Claiming His Woman

78 1 0
                                    


“BINABALAAN na kita, pare. Lubayan mo ang nobya ko!” Ang tigas ng boses ni Je-o. Nang makita ni Rebecca ang paggalawan ng mga muscles sa panga nito, alam niyang anumang sandali, uumbagin na nito si Egimar.

Agad niyang dinaluhan ang dalawa. Pinilit na paghiwalayin. “Bitiwan mo siya, Je-o. Ano ba? Bitiwan mo, sabi!” Napapadyak pa siya.

Nakinig naman ang lalake. Pero iyon ay nang matapos bigyan ng nakakangatog-ng-tuhod na tingin si Egimar. Pasinghal pa nga’ng binitiwan bago siya binalingan.

“Kailangan nating mag-usap,” walang kangiti-ngiting saad nito sa kanya.

Kahit paano, nanganino siya rito. Ang sama palang magalit ang kumag. Iyong tingin nga, hindi nangsasanto. At ngayong hawak-hawak nito ang pulsuhan niya, ramdam niya ang lakas nito roon. At kapag tuluyang nagalit, baka ibalibag na lang siya.

Pero hindi niya napigilang mapangiti sa naisip. Nang balingan siya tuloy, kandairap siyang tinignan. “Ano’ng nakatatawa, aber?”

Lalo siyang napahagikgik. “Ano sa tingin mo?” ganting tanong niya.

Pero binalingan nito si Egimar na napapamata sa kanila. “Pare, pasensiya na. Hindi ko na siguro kailangan pang ipaliwanag ang dahilan ng inaakto ko kanina. Pero para makasiguro na rin, bangkay na muna ako bago mo masusulot sa akin ang babaeng ito. Sana naman nagkakaliwanagan na tayo.” Iniumang nito ang kanang kamay kay Egimar.

Noon na natawa ang winarningan. “Walang problema, pare,” anito na inabot ang kamay ng lalake. “Huwag kang mag-alala, mahal ka din niyan talaga. Kaya malayong sa akin ulit mapunta. Huwag mo lang sasaktan, ha? And mind you, ako ang isa sa mga ninong ng anak niyo  pagdating ng panahon.”

Siya naman ang binalingan ni Je-o. May namimilyo nang ngiting nais gumuhit sa mga labi nito.
“Anak na daw, ‘uy.”

“’Di pa puwede.”

“At bakit naman? Wala ka nang kawala sa akin, itaga mo iyan sa bato.”

“Hoy, sa loob nga muna kayo at marami nang miron diyan. Mamaya niyan, makarating na naman kay Almira, eh,” biglang singit ni Benjie.

Sukat sa sinabi nito, bumitiw si Rebecca kay Je-o at nagpatiuna nang pumasok sa tindahan. Muntik na nga pala niyang nakalimutan ang dahilan ng ipinagpuputok ng butse niya.
Tuloy-tuloy siya sa kusina pero hindi naman malaman kung ano ang gagawin pagdating doon.

Noon pumasok si Je-o. Nilapitan ang mga pinto at bintana at pinagpipinid. Mayamaya, sumandal ito sa gilid ng kitchen sink pero pormal na naman ang anyo.

“May sasabihin ka, ‘di ba? Now, talk,” utos nito sa kanya.

“Sa tingin mo ba, kailangan ko pang mag-explain gayong mismong ang puno’t dulo ng pinagseselosan mo, eh, tuluyan mo nang blinangka? Ikaw ang dapat magpaliwanag,” usig niya.

Napabuntong-hininga muna ito sandali bago siya nilapitan. Tumabi ito sa inuupuan niyang stool sa counter.

“There’s nothing going on between me and Almira. Maniwala ka naman. Sinabi ko na noon na pagtinging kapatid lang ang kaya ko’ng ibigay sa kanya, ‘di ba?” malumanay ang boses na sabi nito. Kumilos ulit ito mayamaya at hinuli ang dalawang palad niya. Pagkatapos ay inaresto naman nito ang kanyang tingin. “Mahal kita, Rebecca. Iyon ang totoo. Iyon ang nasa isip at damdamin ko. Hindi mo iyon dapat pagdudahan. Kung kinakailangang ligawan kita ulit kahit sa paraang pati si Maria Clara ay ipagtutulakan kang sagutin ako, gagawin ko. Huwag ka lang mawawala sa akin.”

Gustong mag-ulap ang tingin ni Rebecca sa sinabing iyon ni Je-o. “P-pero bakit ako? Sinabi mo na dati, antigo na ako. At kung pakakawariin mo, malayo ang agwat natin sa isa’t isa. Lahat-lahat sa iyo, nagpapaalala ng wala sa akin. Hindi ako mayaman. Mas maputi ka pa sa akin. Second year college lang ang natapos ko. At nagtitinda lang ng kung ano-ano. Maipagmamalaki mo ba ako pagkatapos? Matatanggap mo ba kung anumang kakulangan mayroon ako.” Nailabas niya rin ang mga nagtatagong insecurities niya sa katawan, finally. At pakiramdam niya, parang noon lang totoong may kalayaan sa Pilipinas.

“At bakit kasi sa materyal na bagay ka tumitingin? Hindi mo roon dapat sinusukat kung gaano kalalim ang pagtinging iniuukol ko sa iyo. Totoong nasa simula pa lang ang relasyon natin pero pasasaan ba’t papaimbulog din tayo sa mas malalim pang relasyon.” Inalis nito ang pagkakahawak sa kamay niya at sa balikat niya naman humantong ang dalawang palad nito. Inayos ang pagkakaupo at saka siya tinignan nang diretso. “Rebecca, lahat na ng anumang gulo mayroon sa mundo, kayang pawiin iyan ng pag-ibig kung marunong kang manalig. Maaari ba’ng bigyan mo ako ng tsansa para paniwalaan mo? Para maniwala ka sa atin at huwag mo nang isipin ang anupamang pampagulo na maaari pang magsusumiksik sa isipan mo?” Nakikiusap na ang boses nito.

Noon na sumikad ang emosyon niya. May luha nang tuluyang nalaglag sa magkabilang gilid ng kanyang mga mata.

“Sinusubukan ko naman, eh. Sa tuwina, itong isip ko, itong puso ko, parang ayaw pa maniwala, eh. Kung naaalala mo pa noong nag-uusap tayo sa bubong, sumasalit sa isip ko na para ka ring kagaya ng mga bituin sa langit. Nandoon ka, pero hirap pa rin ako’ng abutin ka. Kaya nitong huli, kailangan ko’ng isakripisyo ang sarili ko’ng kaligayahan dahil hindi ako ang nakalaang aabot sa iyo. Kung hindi si Almira, maaaring mayroong iba. Walang garantiya ang lahat sa mundo.”

Tumiim lalo ang ekspresyon sa mukha nito. Ang dating mga palad na nasa balikat niyang magkabilaan nang sumakop iyon sa pisngi niya.

“Pero mahal mo ako, ‘di ba? Kung totoong walang garantiya ang anuman sa mundo, huwag mo’ng ipagkait sa sarili mo na sumubok. Kahit sa paraang iyon man lang, hindi ka manghihinayang dahil may ginawa ka namang paraan para ipaglaban ang nais ng puso mo.”

Tuluyang humulagpos ang damdamin niya roon. Iglap, yumakap na siya nang tuluyan kay Je-o. To hell with whatever fears she may have o kaya mga katanungang nais pa ring sumiksik sa isipan niya para matakot at pagdalawang isipan pa si Je-o. Itong pag-uusap nga lang nila, isang paraan na ng pakikipaglaban nilang dalawa, bakit hindi na lang siya sasang-ayon kung kaligayahan na nilang dalawa ang nakataya?

Allawagan, daing niya sa isip patungkol sa pinakamakapangyarihang Diyos ng mga Isnag, sa Iyo ko na lang ipabahala ang lahat. Hindi siguro isang malaking pabor kung hihilingin ko sa Iyo na pagpalain mo itong pag-iibigan namin ni Je-o. Parang awa mo na…

Hand's Off, I'm In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon