Welcome To The Family

54 2 0
                                    

PARANG sa bato ang ekspresyon ni Rebecca. Nasa hapag-kainan sila sa kanilang bahay. Siya at si Henry. Nasa tindahan naman si Leila kasama si Benjie. Pinasunod niya agad ang kapatid sa kanilang bahay pagkarating na pagkarating pa lang ng mga ito. Gusto niya itong makausap nang masinsinan nang silang dalawa lamang.

“A-ate…?” Alumpihit si Henry sa kinauupuan. Asiwang-asiwa ang pakiramdam na hindi malaman kung paano titingin sa panganay na kapatid.

Gumalaw ang panga ni Rebecca. Pero hindi niya tinapunan ng sulyap ang kapatid. Huminga siya ng malalim. “Hindi kita susumbatan. Pero hindi nangangahulugan na hindi ako nadismaya sa iyo, Henry,” tahimik na saad niya. “Iyong pakikipagrelasyon, may kaakibat nang pananagutan iyon. Pero ang pagkakaroon ng anak, mas malala pa ang sitwasyon lalo na at hindi pa kayo kapwa handa. Pero ginawa niyo pa rin. Sabihin mo nga sa akin, ano ang gusto niyong mangyari sa buhay ninyong dalawa?”

“Ate, nagmamahalan po kami ni Leila—“

“Nandoon na ako,” agaw niya kaagad sa nais sabihin ng kapatid. “Pero hindi iyon ang dapat na dahilan para mapunta kaagad kayo sa sitwasyong gaya na ng sa inyo. Matalino ka, Henry, sana ginamit mo iyan.”

Nagpakayuko-yuko naman ang kapatid niya. Alam niyang napahiya ito. Nang sulyapan niya iyo pansumandali, nakita niya ang pagbagsak ng mga balikat nito. Ilang sandali pa, nakita niya ang pagyugyog ng katawan nito. Bigla siyang nagbaling ng tingin sa pagnanais kontrolin ang sarili. Ayaw niyang maiyak. Galit siya sa kapatid. Dismayado. Masakit ang kalooban niya. Gusto niya itong awayin.

“K-kung okey lang sa iyo, Ate, dumito muna kami ni Leila. Magtratrabaho ako. Kahit ano na lang. Basta hayaan mo’ng dirito muna kami. Pinalayas na ng mga magulang niya si Leila matapos malamang buntis siya, Ate. Hindi ko siya kayang pabayaan. P-parang awa mo na, Ate…” Minsan pa’y narinig niya ang pinipigil na hagulgol ng kapatid niya. “Kahit para na lang sana sa magiging pamangkin mo.”

Hindi na nakatiis si Rebecca. May luhang namalisbis sa kanyang pisngi habang pilit na inaapula ang tila batong sumagka sa kanyang lalamunan sa pamamagitan ng ilang beses na paglunok. Walang sabi-sabi na bigla siyang napatayo at niyakap ang kapatid sa likod nito. Hindi niya rin pala matitiis ang kapatid niya lalo at nagmamakaawa pa.

Sa ginawa niya, tuluyan na itong humagulgol na niyakap nang mahigpit ang isa niyang braso. Ilang sandali ang dumaan na tanging panangis nilang magkapatid ang nadidinig doon.

“Henry, kaunin mo na si Leila. Kailangan nating magpasya sa malao’t madali para sakaling may problema pa, hindi tayo magkakalituhan,” utos niya mayamaya.

“Salamat, Ate,” iiyak-iyak pa rin na sabi ng kapatid niya. Nang tumayo, bigla siyang niyakap at napaiyak na naman ulit.

Kinagat na lang niya ang pang-ibabang labi para huwag pati siya ay mapabulalas ng iyak.

Nang magkakaharap na ulit silang tatlo, walang paligoy-ligoy na sinabi niya kaagad ang plano.

“Henry, total nasa last semester ka na naman ngayong taon, siguro mas makabubuting ituloy mo na lang muna. Sayang, eh. At ikaw, Leila, ano na nga ba ang kurso mo?”

Parang ayaw siyang tignan ng kaharap. Nanganganino at nahihiya na rin siguro. “T-Teacher Education po, ate. Mas una lang po ako ng isang taon kay Henry kaya graduating na po sana ako.”

Napailing siyang muli. Talagang nakapanghihinayang ang dalawang ito. Kaya hindi niya masisisi ang magulang ni Leila kung galit na galit ang mga ito rito. “Gusto mo bang ituloy din muna? Sayang kasi, eh.” Bigla na lang siyang napabulalas ng iyak. Napalapit tuloy sa kanya si Henry na niyakap-yakap siya habang hinahaplos ang likuran niya.

Napaluha rin naman si Leila. Pero umiling ito. “Hindi muna siguro, Ate. Napag-usapan na namin ni Henry na kapag pumayag kang ituloy niya ang kanyang pag-aaral, kailangan ay hihinto din muna ako. Mahirap po kasi ang dadaanang practicum ng isang teacher. Hindi ko po kakayanin sa kalagayan ko ngayon.” Napahaplos ito sa sariling tiyan. Ayon kay Henry, tatlong buwan na ang nasa sinapupunan nito kaya kahit papaano ay pansin na nga ang umbok ng tiyan. Malamang, kung anu-ano’ng gimik siguro ang ginawa ni Leila kaya hindi napansin ng mga magulang nito iyon hanggang sa hindi na ito makapagkaila pa.

Suminga siya sa hawak na tissue. “Ganito na lang kung ganoon: payag akong ituloy na lang muna ni Henry ang kurso niya. Kapag nakapanganak ka na at kakayanin mo na din, saka mo ituloy din ang pag-aaral mo. Sa hirap ng buhay, mas malaki ang pag-asa natin kung mayroon tayong natapos.” Saka niya tinampal ang kapatid na nakatayo pa rin sa tabi niya. “Kaya ikaw, Henry, mas magpursigido ka pa ngayon. Hindi na lang sarili mo ang iisipin mo dahil may aasa na din sa iyo.”

“Opo, Ate. Pasensiya na talaga. Maraming salamat sa pang-unawa.” At niyakap siyang muli ng kapatid. Sa sutsot din niya, pinalapit niya si Leila at pati ito’y nakasama na rin sa group hug.

Hand's Off, I'm In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon