap.
Nakayakap parin ako kay Throne pero ngayon ay isa na rin itong usok at hindi ko nakikita ang mukha nito kaya nagfocus nalang ako sa kagandahan ng paligid. Gabi na pala at mataas na ang buwan.
Ramdam na ramdam ko ang lamig ng hangin at mga ulap na humahampas sa aking usok na katawan habang patuloy kaming tumataas.
Ilang oras na ba kaming naglalakbay? Isa? Dalawa? Hindi ko na ito napansin. Maya-maya pa ay bumagal na ang paglipad namin.
Wala naman akong nakikita sa paligid na kahit ano maliban sa mga ulap at buwan ng para akong binuhusan ng tubig. Ang kaninang mga ulap na aking nakikita sa taas ay naging isang malawak na kalupaan at mga tubig na patuloy na dumadaloy ngunit hindi umaabot sa lupa.
May malaking arko sa malawak at mahabang hagdan papunta sa isang malaking gintong kaharian. Nagrereflect dito ang liwanag ng buwan na ngayon ay parang mas malaki at kaya ko nang hawakan.
Nang makita ang aming lumilipad na usok ng mga bantay na nakasuot ng pilak na kalasag ay tumabo ang isa sa kanila papunta sa palasyo. Ang mga natira ay nanatiling nakayuko hanggang sa lumapag kami at muling nabuo ang katawan.
Halos makalimutan ko na na nakayakap nga pala ako kay Throne kaya hindi ko agad ito natanggal dahilan naman para titigan ako nito. Naramdaman kong namula ang aking mga pisngi na hindi makikita dahil sa dilim ng paligid.
"Sumunod ka lang sa akin at gayahin lahat ng aking gagawin." tipid nitong pabulong na sinabi sa akin.
Nagsimula siyang maglakad paakyat sa malawak at mataas na hagdan habang ang mga kamay ay nakalagay sa likod. Ako naman ay palibot-libot ang tingin sa paligid na maliban sa mga ulap ay mayroon ding mga puno.
Nang makarating kami sa harap ng mataas na pinto ay agad itong binuksan ng mga bantay na nasa gilid nito kasabay ng isang malinaw at malakas na sigaw.
"Nandito na ang diyos ng dagat, tagapagmanang prinsipe ng mataas na kaharian ng langit, prinsipe Throne! " tumigil siya sa pagsasalita ang lalaki at tumingin sa amin. Yumuko ito at saka nagsalita. "Ano po ang ngalan ng binibini?"
"Li—" sasagot na sana ako ng biglang magsalita si Throne.
"Diwatang Lily ng kaharian ng silangang karagatan." sagot nito. Lalong bumaba ang yuko ng lalaki at muling lumapit sa pinto.
"At ang Diwatang Lily ng kaharian ng silangang karagatan!" binigyan kami nito ng daan at muling bumalik sa posisyon nito.
Nagpatuloy sa paglalakad si Throne na sinundan ko naman. Nang makapasok kami ay walang ibang tao sa loob maliban sa isang magandang babae at lalaki na nakaupo sa unahan ng mahabang pasilyo.
Walang mga korona sa ulo nito ngunit maraming mga brilyante at nakasuot ito ng mga napakagagandang damit. Ang inuupuan nitong mga gintong upuan ay may disenyo ng dragon at matatagpuan sa itaas ng isa pang hagdan na may mga telang nakalatag. May mahabang lamesa sa harapan nila na tumatakip sa kalahati ng kanilang katawan.
Ang lalaki ay nasa edad 30 pataas na ang itsura at ganoon din ang babae ngunit hindi parin nawawala ang kagandahan at kagwapuhan ng mga ito.
Naglakad kami hanggang sa ibaba ng hagdan. "Binabati ng prinsipe ang kaniyang amang hari at inang reyna." pagkatapos nito ay lumuhod siya at yumuko hanggang sa umabot ang ulo sa sahig.
Sinundan ko lang ang ginawa nito tulad ng sabi ni Throne. Lumuhod din ako at idinikit ang ulo sa sahid. Nang tumayo ito ay tumayo na rin ako.
"Binabati ng hari ang prinsipe sa kaniyang pagbabalik." saad ng hari. Anong problema ng mga bibig nila. Ang weird mag-usap.
"Nais ko na po sanang magpahinga muna at malayo ang aking nilakbay." magalang na sambit ni Throne.
Hindi sumagot ang hari pero itinungo nito ang kaniyang ulo. Aalis na sana kami ng biglang magsalita ng reyna. Nakakatakot at may awtoridad ang boses nito.
"At ang diwata?" napatigil ako at namutla.
"Kasama ko ang diwata ay bisita siya ng aking palasyo. " tinitigan ako nito na parang pinag-aaralan. Ngunit nang humarang si Throne at muling yumuko ay iniiwas na nito ang kaniyang tingin.
Tahimik kaming lumabas ng malaking kwarto at naglakad hanggang sa makapunta kami sa isang tulay na bato patungo sa isang malaking palasyong may mga kulay asul na bandera.
Maraming mga bantay sa paligid nito at mga gumagalang babaeng tagapagsilbi. May ilang dumaan sa kanila na agad yumuko at bumati. Magaganda at walang kasing kinis ang mapuputi nitong mga balat.
"Ito ang aking palasyo at lahat ng anakikita mo pagtawid sa tulay na ito ay akin."
BINABASA MO ANG
Four Gods and a Servant (Tagalog)
FantasySi Lily ay isang simpleng babae na ang gusto lamang sa buhay ay masuportahan ang kaniyang tatay. Pero pano kung bigla siyang mamatay? Papayag ba siyang maging alipin kapalit ng pangalawang buhay? Samahan si Lily at ang apat na diyos sa paglalakbay...