"Bakit hinahayaan mong saktan ka ng prinsesa?" tanong ko sa tagapagsilbi na ang pangalan pala ay Irish.
"Diwatang Lily, kaming mga alipin ay alipin na mula nang kami'y isilang. Wala kaming karapatang lumaban sa mga nakakataas sa amin."
"Pero wala ba kayong karapatang mamili ng inyong tadhana?"
"Maari po ba akong magtapat?" tanong nito habang nakatungo at hiyang-hiya. May pagdadalawang-isip sa mahinhin at maliit nitong boses.
"Oo naman."
"Alam ko pong imposible pero gusto ko po sanang maging isang malayang bulaklak."
"Bulaklak?" tanong ko dito at napatigil sa paglalakad.
"Opo. Isa akong bulaklak, isang sampagita. Sabi nila isa lang daw akong maliit at mahinang bulaklak pero para sa akin, isa akong mabangong munting bulaklak. At hindi ako—" bigla itong tumigil sa pagsasalita at lumuhod.
"Anong—" hindi ko natapos ang aking sasabihin ng bigla itong umiyak.
"Patawad, diwata. Alam kong wala akong karapatang magsaad ng maganda tungkol sa akin dahil ang kagandahan lamang ng mataas na tao ang—"
"Irish, tumayo ka nga. Walang problema sa iyong sinabi." Tinulungan ko itong tumayo na sinuklian naman nito ng ngiti.
"Napakabuti ng iyong puso, diwatang Lily."
Naglalakad kami ngayon ng mabagal sa ilalim ng maliwanag na buwan. Wala halos dumadaan at tahimik ang malamig na paligid. Ang mga bituin ay parang mga nilalang na pinapanood ka mula sa mas mataas na lugar."Bakit nga pala wala akong nakikitang mga ibon sa buong paligid?" tanong ko kay Irish.
"Matagal na pong walang bumibisitang ibon dito sa mataas na palasyo. Mag-iisang libo't tatlong daang taon na po ang nakalipas ng huling may nakitang ibon dito at yun ay ang dating imperatris. Isang araw bigla nakang siyang nawala."
"Isa siyang napakaganda at makapangyarihang ibon na anak ng isang sinaunang diyos. Ngunit sa kabila ng kapangyarihan nito ay punong-puno ng kabaitan ang puso nito at hindi kailan man ginamit ang kaniyang tunay na anyo para manakit." patuloy ni Irish. Naging interesado ako sa kwento nito kaya pilit kong pinapakinggan ang bawat salita.
"Naging masaya ang kaharian at araw-araw ay binibiyayaan ang buong palasyo ng mga awitin mula sa mga ibon. Pero kasabay ng pagkawala ng imperatris ay ang biglang pagsasara ng bansa ng mga ibon mula sa kahit na ano at sinong kasapi ng langit."
Madami pa akong gustong malaman pero dumating na kami sa harap ng isang bahay na katulad ng karamihan ay napapaliguran ng mga bantay. Hindi ito kasing laki ng kay Throne pero hindi ito maliit para matawag na simpleng bahay.
Papasok na kami ng biglang iharang ng dalawang kawal na nasa pinto ang kanilang mga sandata.
"Siya ang diwatang Lily. Ibinigay sa kaniya ng prinsipe ang panuluyang ito." saad ni Irish na nasa likod ko pa rin.
"Pagbati, diwatang Lily. Maari na kayong pumasok." binuksan ng isa ang pinto at bumungad nanaman ang isang kwarto na tanging napakalaking kama lamang ang laman. Nasa pinakagitna ito ng kwarto at nasa gilid naman ang ibang gamit.
"Maiwan ko na kayo, diwata."
"Irish, pwede bang wag mo na akong tawaging diwata."
"Pero hindi—"
"Gusto kitang maging kaibigan. Tawagin mo akong Lily."
"O-opo Lily." lumabas na ang babae pagkatapos nitong magpaalam.
At sa wakas... Pagkatapos ng isang mahabang nakakapagod na araw ay nagkaroon na ako ng pagkakataong mag-isa.
Grabe pala ang sitwasyon dito! Hindi ko kakayaning tumira dito ng kahit isang linggo. Mapang-alipin ang mga tao, maraming nagbabantay sayo, at kung mas mahirap na ang mangarap sa mundo, mas mahirap dito.
Tumingin ako sa mataas na kisame. Kamusta na kaya si tatay? Isang araw palang ako nandito pero para nang isang linggo.
Hanggang kailan kaya ako tatagal dito bilang isang diwata? Pano kaya kung malaman nila na nagkukunwari lang ako?
Iniisip ko ang mga mangyayari kinabukasan at hindi ko na namalayan na nakatulog na ako.
———
[Third Person's POV]
"Kamahalan, ipinatawag mo daw ako?" tanong ng isang lalaking nakasuot ng asul na damit. Ang mukha nito ay nababalutan ng asul na tela at ang tanging nakikita lamang dito ay ang kulay abo ditong mga mata.
"Ang diwatang Lily. Duda ako sa kaniyang katauhan." sagot ng reyna na nakaupo ngayon sa isang malaking upuan na nasa sarili niyang kwarto.
"Ano ang gagawin ko?"
"Subukan mo kung totoong isa siyang diwata ng tubig. Binibigyan kita ng pahintulot na patayin siya kung sakaling magkaproblema at makilala ka niya."
Yumuko ang lalaki bago tuluyang umalis. Naiwan ang reynang malayo ang matatalim na tingin.
Duda siya sa diwata pero parang may mas malalim siyang dahilan. Parang kamukha siya ng dati niyang kakilala na namatay din sa kaniyang mga kamay.
————
[Throne's POV]
Nasulyapan ko pa bago tuluyang umalis si Lily. Tama bang hinayaan ko siyang mag-isa? Ako ang may sabing magkunwari siya at hindi ko gugustuhing mapahamak siya dahil dito.
Hinanap ko ang hangin na nananalaytay sa aking katawan. Kailangan ko ng tawagin si Zhyke para pag-usapan ang gagawin naming hakbang.
"Zhyke... Zhyke..." bulong ko sa hangin at naghintay na lamang ng susunod na mangyayari.
Dalawa ang aking elemento. Ang tubig na pinakamalakas sa dalawa ay galing sa aking amang hari at ang hangin ay galing sa pareho naming ina ni Zhyke, ang dating imperatris.
Ang tanging namana lang ni Zhyke ay ang elemento ng aming ina na hangin ngunit napakalakas nito. Di na rin nakapagtataka dahil si ina ang pinakamalakas na ibon sa kasaysayan ng mundo.
Ang mga ibon ay natural na tagapangalaga ng hangin at sila ang tunay na naninirahan sa mataas na palasyo. Sayang nga lang at matagal nang walang bumibisita dito.
Gusto ko pa namang magtanong tungkol sa aking ina na hindi ko manlang nakita ang mukha. Sigurado akong marami silang kwento tungkol sa dati nilang reyna.
Matagal na ang nakalipas na oras ngunit hindi pa sumasagot si Zhyke kaya napagpasyahan kong dalawin muna ang tinutuluyan ni Lily.
BINABASA MO ANG
Four Gods and a Servant (Tagalog)
FantasiSi Lily ay isang simpleng babae na ang gusto lamang sa buhay ay masuportahan ang kaniyang tatay. Pero pano kung bigla siyang mamatay? Papayag ba siyang maging alipin kapalit ng pangalawang buhay? Samahan si Lily at ang apat na diyos sa paglalakbay...