To The Rescue Ang Hero

162 3 1
                                    

"ATE, puwede ka nang lumabas diyan. Wala na si Mamang Pulis."

"'Yong totoo. Pag niloloko mo lang ako, hinding-hindi ko pagbibigyan ang iniuungot mo'ng dagdag sa alowans mo," banta niya.

Kahit kasi nang mga sandaling iyon, hindi pa niya alam ang iisipin. Parang hirap siyang maintindihan ang sarili lalo na iyong mga naging reaksiyon niya sa lalakeng iyon.

Pumasok sa isinara niyang pinto si Leng. Namumula na ang mukha sa kakahagikgik.

"Gosh, ate. Gusto ko iyong tagpo ninyo. Parang Jodi Sta. Maria at Richard Yap lang. Nakakakilig. Bet na bet!" halos tumitiling sabi nito na nilapitan siya sa pagkakaupo at kiniliti. "Haba ng hair mo, kapatid!"

Pumiksi siya. "Ano ba? Huwag mo na nga'ng ipaalala at malapit nang bumaligtad ang mukha ko. Bet na bet ka diyan. Nakakahiya kaya ang nangyari!"

"'Chus! Kunwari pa ito. Magtapat ka nga, ate: nanliligaw ba iyon sa iyo?" Hindi pa rin nawala sa mga mata ng kapatid ang ningning nu'n. Nanunukso.

Tumalikod siya kaagad at hinarap ang naroong hugasan sa lababo. "Hindi, ah. Ngayon ko nga lang din iyon nakita rito. Malay mo kung dayo lang din dahil diyan sa ginanap na peace and order symposium kanina," defensive na sagot niya. Pero ewan ba niya at tila may kung ano'ng gumuhit na kilig sa naisip sa posibilidad na iyon.

At gusto niyang mapanguso nang may kumudlit sa kanyang dibdid sa isiping hindi iyon mangyayari kung totoo ang kanyang sinabi.

Gosh, at talagang umasa ang lola! Tila may bumuska tuloy sa kanya.

"Ay. Kung ganoon ay hindi nga ako nakakaringgan lang kanina nang madinig ko sa mga miron na siya ang pumalit sa dating hepe ng pulisya dito sa atin. Ate. Akala ko kasi dati na siya dito."

Nalaglag ang panga niya na deretsong napaharap kaagad sa kapatid. "Hindi ka nagbibiro?" Agad-agad ay nagtawag siya ng basbas ng mga santo sa kanyang isipan na sana'y nagbibiro lang ang kapatid. Parang gusto niyang magsisi sa naramdamang panghihinayang kanina. Kasi hayun, mukhang may nangunsuwelo sa kapalaran at ibinalik sa kanya ang akala niya'y napakawalang pagkakataon. Pero 'di nga ba?

"Hindi, 'te. At siya si Senior Police Officer Three Je-o Reynald Caridaoan. Thirty-two na din pala. Dinaldalan ko, eh. Saka tinanong niya pala kanina ang pangalan mo, di sinabi ko. Huwag mo na akong kurutin, ate, pero totoo, ang guwapo niya talaga. Kung pagbabasehan ang mukha pa lang, malamang ay lahing Igorot iyon. Pero may Chinese blood din yata kaya naging singkit. Ang ganda ng mga mata, ate. At doon pa lang, ulam na." At humagikgik na naman ang lumalanding kapatid niya.

Doon na siya buong giting na bumuntong-hininga.

"MAG-IINGAT ka sa biyahe, ha? Iyong abasto mo, huwag mong kalilimutan. Ipinagbilin ko na kay manong," bilin niya kay Leng nang makapuwesto ito sa panghuling upuan ng pampasaherong van na kalapit lang din ng bintana. "At sabihin mo kay Henry, siya naman ang uuwi sa susunod na linggo. Baka malibang na naman sa pakikipag-head bang sa mga barkada." May bagong nakahiligan kasi ng kapatid niyang iyon: sumama sa banda na ewan lang niya kung ano ang pangalan.

"Ano pa, 'te?" nakanguso nang tanong ng kapatid niya.

Iningusan niya ito. "Wala na. Hala, makalayas na nga at baka magtakbuhan na ang mga tutuli ng tainga mo sa kilo-kilometrong bilin ko. Pero iyon na. Mag-iingat ka palagi." Lumayo na siya nang pausad na ang van.

"Okey, Ma'am. Got it!" At kumaway na ito sa kanya.

Kumaway din siya. Nang tuluyang mawala ang sinasakyan nito sa paningin niya, walang lingon-lingon na tumawid siya ng kalsada. Subalit gayon na lamang ang pagkagulat niya nang biglang may nagtilian kasabay ng makatalsik-tutuli'ng busina ng sasakyan. Nang bumaling siya sa kaliwa, agad ang hilakbot na gumapang sa kanyang kabuuan kasabay ng panlalaki ng kanyang mga mata. Awtomatikong tumaas ang dalawang kamay niya pasangga. Pero bago pa siya nabunggo, tila may dumagit nang walang patumangga sa kanya pagiya sa pinagmulan niya kasunod ng paggulong nila sa gilid ng kalsada.

Napapatili siya lalo na nang tuluyan siyang bumalandra sa harap ng pasukan ng botika ilang hakbang lang ang layo sa mismong kalsada.

Umingit naman nang sobra ang preno ng dumptruck na muntik nang nakabundol sa kanya sa biglang paghinto nu'n at galit na galit ang driver na umeksena sa harapan niya.

"Magpapakamatay ka ba? Kung iyon lang ang kailangan mo, huwag ka nang mandamay ng ibang tao. Magbigti ka na lang nang sarili mo!" At sa sobrang gigil nito sa kanya, umamba ang kamay nito. "Putang—"

Biglang may pumigil sa kamay ng lalake sa ere. "Sasaktan mo pa, ha? Nakita mo na nga'ng tigagal at tinakasan na ng kulay ang mukha, eh. Kung tutuusin, may kasalanan ka rin!" matigas ang mukhang sabi ng isang pulis na walang iba kundi si Je-o. Pabagsak na iwinaksi nito ang kamay ng mukhang sangganong driver at nakipagsukatan dito ng tingin.

Napaurong tuloy ang lalake. Lalo pa nang makitang mas mataas pa ang kaharap kaysa rito. Pulis pa mandin kaya tila ito aso'ng nabahag ang buntot.

"Ah, eh, chief, pasensiya na po. Ito kasing—"

"Huwag na kayong mangatuwiran. Nakita niyo nang sentro ng komersiyo ang parte ng daan na ito. Alam ko'ng may checkpoint doon sa daan mula sa pinanggalingan niyo papuntang Ilocos Norte at may paalalang magdahan-dahan kayo ng patakbo rito. Pero iyong pagpapatakbo niyo kanina, mabilis pa iyon sa speed limit. Kung bibitbitin kaya kita sa presinto?" salubong ang kilay na saad nito.

Lalo lang tuloy itong hindi nakaimik. Marami nang mirong nakapaligid sa kanila. May lumapit na rin na ibang pulis. Nang makita si Je-o, biglang nag-salute ang mga ito. Obviously, kilala ng mga ito ang lalake kahit sa Apayao ang destino. Ang mga dekorasyon siguro sa dibdib at balikat ang isa pa sa dahilan kaya ganoon. Tumango lang naman ito bago nito pinulot ang police head cap na tumilapon malapit din sa kinaroroonan ni Rebecca.

Tinalikuran na nito ang driver at hinayaang ang mga rumespondeng pulis-Cagayan na lang ang humarap sa driver. Siya naman ang binalingan. Sa nakita niyang dumi at gusot sa uniform nito, halos nahuhulaan na niyang ito ang sumagip sa kanya sa tiyak na kapahamakan. At kung hindi dahil dito—

Minsan pa'y lumukob sa kanya ang hilakbot na nadama rin kanina sukat para panlamigan siya ng katawan. Nayakap niya ang sarili nang paupo nang maramdaman ang unang bugso ng panginginig ng kanyang mga kalamnan sa gitna ng mainit na panahon. Katanghaliang tapat na din.

Doon na siya inabot ni Je-o at bago pa niya maintindihan kung ano ang gagawin nito, itinayo siya nito at bigla na siyang niyakap nang mahigpit. Sa ginawa nito, may humaplos sa kanyang puso sukat para bumaha ng emosyon sa dibdib niya. Iglap pa, parang nabuksang dam na kumawala ang luha sa kanyang mga mata kasunod ang impit na paghagulgol.

"Sshh...it's okey now. It's okey now," alo nito sa kanya kasabay ng paghagod nito sa kanyang likuran.

Sa tila mapagsuyong boses at higpit ng yakap nito sa kanya, tila may isip ang mga sariling bisig na yumakap na rin ang mga iyon sa baywang ng lalake. Hinang-hina ang pakiramdam niya. Kailangan niya itong yakapin para umamot ng lakas na waring ibinibigay ng pagyakap nito sa kanya. May utang na loob na siya sa lalakeng ito. Sinagip nito ang kanyang buhay.

Matagal din silang nanatili sa ganoong posisyon nang sa bandang huli'y mahamig niya ang sarili. Noon siya nakaramdam ng hiya lalo pa nang makitang may mga nanunood pa rin pala sa kanila.

Nagpapatay-malisya na bumitaw siya ng yakap dito.

"S-salamat," hindi siya makatingin nang diretso sa lalake na sabi niya rito. "Kung hindi sa iyo, malamang na paglalamayan na ako mamayang gabi."

"Huwag mo nang intindihin iyon. Maging maingat ka na lang sa susunod, ha?"

"Oo. Talagang-talaga. Kailangan." Nangaligkig na naman siya. "Utang ko ang buhay ko sa iyo ngayon. Sana may magagawa ako upang maipakita ang malaking pasasalamat ko sa iyo. Hindi sa lahat ng panahon, may isang taong handang magbuwis din ang buhay para lang mailigtas ako. Ni, hindi nga tayo magkaanu-ano."

Humawak ang dalawang palad nito sa magkabila niyang balikat. Inaresto nito ang kanyang mga mata kahit anong pilit niyang magbaba ng tingin. Lalo pang hindi siya nakaiwas nang hawakan nito ang kanyang baba. "Listen: sinabi ko nang huwag mo nang alalahanin iyon. Bilang alagad ng batas, tungkulin din naming magsalba ng buhay kagaya ng ginawa ko sa iyo kahit pa nga buhay din namin ang nakataya. Sa propesyong ito, nasa hukay na ang isa naming paa. Pero sabi nga, we serve and protect. And we go the extra mile if the situation calls for it. Okey na?" May ngiting namutawi sa mga labi nito.

Tumango na lang siya kasabay ng minsan pang pagrarambulan ng kabog sa kanyang dibdib.

Ano kaya ang mangyayari? Sundan...

Hand's Off, I'm In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon