Si Crushie From The Past

68 4 0
                                    


KINIKILIG si Rebecca na nayakap ang unan. Hatinggabi na rin pero hindi pa rin siya dalawin ng antok. Tinapunan ng tingin si Benjie na sarap na sarap nang natutulog sa lapag. Ipinasok nila doon ang isang kutson para tulugan nito. Iyon ang ibinilin ni Je-o rito nang maghiwalay sila. Bantayan daw siya para rito. Kulang na lang na mag-salute ang bestfriend niya sa pagpayag.

May mutual understanding na sila ni Je-o. At least, iyon ang ipinangalandakan ni Benjie sa sitwasyon nila nang matanong niya ito. Pero wala pa ring masasabing konkretong relasyon nila sa lagay na iyon. Hindi naman ito nanligaw. Lalong hindi niya ito sinagot. Iyon lang, hinalikan siya.

Tapos, hindi pa rin malinaw kung ano nito ang babaeng sumugod sa kanya sa tindahan. Kung walang nobya gaya ng sinabi nito, bakit kine-claim ng bruhang iyon na boyfriend nito ang lalake?
Maybe, makapal lang ang mukha nu’n kaya naghahabol, naisaloob niya. Dapat ay naitanong niya iyon dito para huwag siyang nanghuhula. Pero hindi na niya iyon na-follow up. Malamang nga’y naloka siya nang ganap nang mahalikan siya nito kaya nagliparan na iyon sa utak niya.

Kinabukasan, tinanghali siya ng gising. Nag-ayos lang siya sandali ng sarili bago sumunod sa tindahan. Abala na si Benjie sa pag-aayos sa loob. Nang maramdaman ang presensiya niya, makahulugan ang ngiti ng hitad.

“Glowing tayo, ah,” maluwang ang ngiting sabi nito. “Nabuhay na nga talaga ang growers mo, girl.”

Ngumiti naman siya. “Chus. Hayan ka na naman. Ibalato mo na nga muna sa akin ang araw na ito. May listahan ka na ng mga kakailanganin natin ngayong araw?” Tumango ito. “‘Akina at ako naman ngayon ang mamimili.”

“Sige. Ingat nga lang, ha?” Ngumiti na naman ito ng nanloloko.

Nakuha naman niya ang ibig na naman nitong ipakahulugan kaya umingos na lang siya kunwari na bumalik ng kusina at kinuha ang basket. Dumaan na rin siya mismo sa pinto roon palabas.

Nasa kasagsagan siya ng pamimili ng bangus para sa sinigang nang may tumagtag sa kanya. Pagbaling niya, isang nakangiting lalake ang nasulyapan niya doon.

“Hello. Natatandaan mo pa ba ako?” excited pati boses na tanong nito.

Napakurap siya sandali bago niya naisip kung sino ito. Namilog ang kanyang mga mata. “Egimar!” bulalas niya. “Ikaw nga.”

“Mismo!” kay luwang ng ngiting kompirma nito saka walang sabi-sabing niyakap siya.

Nanlaki ang mga mata niya sa ginawa nito. Ilang sandali siyang napamata. Disimulado siyang kumalas mayamaya sa biglang sikmat ng asiwa at alinlangan.

Si Egimar ang kauna-unahan niyang nobyo noong hayskul sila. Third year siya noon, fourth year naman ito. Guwapo si Egimar. Nagtataglay ito ng artistahing pagmumukha, kutis na mas maputi kaysa karaniwan, pangangatawan na tama lang sa edad nitong disisais subalit matangkad ito. Ito ang star player ng basketball team ng eskuwelahan nila noon.

Siya naman noon ay associate editor ng kanilang school organ. Naatasan siyang gawan ito ng feature article. Ayaw niya sanang gawin pero dahil kahit paano crush niya naman, inayunan na lang niya ang gusto ng kanilang adviser. Nang panahong iyon, walang nobya ang lalake. Ayon sa campus grapevine, kabi-break lang nito sa dating girlfriend na taga-ibang school. Noong una, ayaw nitong pagbigyan ang request niya para sa gagawing article. Pero hindi niya ito tinantanan lalo pa at malapit na ang pasahan para sa gagawing editing at publication.

Saka niya nalamang may proyekto naman ito sa English Communication na nakalimutang gawin palibhasa may pagkabulakbol. Accordingly, kailangan nito ng essay tungkol sa local tourist spots ng Luna, na nagkataong naisulat na niya at ipapasa na niya sana. Pero naunahan lang siya ng isa pang staff kaya kinailangan niyang itanong sa adviser nila noon kung ano pa ang magandang isulat. At iyon nga, i-feature niya raw ang campus player nilang ito—si Egimar. Ginawa niyang panuhol ang article niya kaya pumayag.

Nang sumunod na weekend, nagpunta siya sa mga ito para sa gagawing interview. Sa gitna ng pag-uusap nila tungkol dito, nauwi iyon sa pagkukuwentuhan nila. Bago pa man matapos ang araw na iyon, kilala na nila halos ang isa’t-isa. At nang sumunod na araw, nagsimula na ito ng panliligaw. Sinagot niya ito on their JS Promenade matapos ng halos tatlong Linggo'ng panliligaw nito. Mayroon naman siya kasing feelings kaya hindi na niya pinatagal ang panliligaw nito noon. And it seems, okey naman ito bilang boyfriend lalo at maalalahanin at mabait din. Halos araw-araw yata noon, hindi nito nakakaligtaang dalhan siya kahit isang tangkay lang ng rosas na lihim pa yata nitong pinitas sa garden ng Mama nito and say 'I love you' kapag ibinibigay na nito iyon. Kilig-kiligan naman siya. Pero pagdating ng graduation nito, hindi na ito dumalo dahil biglaan na lang na umalis ang pamilya ng mga ito pa-Davao. Naiwan tuloy siyang luhaan at hindi alam kung ano ang iisipin lalo at nang mga panahong iyon, hindi pa uso ang cellphone at internet sa bayan nila kaya wala silang komunikasyon. Ni, hindi ito sumulat para man lamang sana ipaalam kung ano ang nangyari at kung may aasahan pa ba siya. Binuno niya ang buong bakasyon para tanggapin sa sarili na wala na siyang halaga rito at hindi na siya dapat na umasa pa. Na hindi ganoon kalalim ang pagmamahal nito na gaya ng nararamdaman niya paukol dito para makaisip ng paraan sa pakikipagkomunikasyon sa kanya. After all, kahit gustuhin man niyang siya na ang mauna, wala naman itong iniwan na address sa kanya.

Sa masaklap na sinapit ng batang puso niya sa larangan ng pag-ibig, hindi na lang tuloy siya nakikipag-boyfriend at itinutok ang pansin sa pag-aaral hanggang sa makatapos siya on top of her class in high school at kahit nang tumuntong siya sa kolehiyo. Kung hindi lang sana namatay ang kanilang magulang nang wala sa oras, isa na siguro siyang full-pledge teacher sa kasalukuyan.

“So, kumusta ka na?” tanong nito na hindi binitiwan ang palad niya. “Hindi nga ako makapaniwalang halos eleven years na palang hindi kita nakita,” walang gatol na dugtong pa nito.

“O-okey lang naman ako. Oo nga. Matagal na rin.” Itinago niya ang pagngiwi. Kailangan pa ba nitong magkuwenta sa paraang parang nagsasabing nag-dive na ang edad niya sa ikatlong dekada? Pero siya din ang parang gustong mapahiya sa sarili nang maisip na masyado naman yata siyang naging sensitive bigla sa kanyang edad. Kung wawariin niya, alam niya kung saan nanggaling ang pangyayaring iyon.

Je-o…

Hindi niya alam kung bakit bigla siyang na-guilty nang maisip ang lalake. Nagkunwari tuloy na may aabutin siyang bangus kaya disimuladong binawi ang kamay sa pagkakahawak pa rin nito lalo at pinagtitinginan na sila ng mga tao.

Hand's Off, I'm In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon